Mula sa panulat ni Meg Villanueva at pagsasabuhay ni Xander Go, naging tagos ang unibersal na katotohanan ng implikasyon ng maling pamumuno sa dulang Boo!waya. Isinabuhay sa ika-43rd anibersaryo ng Tanghalang Batingaw ng Lyceum of the Philippines University, nag-iiwan ang dula ng malinaw na mensahe tungkol sa kahihinatnan ng pamumunong inuuna ang pansariling interes at kahalagahan ng pagkakaisa para itatwa ang pag-asa na ang pagbabago ay nakasalalay sa iisang tao lamang.

 Hindi karaniwan sa ibang dula, kung saan ang panlipunang sitwasyon ay inaangkop sa kasalukuyang panahon, uminog ang dulang Boo!waya sa lipunang nakapaloob sa loob ng puno ng Balete, kung saan naninirahan ang mga halimaw at engkantong naririnig lamang sa mga kuwentong kababalaghan. Sa loob ng lipunang ito, sigaw at takot ang puhunan ng mga halimaw upang mabuhay at mapangalagaan ang kakaibang kaharian.

Malayo man sa lipunan ng mga taong nasa ibabaw, nanatili rin sa loob ng Balete ang unibersal na sitwasyong nararanasan ng tao: ang kawalan ng paninirahan, pagmamahal ng presyo ng mga bilihin, pagkasira ng kalikasan at kagutuman. Pumapaloob na sa krisis ang kaharian ng Balete. Hindi na umaabot sa ‘quota’ ang mga sigaw upang makabili ng pangangailangan ang mga halimaw para magawa ang kanilang trabahong maghasik ng takot sa mundong ibabaw, at umaasa ang mga naninirahan dito na matamasa na ang pagbabago upang makaangat sa buhay ng mga gutom.

Sa ganitong sitwasyon papasok ang pag-asa ng mga engkanto, white lady, kapre, duwende at iba pang mga halimaw sa pinuno nilang si Dugon (Duane Allen), na nangako ng pagbabago sa kaharian sa loob ng ilang buwan. Sa mga manonood, kosmetiko na ang pagbabagong hinahapag, ngunit sa karakter sa loob ng dula, malayo pa bago dumating ang punto ng pagdududa. Sa unang tingin, magaling mamuno at magsalita ang pinunong si Dugon. Mabilis ang kanyang pag-iisip sa paghapag ng solusyon para mapabuti ang kalagayan ng mamamayan ng Balete. Ngunit sa malaon, makikitang ang retorika ay hindi sasapat upang tugunan ang mga isyung sistematiko sa loob ng kaharian, lalo na’t lihim sa mga mamamayan ng Balete, patuloy ang negosasyon ni Dugon sa pinuno ng mga Tao na si Bundat (Michael Dela Cruz) para iabante ang kanyang pansariling interes.

Sa ganitong ligalig at krisis, nakahanap ang mga halimaw ng pag-asa sa isa ring kapwa halimaw: si Kado (Xander Go), kapatid ni Dugon. Umiral ang tunggalian sa pagitan ng magkapatid. Mistulang konsensya ni Dugon si Kado hinggil sa pangangalaga sa Balete ngunit nananatiling bulag si Dugon ng kanyang personal na ambisyon sa buhay. Dito na papasok ang kolektibong aspirasyon ng mga mamamayan ng Balete na baguhin ang nagdarahop nilang kalagayan.

Sa ubod ng dula, ramdam na ramdam ang komentaryo nito sa realidad ng lipunang Pilipino. Tila naging microcosm ng Pilipinas ang lipunang Balete, kung saan ang problemang dinaranas ay hindi rin iba sa nararanasan ng milyun-milyong mamamayang Pilipino. Mahusay na naitahi ng dula ang pantastikal sa realidad sa mga palitan ng linya at maging sa ipinakitang humor ng dula. Relatable ang danas ng mga halimaw sapagkat danas din ito sa tunay na mundo.

Maganda rin ang naging atake ng dula sa pagpapakilala sa mga motibasyon ng sentral na karakter ng dula, lalo na sa pinunong si Dugon. Maingat ang pagkakasulat ng karakter ni Dugon, isang pinunong napupuno ng motibasyon para iabante ang pansariling interes kapalit ang kinabukasan ng nakararami.

Hindi na ito kaiba sa ibang mga politikong mahusay magtahi ng mga mabubulaklak na salita ngunit sa huli ay lantarang inaabuso ang kapangyarihan ipinagkaloob ng nakararami sa kanya. Ngunit kasabay ng ganitong klaseng karakter ay ang babala na hindi pa man nangyayari sa totoong buhay ay maaari ding mangyari paglaon, kung saan sa huling bahagi ng dula ay nagawang ipagkanulo ni Dugon ang kanyang sariling kamag-anak para lang maisakatuparan ang pansariling interes. Dito naipapahayag ng dula ang mensahe na kung hindi rin papansinin ng karamihan ay maaari na ring mangyari sa lipunang Pilipino sa hinaharap. Nasesemento ang sentral na mensahe na hindi dapat iasa ang kinabukasan ng isang lipunan sa iisang tao lamang at mas mahalaga ang kolektibong aksyon ng nagkakaisang mamamayan kaysa sa iilan.

Kung titignan sa isang lente, napapanahon ang dula hindi lamang sa mga linyang binato ng mga karakter nito sa tanghalan kundi pati na rin mismo sa sentral na mensahe ng kabuoang istorya na nais nitong ibahagi sa madla. Naging epektibo muli ang teatro at tanghalan upang ipalaganap sa mga manonood na kahit ang teatro ay maaaring maging politikal at magrehistro ng pagtingin sa umiinog na krisis sa lipunan. Sa ganitong tanaw, nagpunyagi ang Tanghalang Batingaw sa layunin nila sa dulang Boo!waya: ang magulat at mamulat ang mga manonood nito.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here