Bago pa man magkaroon ng community quarantine, panawagan na ng mga estudyante ng National Teachers College (NTC) na itigil ang pagtataas ng matrikula sa paaralan. Ngunit habang patagal nang patagal ang quarantine, sandamakmak na problema na ang dumagdag na pasanin ng mga NTCians.

Si Rhod, na kumukuha ng kursong Bachelor of Physical Education, ina sa limang anak, ay isa lamang sa mga estudyanteng biktima ng napakagulong plano ng gobyerno. Noong magsimula ang lockdown, hirap na nga sa paghahanap ng gastusin sa pang-araw-araw ay hirap din sa pagpapasa ng mga gawain sa eskuwelahan. Hindi rin siya nakatatanggap ng sapat na pagkaing ayuda at hindi rin napasama ang buong barangay niya sa Social Amelioration Program ng gobyerno. Ilang araw siyang pabalik-balik sa city hall para umapela at buong araw na naglalakad upang humanap ng pagkain at panggastos. Aniya, hindi na siya magkandaugaga sa problemang dapat niyang solusyunan.

Si Dani na kumukuha ng kursong Bachelor of Secondary Education major in Social Studies, ay sinubok ang Student Loan Program sa NTC, dahil kapos ang perang pambayad sa napakataas na matrikula. Binigyan nga siya ng palugit ng loan company, ngunit kada buwan ay pataas nang pataas ang interes nito. Ayon sa kaniya, “Hindi naman namin uunahin yon (pagbabayad ng utang) kasi mas kailangan namin yung pambili ng pagkain at iba pang bills.”

Si Jean, na kumukuha ng kursong Bachelor of Special Needs Education, ay nagkaroon din ng napakahirap na sitwasyon sa online classes. Hindi niya alam kung saan pa kukuha ng mobile load para makapagload ng data dahil wala naman silang internet sa kanilang bahay. Aniya, hindi rin siya makagawa ng maayos na output para sa online classes dahil mas madaling gumawa kung mayroong laptop or computer desktop kaysa sa cell phone lamang. Hindi rin niya magawang sumali sa mga online discussion kasama ang kanilang propesor dahil hindi sapat ang kaniyang mobile load para rito. Ang tanging ginagawa na lamang niya ay nakikibalita sa mga kaklaseng may internet. Patuloy pa rin ang online summer classes sa pamamagitan ng ESAEA (Enhanced Sustained Academic Engagement Arrangement), at wala nga raw siyang balak mag-enroll dito dahil kulang sila sa pera.

Isinusulong ng mga NTCians ang pagtigil sa online classes sa kasalukuyan dahil hindi naman ito ang kanilang prayoridad sa panahon ng lumalalang krisis sa pandemyang COVID-19. Patuloy pa rin ang panawagan na ipatupad na ang mass promotion sa kanilang paaralan.

Marami pang estudyante ng National Teachers College ang nakararanas ng patuloy na problema ngayong lockdown dahil sa kawalan ng kongkretong plano ng pamahalaan at kakarampot at pili lamang ang nabibigyan ng ayuda. Wala pa ring mass testing kahit na papalapit na ang sinasabing transisyon tungo sa General Community Quarantine. Marami rin ang walang trabaho, at sahod dahil sa pagkakaroon ng krisis pang ekonomiya.

Dagdag problema rin sa mga estudyante ang lumalalang komersyalisasyon ng edukasyon laluna sa mga pribadong paaralan, kung saan mababang refund lang ang inalok ng mga paaralan kahit 1/3 lang ng buong semestre o mas maikli pa ang inilagi ng klase sa mga paaralan mismo at nagkanya-kanyang gastos na ang mga mag-aaral. Pinapabayaran pa ang balanse ng mga mag-aaral sa matrikula—wala na ngang pasok, may utang pa. Mayroon mang mga anunsyo na wala nang taas matrikula sa sunod na pasukan, hindi rin naman makatarungan ang katulad na mataas na matrikula kung magpapatuloy ang naging sitwasyong ngayong semestre kung saan kalakhan ng pasilidad at aksesiblidad sa pag-aaral ay tinustusan din ng mga mag-aaral. Dati nang maraming nahihirapan na makapag-aral dahil sa napakataas na matrikula at lalong palalain ang sitwasyong ito ng modang online classes o ‘flexible learning’ na maaaring sa katunaya’y killing naman sa online classes.

Inumang din ng NTC ang Student Loan Program, pero ilulubog lamang nito ang mga estudyante sa utang imbis na magkaroon ng abot-kayang matrikula para sa lahat, at dapat lamang na itigil na ang pagtatatas ng matrikula kada pasukan.

Patuloy rin ang panawagan ng mga estudyante na downpayment na lamang ang kanilang ibayad ngayong lockdown, dahil hindi rin alam ng mga estudyante kung saan pa kukuha nang pambayad sa kanilang mga natitirang balanse. Nananawagan din ang mga estudyante ng NTC na irefund ang matrikulang ibinayad na ng mga estudyante lampas sa downpayment. Tingin nila, hindi naman ito malaking kawalan sa milyon-milyong kinikita ng mga Ayala, lalu na’t hawak din nila ang ilang naglalakihang kompanya katulad ng BPI, Globe, Manila Water, Ayala Land, Avida at iba pa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here