Sa ika-40 na araw ng pagpaslang kay Randall Echanis, inanunsyo sa isang press conference ang paglulunsad ng Justice for Echanis, Justice for All o JEJA, Sabado ng hapon, Setyembre 19.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang JEJA ay isang malawak na alyansa ng mga indibidwal at organisasyon maaring mula sa mga iba’t ibang sector na nakikiisa sa paghanap ng hustiya para kay Echanis at para sa lahat ng mga biktima ng pampulitikang pamamaslang.

Ibinahagi ni Danilo Ramos, Tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, kung bakit mahalaga ang alyansang ito sa panahong ito.

“Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, sa ilalim ng programang ginagawa ni president Duterte mahirap makamit ang hustisya para kay ka randy at marami pang biktima ng pampulitikang pamamaslang,” aniya.  

Sa kasalukuyan, nasa 31 na ang convener ng JEJA, kabilang na si Bishop Broderick Pabillo, Apostolic Vicar ng Archdiocese of Manila; Bishop Reuel Marigza ng United Church of Christ in the Philippines at Bishop Joel Tendero of the Ecumenical Bishops Forum.

Sa kasalukuyan, higit isang buwan na ang nakalipas at wala pa ring napapanagot o wala pa ring saspek na naaaresto sa pagpaslang kay Echanis, 72, at sa kapitbahay nitong pinaslang din, si Louie Tagapia, 48, sa Novaliches sa Quezon City. Ito ay sa kabila ng nakapailalim sa mahigpit na lockdown at 8pm-5am curfew ang buong rehiyon ng Metro Manila mula Agosto 4 hanggang 18. Pinaslang si Echanis noong Agosto 10 ng madaling araw.

Ayon sa datos ng Karapatan, mayroong nang naitalang 308 extrajudicial killings at 439 frustrated extrajudicial killings sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte mula Hulyo 2016 hanggang Mayo 2020.

Nito lamang simula nang mapailalim sa lockdown ang bansa, nagpatuloy ang mga pagpaslang sa mga human rights workers gaya nina Zara Alvarez, Carlito Badion at Jory Porquia, at mga lider-pesante at aktibista gaya nina Echanis, Marlon Madlos, Nora Apique, Harold Tablazon, at Allan ‘Mano Boy’ Aguilando. Patuloy naman na nawawala ang isang manggagawa at organizer sa hanay ng magsasaka at community radio broadcaster na si Elena Tijamo.

Dagdag pa ng grupo sa ilalim ng alyansa na ito ipagpapatuloy nila ang nasimulan ni Echanis na pagtataguyod sa tunay reporma sa lupa para sa mga magsasaka.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here