Pang-apat sa pitong magkakapatid si Jay-Ar Mercado. Siya ay anak ng parehong magsasaka sa Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite. Umabot hanggang sa ikalawang taon sa hayskul si Jay-Ar.

“Napakabait niyang kuya sa amin, hindi niya kami pinapabayaan lalo sa oras na kailangan namin siya. Mapagbigay rin siya sa amin,” paglalarawan ni Jojo, isa sa kapatid ni Jay-Ar.

Taong 2013 nang maorganisa siya sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK). Ang pamilya ni Jay-ar ay naninindigan para sa kanilang karapatan sa lupang sinasaka sa Lupang Ramos.

“Makulit yan noong kabataan niya talaga pero nu’ng sumali siya sa KASAMA-TK, nagsimula siyang magbago, ‘Yung pagiging pasaway niya, nawala na, sobrang bait niyang anak sa amin noon,” paglalahad ni Pacita, nanay ni Jay-ar.

Taong 2013 rin niya napagpasyahang maging isang boluntir at miyembro ng Bigkis at Lakas ng mga katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK), isang progresibong organisasyon ng mga katutubong mamamayan na nagsusulong ng sariling pagpapasya at makatarungang kapayapaan sa Timog Katagalugan.

Pitong taong nakipamuhay at tumulong si Jay-Ar sa mga katutubong Mangyan sa Mindoro. Nagtuturo sa mga batang katutubo, tumutulong sa pagsasaka at kumakalap ng mga importanteng datos para sa pagsasagawa ng mga solusyon para sa kanilang mga problema sa komunidad ang ilan sa pangunahing naging trabaho ni Jay-Ar sa loob ng pitong taon niya roon.

At sa panahong siya ay hinuli noong Enero 25, siya ay nagsasagawa ng pangangalap ng mga impormasyon tungkol sa mga pangangailangan ng mga katutubo matapos ang dalawang magkasunod na bagyo na tumama sa kanila sa Bulalacao, Oriental Mindoro.

Dinakip at pinaslang siya ng mga pinaghihinalaang miyembro ng 4th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines.

“Sobrang sama nila, ang anak ko tumutulong lang, napakabait no’n tapos papatayin nila? Ang tagal pa ipakita ng bangkay sa’min,” galit na paglalahad ni Pacita.

Kinuha ng mga militar ang katawan ni Jay-ar sa punerarya tapos inilibing nila noong Enero 31. Hinanap ng pamilya ni Jay-ar ang kanyang bangkay at ipinahukay ito. Nais nilang malaman kung tinortyur si Jay-ar, nais nilang makita siya sa huling pagkakataon, at nais nilang maayos na makapagpaalam.

Pebrero 5 na lamang nahukay ng pamilya ang labi ni Jay-ar.

Nakaburol siya ilang gabi sa Maynila. Sa Linggo, Pebrero 9, ang kanyang libing.

Hindi maitago ng pamilya ni Jay-ar at ng mga grupong kinabilangan ni Jay-ar ang galit sa mga militar.

Enero 17 nang maging Chief of Command si Major General Antonio Parlade Jr. ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Luzon Command (SOLCOM). Anila, ilang araw pa lamang si Parlade sa SOLCOM ay ilang patayan at arbitraryong pag-aresto sa mga magsasaka at mahihirap sa rehiyon ang ginawa nito. Ang pinakahuling ‘malalang krimen’ o iskema ng heneral ang pagkakait ng labi ng mga biktma sa pamilya nito.

Si Jay-Ar ay isang martir ng bayan. Siya ay kusang-loob na buong-buong nag-alay ng kanyang panahon, talino at buhay para sa aping mga katutubo ng Mindoro.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here