Inulat ng mga mamamayan ng Baseco ang ‘anlig’ sa kanilang lugar, o ang paglutang ng mga patay na isda sa baybayin ng Manila Bay, ilang araw bago ang pagbubukas ng proyektong pagtatambak ng ‘white sand’ sa baybayin ng Manila Bay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Anang grupong pangkalikasang NIlad, ang ‘fish kill ay dapat magsilbing panggising sa gobyerno sa kung anong dapat maging prayoridad nito sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

“Pagtatanim ng mga bakawan, pagtatanggal ng basura ang dapat na prayoridad natin, hindi ang pagtatayo ng mga mall at casino at pagtatambak ng dolomite ‘white sand’ sa baybayin ng Manila Bay,” anang grupong Nilad.

Anila, dahil sa dumi’t basura sa Manila Bay ay dapat agresibo ang isinagawang paglilinis sa baybayin nito. Bukas, Setyembre 19, ay ang taunang paggunit sa International Coastal Clean-up Day.

Pansin naman ng Nilad na maraming maralitang komunidad ang umaasa pa rin sa Manila Bay para sa kanilang kabuhayan at maaari pa itong pangisdaan lalo kung patuloy na lilinisin, sa halip na binibigyang katwiran ng mga “paid trolls ng gobyerno” ang pagtatambak ng white sand dahil umano’y patay na ang Manila Bay.

Anang mga opisyal ng DENR, walang kinalaman ang pagtatambak ng ‘white sand’ sa paglutang ng mga patay na isda sa kalapit na baybayin ng Baseco sa Maynila.

Ani DENR Usec. Benny Antiporda, nangyari na ito noong nakaraang taon at may posibilidad din na pag-sabotahe ito.

“Sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, noong Oktubre 10, may fish kill din sa lugar na iyan…kung saan ung water salinity ay 6 mg/litro ng dissolved oxygen ay bumaba sa 0.2 na nagresulta sa fish kill. Kasabay nito, pinag-aaralan din naming kung may cyanide sa tubig… hindi naman inaalis ang posibilidad na mayroong nagsabotahe. Maaaring may iligal na pangingisda na ginawa sa erya,” sinabi ni Antiporda sa wikang Ingles sa mga mamamahayag.

Duda rin ang tagapagsalita ng pangulo na si Harry Roque na posibleng sabotahe ang ‘fish kill.’

“Well, hindi ko po alam kung mayroon ngang sabotahe, pinag-aaralan pa po iyan. Pero nakapagtataka nga… Bakit ang tilapia, freshwater fish iyon, nakarating sa Manila Bay? Parang imposible naman iyon ‘no dahil hindi po mabubuhay ang tilapia sa saltwater,” ani Roque sa isang press briefing noong Setyembre 18.

Tila tugon ito sa mga naglalabasang saloobin sa social media na maaaring dinulot ng pagtatambak ng ‘white sand’ ang nasabing fish kill. Patuloy na tinutuligsa ng mga grupong pangkalikasan, mangingisda, maralitang lungsod at kabataan ang ‘artipisyal ng pagpapaganda’ sa Manila Bay na sinabi nila’y hindi magtatagal at nakasisira rin sa kalikasan at biodiversity ng yamang-tubig.

Sinagot naman ng grupong PAMALAKAYA ang mga paratang ni Roque.

“Ang fish kill ay isang kumon na epekto sa mga malala nang pagkasirang ecosystem gaya ng Manila Bay. Ang pahayag ng Malakanyang na nagsasabing possible sabotahe at maaaring may nagtapon ng mga patay na isda sa tubig ng Manila Bay para siraan ang gobyerno ay iresponsable at hindi siyentipiko.

Sinabi ng grupo na ang ilan sa patay na isda na nakita sa baybayin ng Baseco ay mga ‘hybrid’ na tilapia, na kilala sa mga lokal bilang ‘arroyo,’ na bahagi ng uring ‘euryhaline’, isang tipo ng organismong kayang umangkop sa tubig na mataas ang kaasinan.

“Hindi iyan yung kumon na tilapya na pinapalaki sa tubig-tabang,” anang grupo.

Habang ang iba pang nakitang patay na isda gaya ng asohos, biya at kanduli ay katutubo o natural na nakatira sa Manila Bay.

“Nananawagan kami kay Spokesperson Harry Roque na ituwid ang mga datos niya, umalam pa ng mas malalim sa mga aspeto sa ekolohiya at tugunan ang mga saligang problemang pangkalikasan sa mga makasaysayang pangisdaaan sa bansa,” ani Jerwin Baure, eksperto sa pangisdaan ng PAMALAKAYA.

Ayon sa mga pangunang ulat ng Bureau of Fisheries, bumaba sa 0.11 mg/litro ang water salinity mula sa katanggap-tanggap na lebel nito na 5 mg/litro. Kinilala rin ng kagawaran ang mga namatay na isda: biya (“goby”), kanduli (“catfish”), asohos (“silver banded whiting”), at tilapya.

Nagtambak ng 500 toneladang pinulbos na dolomite ‘white sand’ na minina mula sa Cebu na itatambak sa 500 metro ng Manila Bay, na may kabuuang 190 kilometrong baybayin. Ang unang yugto ng pagtatambak ay sa ‘priority area’ ng proyektong ‘beach nourishment’ sa 120m x 60m ng erya nito. Ginastusan ang proyekto na P 28 milyon mula sa P389 milyong inaprubahang budget para sa rehabilitasyon ng Manila Bay para sa 2020. Plano itong buksan sa publiko sa Setyembre 20.

Layon ng rehabilitasyon ng Manila Bay na linisin ang tubig nito tungo sa antas na maaari na ulit paglanguyan ito.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here