Abril 14, 2020

KGG. DIOSDADO M. PERALTA
Punong Mahistrado
Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas

 

Mahal na Punong Mahistrado Peralta,

Pagbati at paghahangad ng inyong mabuting kalusugan!

Dumudulog po ako sa inyong tanggapan para sa pagpapalaya ang aking asawa na si Juan Alexander A. Reyes na kasalukuyang nakapiit sa Metro Manila District Jail-4 (MMDJ4), Camp Bagong Diwa, Taguig City. Labis ang aking pag-aalala para sa kanyang kalusugan at sa kaligtasan ng kanyang buhay sa gitna ng banta ng COVID-19.

Ang aking asawa ay isang unyonista na tumutulong sa mga kawani ng gobyerno upang makatanggap ng kanilang pangunahing karapatan at benepisyo. Magda-dalawang taon na po siyang nakapiit dahil sa gawa-gawang kaso tulad ng Illegal Possession of Explosives at iba pang mabibigat na paratang sa mga lugar na ni minsan ay hindi niya napuntahan.

Siya po ay 49 taong gulang at kasalukuyang ginagamot dahil sa hypertension. Bago pa man ang kanyang pagkakapiit, siya ay nagkaroon na ng impeksyon sa baga. Nangangamba kami na siya ay madaling mahawa lalo pa na ang COVID-19 ay lubhang nakaka-apekto sa mga taong may mababang immune system at may kasalukuyang karamdaman.

Lubos ang aming pagkabahala na mabilis na kakalat ang coronavirus sa loob ng mga kulungan. Nais man naming panghawakan ang pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año na “100% safe” ang mga kulungan, hindi kami mapapalagay dahil sa sikip ng mga pasilidad ng BJMP, bukod pa sa mga problema sa kalinisan, suplay ng tubig, at masustansiyang pagkain.

Wala pong katiyakan na hindi kakalat ang coronavirus sa loob ng mga kulungan, lalo na’t walang testing sa mga preso o kawani ng BJMP. Hindi rin posible ang sinasabing “social distancing” sa loob ng mga kulungan kung saan limitado ang espasyo. Ayaw naman po nating lahat na magkaroon ng “outbreak” o mabilisang pagkalat ng virus sa loob, dahil magiging taliwas ito sa pagsisikap ng ating gobyerno na mapigilan na ang pagkalat ng virus sa bansa. Nabalitaan naming marami nang bansa tulad ng Indonesia, India, Iran at maging ilang estado sa Estados Unidos ang nagpalaya na ng libo-libong preso, bilang bahagi ng kanilang hakbang sa pagharap sa krisis ng COVID-19. Umaasa kami na ito ay ipatutupad din sa ating bansa.

Dahil dito, dumudulog kami kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa Department of Justice, sa Kongreso at Korte Suprema na gumawa ng hakbang para sa mabilisan at maramihang pagpapalaya ng mga preso, lalo na ang mga matatanda, ang may mga karamdaman, mga buntis at nagpapadedeng ina — ang mga pinakabulnerableng mahawa sa COVID-19. Ito ay alinsunod lamang sa layunin ng gobyerno na sugpuin na ang mapanganib na virus.

Umaasa po kami na diringgin ninyo ang aming kahilingan at magsagawa ng agarang pagpapalaya sa aming mahal sa buhay. Hangad naming ang inyong pag-unawa at pagkahabag.

Sumasainyo,

(Sgd.)
MERILEA M. REYES
Asawa ni Juan Alexander A. Reyes

Copy furnished:
Philippine Senate President Hon. Vicente Sotto III
Philippine Senate Committee on Justice and Human Rights Chair Hon. Richard Gordon
House of Representatives Committee on Justice Chair, Hon. Vicente Veloso
House of Representatives, Caloocan City District II Cong. Edgar Erice
Office of Court Administrator Hon. Jose Midas P. Marquez

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here