Ayon sa League of Filipino Students National Capital Region (LFS NCR), hindi solusyon ang Mandatory ROTC sa insidente ng pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard na maglalayag tungong Ayungin Shoal noong ika-5 ng Agosto.

Ang Ayungin Shoal ay bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas batay rin sa desisyong inilabas sa International Arbitral Tribunal noong 2016.

Ang ideyang pagtutulak sa Mandatory ROTC ay nanggaling kay Senador Robinhood Padilla na nagbigay ng kanyang manipestasyon sa privilege speech ni Senate Pres. Migz Zubiri hinggil sa insidente ng pambobomba ng Tsina.

Sa kanyang talumpati, iminungkahi ng senador ang pag-amyeda sa probisyon sa 1987 Constitution partikular sa pagdedeklara ng batas militar.

“Doon po sa 1973 Constitution, malinaw po doon na sinasabi ‘yung imminent danger. Dito po sa 1987 Constitution, tinanggal po ‘yun, ‘yung imminent danger, at naiwan na lamang po doon ay invasion, rebellion. Kailan po ba dapat tayo aaksyon? ‘Yun po ang tanong ko. Aantayin pa natin ‘yung invasion?”

Matagal nang itinutulak ni Sen. Padilla na ibalik ang katagang “imminent threat” sa konstitusyon dahilan para paigtingin ang panawagan at suporta nito sa pagsusulong ng charter change.

Ngunit dagdag dito, iginiit din niya ang pagpapanumbalik ng Mandatory ROTC o Reserve Officers’ Training Corps para himukin ang mga kabataang estudyante na maghanda sakaling magkaroon man ng sigalot.

Ayon sa grupo, ang panukalang mandatory ROTC ay nauna nang ipasa sa kongreso sa tabing ng mandatory National Citizens Service Training (NCST) kung saan sasailalim ang mga mag-aaral sa kolehiyo sa loob ng dalawang taon para sa programang ito. Layunin din para sa mga nagtapos ang pagsama nila bilang reserbang hukbo sa Armed Forces of the Philippines

Habang nasa ikalawang pagdinig naman ang bersyon ng MROTC bill sa Senado.

Ayon pa sa LFS NCR, kailangang magkaroon ng malinaw na aksyon ang administrasyong Marcos Jr.  partikular sa ginagawang panggigipit ng Tsina sa bansa.

“Naninindigan ang Liga na dapat tumindig ng ating bansa laban sa mga paglabag na ito, ngunit hindi dapat isangkalan ang mga kabataan upang maisakatuparan ito. Nariyan naman ang militar na bilyun-bilyon ang pondo taun-taon na walang magawa para masolusyonan ang isyung ito sa agawan ng teritoryo,” dagdag ng LFS NCR.

Tinatayang P195.73 bilyon ang hinihinging badyet ng Philippine National Police (PNP) para sa 2024 National Expenditure Program (NEP). Habang P229.9 bilyon naman para sa Department of Defense (DND).

Ayon naman sa Anakbayan National Capital Region, inilalantad lamang ni Sen. Padilla ang totoong pakay nito na gamitin ang kabataan na pwersang panlaban sa oras na sumiklab sa gyera sa pagitan ng China at Pilipinas.

“Walang balak sila Padilla na harapin ang samu’t saring hinaing ng mga kabataan kagaya ng dagdag-badyet para sa pampublikong edukasyon, pagpigil sa mga pagtaas ng matrikula sa mga pribadong eskwelahan, pagtigil sa militarisasyon sa mga kampus, pagtigil sa walang patid na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pagtataas ng sahod ng mga manggagawa. Tiyak na isa pa siya sa mga papayag na ilaan sa confidential at intelligence funds ang pondong magagamit sana upang paunlarin ang ating sistemang pang-edukasyon,” pagbabahagi ng Anakbayan NCR.

Aabot sa P3 bilyong kaltas ang panukalang badyet para sa University of the Philippines ayon sa 2024 NEP na may alokasyon lamang na P22.58 bilyon. Mas mababa ito ng P2.9 bilyon kumpara sa P25.52 kabuuang budget na nakuha ng UP system para sa kasalukuyang taon.

“Hamon sa ating mga kabataan na kumilos, hindi lamang upang kundenahin ang panghihimasok sa ating teritoryo ng mga imperyalista kagaya ng Tsina at US kung hindi para rin ipagtanggol ang ating mga demokratikong karapatan sa loob ng mga eskwelahan,” paghahamon ng LFS NCR.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here