Daan-daang indibidwal at iba’t ibang grupo ang sumama sa pagmartsa mula España patungo sa tarangkahan ng Mendiola sa Maynila kasabay ng ika-5 taong anibersaryo ng pagkakaluklok ni Pangulong Rodrigo Duterte upang ipanawagan ang pagwawakas sa administrasyon nito.

Ayon sa mga grupo, ang limang taon ni Duterte ay kapalpakan, kabayaan, pagtatraydor at karahasan lamang ang idinulot sa lahat ng batayang sektor ng lipunan.

“Nagpatuloy lamang ang kontraktuwalisasyon, nagkaroon ng malawakang tanggalan pagdating ng pandemya na nagdulot lamang ng kagutuman sa amin, higit sa lahat maraming pinatay at iligal na inaresto ang administrasyon na ito sa hanay ng mga lider-manggagawa at organisador na wala namang ibang inatupag kung hindi mulatin ang mga manggagawa sa kanilang mga karapatan at hikayatin kaming ipaglaban ito,” pagdidiin ni Francisco Manaog, Pangulo ng Unyon ng Manggagawa ng Harbor Centre.

Iligal na tinanggal ang halos 300 na manggagawa ng Harbor Centre noong January 2020 at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nababalik sa kanilang mga trabaho.

Umabot sa 3.73 milyong manggagawa ang walang trabaho noong Mayo 2021, ayon mismo sa ahensya ng gobyerno na Philippine Statistics Authority. Umabot ang bilang na ito sa 4.2 milyon noon lamang Pebrero ngayong taon.

Naging target naman ng kontrobersyal na war on drugs ni Pangulong Duterte ang mga maralitang lungsod, anang grupong Kalipunan ng Damayan ng Mahihirap (KADAMAY).

“Patuloy na pinapatay ang mga maralita dahil sa pekeng war on drugs niya at ginamit ang parehong istilo upang tugisin ang mga lider-maralita sa aming mga komunidad,” ani Joel Miralpes, tagapagsalita ng KADAMAY Metro Manila.

Sinusuportahan naman ng grupong Kapatid Metro Manila ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang mga kaso ng pagpatay sa war on drugs ni Pang. Duterte.

“Sinusuportahan namin ang desisyon ng ICC ngunit bahagi lamang ito sa mahabang listahan ng mga pinatay sa dikta ng pangulo, sunod-sunod ang pagpatay sa mga journalists, abogado, huwes, magsasaka, manggagawa at hanggang sa mga kritiko nito,” ani Fe Simporios, tagapagsalita ng Kapatid Metro Manila.

Dagdag pa niya, tinaniman ng baril at granada sina Esterlita Suaybaguio at ang tinaguriang Manila 5 noong 2019. Kasabay ng krisis dulot ng pamdemya at lockdown na pinatupad ng gobyerno, pumanaw si Baby River na anak ng bilanggong pulitikal na si Reina Nasino at inaresto ang Human Rights Day 7 bago matapos ang 2020.

“Sa dami ng kasalanan ni Duterte, sapat itong rason para patalskin siya dahil lagpas na sa diskunteto ang mga mamamayan, nais na nitong maningil,” diin ni Simporios.

Sinubukan namang idispers ng mga kapulisan ang mga nagproprotesta nang dumating na sa tarangkahan ng Mendiola, ngunit nanindigan ang mga ito na manatili hanggang matapos ang programa.

“Isang taon na lang ang rehimeng ito, hindi tayo titigil hangga’t mawakasan ang pahirap, pabaya traydor at pasistang rehimeng ito,” pagtatapos ni Renato Reyes, tagapagsalita ng Bagong Alysang Makabayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here