Binigyan lamang ng pitong araw ang 86 na pamilyang nasa kahabaan ng Rimas Road sa Potrero, Malabon City, matapos ibaba sa kanila ang notice of demolition noong September 17.

Agad na umapela ang mga residente dahil sa tingin nila’y hindi makatarungang pitong araw na palugit na ibinigay sa kanila.

Ang demolisyon ay bahagi ng clearing operations alinsunod pa rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraan nitong State of the Nations Address (SONA). Naglabas ng Memorandum Circular 2019-121 ang Department of Interior and Local Government noong Hulyo 29 alinsunod sa kautusan ng pangulo na alisin sa mga daan ang mga iligal na istruktura at konstruksyon. Binigyan ng 60 araw ang mga lokal na pamahalaan para makatalima sa kautusan.

Sa Setyembre 29 na ang deadline na ibinigay sa mga lokal na pamahalaan para mapaluwag ang mga kalsada sa buong bansa.

“Hindi makararungan ‘yung pitong araw, mahirap lang kami, hindi namin kayang makagawa agad ng bahay o makahanap at makapag-down sa lilipatan namin ng agad-agad,” ani ni Norlito Bocago, presidente ng Rimas-Mangustan Community Association (RMCA).

Bago pormal na makaupo noong 2016 si Duterte ay ipinangako niya na walang mangyayaring demolisyon kung walang relokasyon na maibibigay para sa mga apektado. Ito ang isang pangakong sinisingil sa kaniya ng mga residente ng Rimas Road.

“Sa kaniya ‘yun nanggaling, kaya pinanghawakan namin, tuparin naman niya sana ‘yun,” dagdag ni Bocago.

Ilang daan namang mga bata at kabataan ang maapektuhan kung sakaling matuloy ang demolisyon sa kanilang lugar.

“Kawawa yung mga bata e, pano ‘yung pag-aaral nila, kami pwede kami kahit matulog sa karton pansamantala e, sila? ‘Yung baby ko, pa’no siya? Ilalayo yung mga estudyante sa mga eskuwelahan nila e, dagdag pamasahe ‘yun, mahirap lang kami,” hinaing ni Catherine Sison, isang ina na may limang pinapaaral at isang walong buwang sanggol na anak.

Tiyak at maayos na relokasyon ang hiling ng mga residente ng Rimas Road sa lokal na gobyerno ng Lungsod ng Malabon bago sana sila paalisin sa kanilang mga kabahayan.

Inaasahan din na bukas ay darating ang demolition team, pero ang mga residente ay handang igiit ang kanilang mga karapatan.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here