Ika-6 ng Enero nang ikasa ang social media rally sa pangunguna ng iba’t ibang grupo ng kabataan, manggagawa, at mga indibidwal upang ipanawagan ang agarang pagpapalaya sa unyonistang si Rodrigo Esparago na kabilang sa #HRD7. Kabilang si Esparago sa tinaguriang #HRD7 na inaresto sa araw ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Karapatang Pantao noong Disyembre 10.

Illegal possession of firearms and explosives ang idinidiing kaso kay Esparago kasama ang buong #HRD7; subalit, matatandaang kalauna’y pinaratangan din sila ni PNP-CIDG NCR Regional Director P/Lt. Col. Randy Glenn Silvio bilang mga miyembro ng isang ‘gun-running syndicate’. Sa kabilang banda, pumrente naman si NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Marie Badoy at binansagang miyembro at top ranking officials ang #HRD7 ng CPP-NPA-NDF.

“Kailanma’y hindi naging krimen ang maglingkod sa masa! Hindi krimen ang pagiging aktibista!” mariing panawagan ng Anakbayan Metro Manila.

Sino si Rodrigo?

Si Rodrigo “Erwin” Esparago ay isang organisador ng mga unyon at kinikilalang isa sa mga nagtaguyod ng Sandigang Manggagawa ng Quezon City (SMQC) noong 2014. Isa rin si Ka Erwin sa nag-organisa sa hanay ng mga manggagawa sa University Hotel ng University of the Philippines – Diliman.

Naging miyembro si Erwin ng League of Filipino Students sa University of the East – Caloocan noong 1990s. Nagpatuloy ang kanyang pago-organisa at pamumuno tungo sa mas malawak na hanay ng mga manggagawa at urban poor communities.

Noong 2019, pinangunahan niya ang kampanya ng SMQC upang lumahok at magpatala sa Quezon City Development Council kung saan galing sa SMQC ang kasalukuynag CDC labor sector reporesentative. Dagdag pa rito ang pagiging katuwang ni Erwin sa pagbabalangkas ng pormasyon ng CBA sa University Hotel, CNA sa All UP Workers Union, at Alliance of Call Center Workers Metro Manila.

Dagdag pa rito, nitong dumating ang pandemya gawa ng COVID-19, pinangunahan ni Ka Erwin ang pagbibigay ng physiological support at assistance sa mga nai-stranded na manggagawa maging ang mga nawalan ng trabaho mula sa University Hotel.

Palayain si Rodrigo Esparago

Kabilang sa isinagawang social media rally ay ang pagpo-post ng mga larawang mayroong bitbit na plakards at kanya-kanyang testimonya upang kundenahin ang anila’y “factory” ng search warrants at gawa-gawang mga kaso sa pagpapakulong kay Esparago at sa buong #HRD7.

“Ang paglabag na ito sa karapatang pantao at pagbubulid ng kasinungalingan ang krminal na aktibidad. Dapat managot ang lahat ng sangkot sa paglapastangan kay Ka Erwin at sa buong HR Day 7,” dagdag ng SMQC.

Kasalukuyang nakapiit sa Mandaluyong City Jail si Erwin kasama si Lady Ann Salem na editor ng Manila Today. Matatandaang inilipat ang dalawa sa Mandaluyong City Jail mula CIDG-NCR headquarters noong Disyembre 28 sa kabila ng inihaing apela ng kanilang mga aboga na sila ay manatili sa CIDG-NCR.

“Congested and above ideal capacity” ang kasalukuyang sitwasyon sa Mandaluyong City Jail. Sa kabilang banda, higit kumulang 5,762 ang kaso ng COVID-19 sa lokal ng Mandaluyong noong Disyembre 20, 2019 kung saan ang mga national institution kabilang ang Mandaluyong City Jail ay nagtala na ng 429 kaso ng COVID-19.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here