Ito ang panawagan ng All Workers Unity, kabilang ang mga manggagawang pangkalusugan, guro, empleyado ng gobyerno, BPO workers, at BAYAN ay nagsagawa ng joint presser noong Nobyembre 28 para ipahayag ang kanilang mga plano para sa Nobyembre 30 na Araw ng Bonifacio, na itinalaga bilang “Araw ng Masang Anakpawis.”
“7.7%, pinakamataas na inflation ang ating dinanas sa pagtatapos ng Oktubre. Walang sektor ng ating bayan, ng mga pangkaraniwang mamamayan na hindi dumadaing ngayon. Kung dati ang karne ay mahal, pero ang iba’t ibang gulay ay mas mahal pa sa karne,” ani Elmer ‘Bong’ Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno.
Dagdag niya, “Family living wage ang dapat ibigay, hindi iyong tingi-tinging bente, trenta pesos na pagtataas sa sahod ng manggagawa. Family living wage na nagkakahalaga ng P1133 para sa lahat ng manggagawang Pilipino.”
Binatikos din ni Labog ang pag-iiba sa sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region o NCR sa at sa mga nasa labas nito.
“P570 lang ang pinakamataas na sahod ng manggagawa. Pero ang tunay na halaga nito kung ikukumpara sa base year 2018, P494 lamang. At kung ang manggagawa ay lumalayo sa Metro Manila, higit na mababa ang kanilang sahod, epekto ng regionalization of wages o rationalization of wages sa RA 6727…Ngunit yung tinatawag na cost of living ay halos pantay-pantay na…Isa sa pinakamataas na cost of living ay iyong sa BARMM,” paliwanag ni Labog.
Nakiisa rin ang mga manggagawa sa pampublikong sektor sa pamamagitang ng COURAGE sa panawagang itaas ang sahod.
“P12,517 a month ang sweldo ng pinakamaliit na kawani. Mas mababa pa sa mga local government units, maaaring mas mababa sa 65%, kaya P 8,000 lamang ang sinasahod ng mga nasa 6th class municipality na mga LGU. Ang panawagan ng mga government workers, tulad sa pribadong sektor, ang national minimum wage na P33,000,” paglalahad ni Ferdinand Gaite.
Kwento ni Vladimir Quetua ng Alliance of Concerned Teachers, hirap ang mga estudyante nila sa baon, pamasaheat iba pang gastos sa pag-aaral, gaya nang hirap din silang mga guro sa pantustos sa araw-araw.
“Walang saysay ang binigay na umento sa kawaning pampubliko sa nakaraang apat na taon. Yung kabuuang P 2,000 mahigit na umento mula [Salary Grade 1], sa totoo lang ay P500 umento sa taunang sahod ito mula 2018, na may tunay na halaga lamang na P4, kulang pa na pambili ng isang sachet ng 3-in-1 coffee,” ani Quetua.
Diin niya, ang guro ang may pinakamababang sahod sa lahat ng mga propesyunal.
“Naturingan kaming mga guro na propesyunal pero 92% ng mga guro sa bansa ay sumasahod ng mas mababa sa family living wage,” ani Quetua.
Kasabay ng panawagan sa pagtataas ng sahod ay ipinaglalaban ng Alliance of Concerned Teachers ang salary upgrading.
”I-adjust mula Salary Grade (SG) 11 tungong SG 15, pagtatama po ito sa matagal nang distortion ng salary scheme ng gobyerno. Ang pulis at nars nga po ay P30,000 na ang sahod. Overworked kaming mga guro, abono pa sa mga pangangailangan ng paaralan,” giit niya.
Nakiisa rin ang grupo ng mga manggagawang pangkalusugan sa panawagan.
“Sa South East Asia, tayo po ang pinakabarat magpasahod sa mga health workers. P32,000 per month pero sa kalapit-bansa, ang Singapore ay katumbas ng P232,000 ang sahod ng nurse. Panahon na ipatupad ang P33,000 para sa Salary Grade 1,” saad ni Robert Mendoza ng Alliance of Health Workers.
Dagdag pa ni Mendoza, nakalulungkot isipin na marami pa ring benepisyo ang hindi ibinibigay kaya napapanahon nang itaas ang sahod.
Gaya sa ibang manggagawa, ang araw-araw na gastusin ng BPO workers ay hindi na nagkakasya sa kanilang sahod, ayon kay Anne Krueger, tagapagsalita ng BPO Industry Employees Network o BIEN.
“Mula noong 2005 na mataas na offer na sahod sa BPO nung nagbo-boom pa lang ang industriya, matapos ang isang dekada ay 38 to 49% ang ibinaba nung mga entry level wage na ito,” paglalahad ni Krueger, batay sa datos na nakalap ng BIEN.
Dagdag niya, “Katulad ng inilabas ng [Philippine Statistics Authority], ang median annual average salary ng call center worker ay P202,494 lang. so kung [hahatiin] sa 12 buwan, pumapatak siya ng P15,000 hanggang P16,000 lang kada buwan.”
“Batay sa nilabas ng Jobstreet na salary range for 2022, ang entry level o median entry level pay [mula] P14,600 sa banking and finance, P20,000 sa telecommunication. Ito iyong malaking bulto kasi ng mga call center worker. Kaya may mga [nag-aalok] na ng minimum wage o [mas mababa. Pano pa] kaya sa mga probinsya? May mga nakapanayam na kami na sa mga probinsya, nag-aalok sila ng P8,000, P10,000, tapos meron nang P13,000, P14,000 dito sa NCR,” saad ni Krueger.
Wala rin daw gaanong ‘choice’ ang mga BPO workers sa mga kakainan dahil nasa mga mall at PEZA ang mga call center, at sadyang doon nag-oopisina, kung saan mahal ang mga bilihin at tila sila rin ang market.
“Kahit P25 na extra rice, konti na lang pesyo na ng isang kilong bigas, masakit na sa bulsa. Wala nang savings, wala nang [paraan] para magtipid pa,” aniya.
Para kay Ariel Casilao ng Ugnayan ng Manggagawa sa Agrikultura, may diskriminasyon sa sahod ng manggagawa sa serbisyo at industriya sa mga manggawa sa agrikultura, kung saan laging mas maliit ang sa huli.
“P150 kada araw na pasahod nararanasan pa rin sa hanay ng mga sakada o manggagawang bukid sa tubuhan o mala-alipin na sahod. Pinatindi pa ito sa mga pakyawan system na ginagawa ng malalaking korporasyon, mga asyendero, aryentador, para mas makatipid sa lakas paggawa ng mga manggagawa sa agrikultura,” ani Casilao.
Dagdag niya, “Malaganap sa buong bansa ang pakyawan system. Hindi ito nakabatay sa arawang sahod, kundi ay sa quota ng ipoprodyus ng manggagawa sa agrikultura o manggagawang bukid,”
“Kailangan na itaas ang sahod dahil hindi sustenable ang pagtatrabaho sa ibang bansa. Sa panahon ng lockdown at pandemya, maraming na-displace at nawalan ng trabaho, aabot isang milyon at tumataas pa iyan,” ani Arman Hernando ng Migrante Philippines, na nakiisa rin sa panawagang itaas ang sahod.
Maliit na kita ng mga manggagawa sa impormal na sektor at mataas na presyo ng bilihin ang daing ng mga maralitang lungsod at mga tsuper ng dyip.
Ani Bayan Secretary General Renato Reyes, kumon na panawagan na sahod itaas at presyo ibaba sa pagkilos ng mamamayan sa Nobyembre 30, kaarawan ni Andres Bonifacio at isang regular holiday.
Giit niya, walang direktang pahayag o tindig si Ginoong Marcos sa panawagan sa pagtataas ng sahod.
Hinamon niya ang limang buwang administrasyon ni Marcos Jr. na ilahad ang tindig sa pagtataas ng sahod ng manggagawa at ilahad ang plano sa kung anong gagawin sa nagtataasang presyo at wala nang pambili ang mamamayan.
“Iyong Golden Age pala ay presyong ginto na ang mga bilihin,” pasaring ni Reyes.
Paglilinaw naman ni Labog, anumang taas sahod ay bukas sila, pero hindi dapat tingi-tingi at kinikilala nila ang kahirapan ng MSMEs at dapat nga i-subsidize ng gobyerno ang MSMEs.