Mahalaga ang alaala (memory) sa pagkatao ng bawat indibidwal. Hindi matatawaran ang papel nito sa maayos na paggampan ng isang tao sa kanyang mga pang araw-araw na aktibidad at sa kanya mismong pag-iral sa lipunan.
Magkaganoon man, may ilang alaala na sadyang sinisiil ng utak. Nangyayari ito madalas bunsod ng mga pangyayaring emosyonal: sobrang pait o sobrang sakit kung kaya’t mas minabuti ng kamalayan na ibaon na lang sa limot ang alaala. Ayon sa mga sikolohista, gumagawa ng paraan ang utak para limutin ang di kanais-nais na mga alaala bilang pagpreserba-sa-sarili (self-preservation).
Ayon pa kay Sigmund Freud, ama ng modern psychonanalysis, maaring pagmulan ng matinding pagkabalisa ang masakit na alaala, lalo para sa mga bata kung kaya’t sinisiil ito ng kamalayan. Ito ang kung tawagin ngayon na “repressed memories.”
Sa pelikula/dokumentaryong The Guerilla is a Poet, sa panayam kay Juliet De Lima-Sison kaugnay ng karanasan niya sa kulungan noong panahon ng Martial Law, sinabi niya na hindi na niya maikwento ang kanyang mga dinanas dahil hindi na niya maalala. Dagdag pa niya, limot na niya ang detalye kaugnay ng mga masakit na pangyayari sa kanyang buhay.
Gayunpaman, may mga taong mas piniling yakapin at bantayan ang kanilang mga masamang alaala.
Gaya ni Sison, binilanggo, pinahirapan din si Raymond Manalo, isang magsasaka, 22-anyos noong nangyari ang pagdukot ng mga sundalo sa kanya at sa nakatatanda niyang kapatid na si Reynaldo.
Apat na buwan bago dinukot ang dalawang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan sa Hagonoy, Bulacan noong Hunyo 26, 2006, bihag na ng mga sundalo ang magkapatid na Manalo. Naging star witness si Raymond sa kaso ng pagdukot ni Gen. Jovito Palparan Jr. kanila Sherlyn at Karen.
Alam ng lahat na matapang si Raymond. Sa tinagal ng kaso (12 taon mula ng pangyayari ng pagdukot), at sa tindi ng kapangyarihan at impluwensya ng dating heneral na napanagot ng kanyang pagtestigo, siguradong umasa si Palparan na titiklop sa laban, magpapalunod sa pagkalimot, at maduduwag si Raymond. Pero kailanman hindi umatras sa laban ang matapang na magsasaka.
Batay sa mga testimonya, alam na ring mahusay makitungo sa kapwa si Raymond. Mabilis niyang nakapalagayang-loob ang mga kapwa detenido sa kabila ng bantay-saradong kalagayan. Nakuha rin niya ang “tiwala” maging ng mga pasista para makahanap ng pagkakataong makatakas.
Napahanga rin ni Raymond ang mga abogado sa talas ng kanyang pag-iisip sa pagtestigo sa harap ng korte. Maging ang maliliit na detalye gaya ng kulay ng baldeng puno ng dugo at ihi ay hindi nawaglit sa kanyang alaala. Kahit ang manunulat na ito ay humanga sa talas ng isip at pagiging matapat ni Raymond. Sinubukan ng manunulat na ito na buuin ang kwento ni Raymond mula sa iba’t ibang media sources. Ang hatol ay consistent at buo ang kwento ni Raymond sa lahat ng panayam.
Saan man naroroon sina Sherlyn, Karen at Tatay Merino, siguradong natutuwa sila kay Raymond at sa kapatid niya dahil sa pagtupad sa pangako na ayon nga kay Raymond “usapan na namin na kung sino man ang makatakas ay tutulong para makalaya ang iba.”
Ang hindi natin alam ay ang bigat ng pasang-krus ng magkapatid sa pagtangan sa katotohanan. Walang nagbalita kung binabangungot ba gabi-gabi ng mga alaala ng torture si Raymond? Larawan ba ng payapang bukirin ang dumadalaw sa kanyang pagpikit ng mata sa pagtulog o mga mukha ng mga diyablong sundalong sa kanya’y nagpadanas ng impiyerno sa lupa? May pagkakataon bang halos mabaliw siya ng trauma bunga ng kanyang naging karanasan?
Paano niya ito nakakayanan, paano niya ito naangkupan, at paano niya ito nalampasan?
Sa pagnanais makamtan ang katarungan, hindi lang nakayanan ni Raymond harapin ang katotohanan, naisiwalat niya pa ito ng buong linaw sa publiko. Kahanga-hanga ang pangingibabaw niya sa natural na tendesya ng utak na pagpreserba-sa-sarili laban sa masasamang alaala.
Ayon sa mga pag-aaral, naiimpluwensyahan ng emosyon ang long-term memory ng tao. Maari gumawa ng makabuluhang koneksyon ang isip hinggil sa masasamang pangyayari. At gaya ng mga biktima ng Martial Law ng patay na diktador na si Ferdinand Marcos, gaano man kasakit, pilit inalala ni Raymond ang mga pangyayari para sa mas mataas na dahilan higit sa pansarili — hustisya!
Noong una ay galit sa ginawang pahirap ni Palparan at mga sundalo sa kanilang magkapatid ang naging motibasyon para magsalita. Sumunod, ang paghangad ng hustisya para sa mga nakasamang bilanggo na sina Karen at Sherlyn. Pero nang lumaon, hustisya na maging para sa iba pang biktima ng paglabag sa karapatang pantao ang kanyang sigaw.
Nariyan rin ang tinatawag na flash-bulb memory na nagmungkahing may ispesyal na mekanismo sa pag-alala ang kamalayan para sa permanenteng pag-alaala sa mga ekstraordinaryong mga pangyayari sa isang tao. Hindi lang ekstraordinaryo ang pagkatakas nila sa malagim na karanasan sa kamay ng mga sundalo, tumatak pa ang pangyayaring kanyang nasaksihan sa kamalayan ng malawak na masa ng sambayanan nang panahong iyon. At ngayon, nagpakulong sa berdugong heneral.
Mayroon rin tinatawag na state-dependent learning na nagmungkahing nakatutulong sa pag-alala ang pagkakaroon ng parehong emosyonal na kalagayan sa panahon ng pangyayari at panahong inaalala ito. Labis ang galit na nadama ni Raymond noon habang pinahihirapan siya ng mga sundalo ni Palparan. Namumuhi siya kay Palparan at sa mga sundalo nito dahil sa pang-aabuso nila sa kanyang kapatid at kina Sherlyn at Karen.
Magkaiba man ang lugar at kalagayan (bihag siya ng mga sundalo noong pinapasakitan siya habang laya siya at testigo siya laban kay Palparan nang sunod niyang makasamang muli sa isang kwarto ang berdugo), magkaparehong emosyon ang nadarama ni Raymond sa dalawang pagkakataon: galit at pagkasuklam kay Palparan at sa mga sundalo ng berdugo.
Balisa at may tendensiyang kainin ng takot ang mga biktima, pati na ang mga kaanak ng biktima. Mapanganib man ang paghahanap sa nawawala (paghahanap ng hustisya), napagpupunyagian ito ng mga tulad ni Raymond sa tulong ng iba pang biktima at mga kaanak at kaibigan nila.
Lumilikha ng tulungan o support system ang mga biktima at kaanak ng biktima sa pamamagitan ng kanilang organisasyon gaya ng Desaparecidos (problem-focused and emotion-focused coping sa termino ng mga sikolohista). Sa tulong ng bawat isa, napapawi ang takot at lumalakas ang loob ng mga tulad ni Raymond na ilahad ang katotohanan. Isinasagawa nila ang sama-samang paghanap ng hustisya, at ang kolektibong pag-alala.
Itinuturo ng karanasan ng mga comfort women na epektibo ang kolektibong pag-alala upang hindi makalimot ang lipunan sa inhustisyang naganap. Kahit ilang henerasyon na ang lumipas at kahit ilang rehimeng mapagsamba sa dayuhan ang nagdaan at nagtangkang burahin sa ating kamalayan ang panggagahasang naganap, hindi pa rin nalilimot ng mamamayan ang pandarahas ng mga sundalong Hapon sa mga comfort women kahit pa halos pitong dekada na ang nakalilipas.
Sa panahon ni Duterte, bumabalik ang bangungot ng alaala, hindi paisa-isa kundi padagsa-dagsa.
Nanunumbalik ang lantarang pasismo ng estado: martial law sa Mindanao, pagdurog sa lungsod ng Marawi, mga sunud-sunod na masaker sa Negros at Mindanao, at pandarahas,pagpiit at pagpatay sa mga aktibista, media at kritiko ng rehimen sa buong bansa. Umaalingasaw ang amoy ng mga bangkay mula sa mga pusali ng ambisyong strong-man rule ni Duterte: 29,000 na tinatayang napatay sa tatlong taon ng pagpapatupad ng drug war.
Nagmamaniobra sa tabing ng whole-of-nation approach ang mga heneral ng AFP na sinanay ng Bagong Lipunan ni Marcos upang mailatag ang batayan para maisagawa nila sa mga Pilipino ang kahalintulad ng anti-komunistang witch hunt ni Suharto noong dekada 60 na nagmasaker sa halos isang milyong mamayan ng Indonesia.
Gamit ang buong makinarya ng estado, pinadali ng mga militarista sa estado ang pandarambong ng makapangyarihan sa yaman ng bansa. Pinatingkad din nila ang psychological warfare sa buo-buong populasyon, buo-buong sektor at buo-buong grupong kritikal sa rehimen.
Ang paggiit ng karapatan ay itinuturing na paglaban sa pamahalaan, at kung gayon, ay batayan para maging lehitimong target ang mararangal at prinsipyadong Pilipino.
Sa ngayon nakikita ng mamamayan ang paggamit sa mga notoryosong pamamaraan ng Operation Tokhang sa mga manggagawa, magsasaka, katutubo, kabataang progresibo at/o kritiko ng pamahalaang Duterte. Nagtatanggol lamang ang mamamayan sa walang habas na pagsagasa ng pamahalaan sa kanilang interes. Sa mga patakaran at programa ng pamahalaan, tumitingkad ang katangian ng gobyernong Duterte: berdugo ito at walanh awa, walang pagpapahalaga sa buhay ng mahihirap at api.
Nito lamang Nobyembre 3, 2019, dinukot at kasalukuyan pa rin hinahanap ang isa na namang aktibista, si Honey Mae Suazo, dating pangkalahatang kalihim ng KARAPATAN sa Mindanao.
Kung kaya’t gaano man kapait, pilit pa rin tinatanganan ni Raymond — at ng mga katulad niyang survivor ng human rights violations — ang mga alaalang armas laban sa garapalang inhustisya.
Pero hindi makakaya ng mga tulad ni Raymond ang laban ng mag-isa; hindi makakayang hadlangan ang balakin ng demonyo ng iilang anghel. Tungkulin nating lahat ang makialam, makisangkot, at makiisa sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Maari nating simulan ito sa kolektibong pag-alala.
Napapanahon ang kolektibong pag-alala ng sambayanan sa mga dinanas nila Karen, Sherlyn, Tatay Merino, magkapatid na Manalo, at ng maraming iba pang biktima ng pagdukot at paglabag sa karapatang pantao lalo pa’t ang mga pinunuo ng AFP ngayon ay ang mga dating tauhan/mga matapat na tagasunod ng berdugong si Palparan.
May dangal ang Pilipino at makasaysayan ang ating kwento bilang isang bayan.
Huwag natin itong hayaan maglaho sa ating pagkatao. Kanlungin natin ang kamalayang tunay na bubuo sa pagkakaisang makabayan at at makamamamayan. Sa proseso ng pakikisangkot at pakikiisa natin sa mga pagkilos para kamtin ang katarungang panlipunan, ating nabubuo ang kamalayang Pilipino na tunay na maipagmamalaki sa sarili, sa bayan, at sa mundo.