Isang taon matapos ang pag-aresto kay Frenchie Mae Cumpio sa Tacloban kasabay ang halos dalawang buwang pagkakabilanggo ni Lady Ann Salem sa Mandaluyong, buong tindig na inilunsad ng mga kapwa-mamamahayag at tagasuporta ang isang bike protest na may temang “Bike for Press Freedom” upang irehistro ang kadyat na pagpapalaya kay Cumpio, Salem maging ang panawagan hinggil sa pagkakaroon ng malayang pamamamahayag.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Altermidya Network at National Union of Journalist of the Philippines (NUJP).

Nagsimula ang pagpedal ng mga dumalo sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman na dumaan sa monumento ni Chino Roces. Sunod na dumiretso ang mga bikers sa ABS-CBN Esguerra Gate kung saan idinaos ang maikling programa kasabay ang patuloy na pangangalap ng pirma para sa petisyong Pirma Kapamilya. Huling destinasyon ang Commission on Human Rights sa Quezon City kung saan sinalubong ng ilan pang hanay ng midya ang mga bikers para sa pinal na programa bilang pagtatapos.

Si Cumpio ang tumatayong Executive Director ng Eastern Vista at mamamahayag sa isang programa sa radyo ang Lingganay han Kamatauoran na umeere sa Aksyon Radyo Tacloban bago ito arestuhin noong Pebrero 7, 2020.

Sa kabilang banda, gaya ni Cumpio ay sinampahan ng kasong illegal possession of firearms and explosives ang editor ng Manila Today na si Salem. Ngunit nitong ika-5 ng Pebrero ay ibinasura na ng Mandaluyong Regional Trial Court ang lahat ng kaso laban kay Salem.

Pinahayag ni Altermidya national coordinator Rhea Padilla na patuloy na paingayin at palakasin ang kampanya para sa pagpapalaya kina Cumpio at Salem.

“Hindi kami titigil hangga’t hindi mapalaya si Frenchie Mae (at si Lady Ann),” ani Padilla.

Ipinahayag naman ni Let’s Organize for Democracy and integrity (LODI) convener Tonyo Cruz ang ang kahalagahan ng kalayaan sa pamamahayag.

“Ang press freedom, tandaan natin, (ay) hindi ito para lang sa mga journalist,” saad ni Cruz.

Malinaw na ibinahagi ni Cruz na ito ang kalayaan sa malayang pagpapahayag ay hindi lamang batayang karapatan ng mga peryodista kundi ng buong sambayanan.

“[P]inanggagalingan nito ang right for free expression ng mga mamamayan, ang right na malaman ang kaganapan sa pamahalaan sa kanilang lipunan, ang karapatang magpahayag ng sariling pananaw, ang kalayaan na magtipon kasama ang mag organisa ng pahayagan ng radyo, telebisyon sa (kung kaya’t) wag nating kalimutan na ang press freedom ay para sa lahat,” dagdag ni Cruz.

Nagtapos naman ang programa sa pamamagitan ng pagsabit ng mga midya at peryodista ng kani-kanilang IDs sa itinayong “Wall of Defense” bilang pagpapakita ng dedikasyon at pagmamahal sa serbisyo’t gawain para isulong ang interes ng masa.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here