Matagal nang walang mga kuliglig na humehele sa kanayunan tuwing gabi. Tanging mga balahaw lamang ng mga walang sini-sinong mga punglo ang nagpapahimbing nang tuluyan sa karapatang pantao sa lipunang ito. Habang patuloy na umaalingawngaw ang karahasan sa bayan, mananatili ang ligalig at bangungot na inihahasik ng mga militar at gobyerno. At sa patuloy na serye ng mga pag-atake, mananatiling aktibo at mangangalampag ang midya para ipanawagan ang pagpapanagot sa mga pang-aabuso at karahasan ng pasismo, katulad ng pagtatanglaw ng pelikulang ito sa mamamayan.
Hindi musika ang “Alingawngaw Ng Mga Punglo” (2003) ng Southern Tagalog Exposure. Hindi isang awitin na maaaring isalang bilang plaka para magbigay ng pagka-komportable sa pinatutungkulan nito. Ang pelikulang ito kung patutugtugin man ay isang malakas na sirena—na magpapaalalang tayo ay nasa banta ng mapanlinlang na mga pinuno—at nananawagang sinusupil na ang ating mga karapatan bilang tao.
Naging matapang ang pelikula sa mga paglalantad at pag-uulat ng mga krimen laban sa karapatang pantao. Lantarang isinapubliko ang mga mukha, katawan at ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga biktima sa kanilang mga sinapit sa kamay ng berdugong mga militar. Bagaman hindi maaatim ng sikmura na tignan ang mga bangkay na hindi iginalang,malinaw pa rin na ito ang nag-aalimurang katotohanan na dapat sa atin ay mailantad—na sinuman sa atin ay dapat na magimbal at mangilabot sa pamamasista sa mamamayan bilang mga indibidwal na tinanggalan ng disenteng buhay, at maging ng disente ring huling hantungan.
Bukod sa mga nakadudurog na mga grapiko ng pamamaslang, nagtala ang pelikula ng bilang ng mga biktima ng mga rehimeng rumaransak sa kanayunan. 967 kaso ng paglabag sa karapatang pantao, 2,893 na mga biktimang indibidwal, at 1,558 na pamilyang tao. Ang mga numerong ito ay hindi lamang iprinesenta bilang mga pigura. Sila’y binigyang mukha, pangalan at kinilala—mga inosenteng pesante, mga ina,ama at mga anak na walang kinalaman sa digmaang bayan. Inihayag sa atin ng pelikula na hindi lamang sila mga kaloteral na tantos, sila ay mga buhay na inalisan ng karapatang galangin bilang tao, at binawian ng pagkakataong makatamasa ng payak na pamumuhay.
Sa mga kasong natunghayan sa “Alingawngaw ng mga Punglo” na dalawang dekada nang nagmumulto para sa hustiya, mailap pa rin ang kasalukuyang batas na panagutin sa kanilang mga krimen, gaya ng notoryus na berdugong si Palparan.
Oktubre 6, 2023, inabswelto ng Malolos City Regional Trial Court Branch 19 si retired major general Jovito Palparan kasama ng lima pa niyang mga kabaro sa militar sa patung-patong na mga kaso ng kidnapping, serious illegal detention at serious physical injuries.
Matatandan na noong 2006, inihain ng magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo ang mga kasong ito nang sila’y pwersahang dinakip at pinahirapan sa kamay ng militar na pinangangasiwaan ni Palparan.
Sa kasalukuyang hatol na ibinaba ng hukuman, naging isang malaking sampal sa mga biktima ng pamamaslang ang nangyaring dismissal sa mga kaso ni Palparan at nang iba pa na kinasangkapan ng estado para sugpuin di umano ang counter-insurhensya sa kanayunan. Ang mga kagimbal-gimbal na sinapit ng mga taong nadamay at intensyunal na pinaslang, ngayo’y inuuhaw pang lalo sa hustisya na matagal na nilang inaasam. Sa pagkatig ng batas sa halimaw na pumaslang ng mga inosenteng indibidwal, isa lang ang ibig-sabihin—signos ito na mas titindi pang lalo ang pamamasismo sa ating bayan.
Sa mga kaso ng kilalang mga naging biktima ni Palparan tulad ng mga estudyanteng sina Karen Empeño, Sherlyn Cadapan, at magsasakang magkapatid na Manalo, hindi nalalayo ang kanilang kalunos-lunos na sinapit sa iba pang mga biktimang pesante, aktibista, at manggagawang pinahirapan, dinukot nang walang kalaban-laban, at binusabos. At sa mga nakalipas na mga taon, ga-patak pa rin lamang ang hustisya ang nakakamtan ng mga naulila ng mga biktima, at patuloy na nanlilimos sa gobyernong pabaya at tumalima sa pagsunod ng mga kasunduan sa karapatang pantao na ginagarantiya ng makataong batas na internasyunal.
Noong termino ng rehimeng Arroyo, ang huwad na counter-insurhensya na “Oplan Habol Tamaraw” ang isa sa mga sikat na polisiya na kinabilangan ni Palparan. Ipinagmamalaki ito ng administrasyon dahil signipiko umanong nasawata ang komunismo sa bansa. Ngunit kung susuriing maigi, isa itong behikulo ng pamamasista na kumakatay sa karapatang pantao ng taumbayan.
Tunay na nakaalarma ang patuloy na paglaganap ng mga kaso ng inhustisya, kaya naman nagsisikhay din ang mga mamamahayag na patuloy na paalingawngawin ang istorya ng mga biktima at pagsigaw ng hustisya. Alinsabay sa mga kwentong ito, aalingasaw rin ang mga natatagong baho sa sistema ng bansa na mailalahad sa iba’t ibang mga anyo, mapa-sulatin o pagsasa-pelikula.
Gaya ng “Alingawngaw ng mga Punglo”, may ilang ding mga dokumentaryo ang nalikha sa kasalukuyang panahon na nagsisilbing pruweba sa mga nagdaang krimen ng rehimeng Duterte at Marcos:
- Aswang – Sa malawakang aksyon ni dating presidente Rodrigo Duterte sa pagsugpo ng droga, sunod-sunod na kaso ng pagbaril, pagdukot at pagtorture ang naitala sa bansa. Sinasalaysay ng dokumentaryong ito ang buhay ng mga taong naipit sa masalimuot na pangyayaring ito: isang mamamahayag na sumusubok na manindigan laban sa tila pagkawalang bisa ng batas, isang coroner, isang misyonero na umaagapay sa mga naulilang miyembro ng pamilya, at isang batang lansangan na may mga magulang sa bilangguan at mga kaibigang nasa sementeryo.
- Maria – Umiikot ang dokumentaryong ito sa tatlong babaeng nagngangalang Maria – isang masugid na tagasuporta ng administrasyong Duterte na kalaunan ay naging biktima, isang asawa at ina na lumalaban para sa kanilang karapatan, at isang babaeng naging tanglaw ng pag-asa. Ang tatlong Maria na itinampok ay ilan lamang sa mga biktima ng inhustisya noong kasagsagan ng drug war ng nakaraang administrasyon na kumitil sa buhay ng libo-libong mga Pilipino.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa samu’t saring pelikula na layon ding magdulot ng kamulatan sa ating lipunan. Sa pagrolyo ng kagitingan nila sa pagsisiwalat ng katotohanan, natumbok nito ang pinagkapareho ng kanilang mga istorya: ang serye ng pasismo na hanggang sa kasalukuyan ay ang puno’t dulo ng inhustisya sa bansa.
May talim ang lente ng camera para isambulat sa lahat ng anggulo ang pag-aalimura ng mga isyu ng patayan sa ating bayan. Hangga’t mahahagip ng pelikula ang alulong ng mga humihingi ng saklolo laban sa pang-aabuso, hindi mag-aatubiling kilingan ng midya ang mga agrabyado, lalo na ng mga kwentista na magpapa-alingawngaw ng kwento ng ating pakikibaka.
Kinilingan man ng batas ang mga taong may sala sa mamamayan, magmamatyag at walang sawang titindig ang multo ng nakaraan para kalusin ang mga gaya ni Palparan na lumulusot sa rehas ng batas. Hangga’t bala ang solusyon hanggang sa kasalukuyang rehimen ni Marcos jr., walang makatarungang reporma ang malilikha sa deka-dekada nang pagdurusa sa pamamasista sa taumbayan. Hangga’t umiiral ang tila siklo ng pasismo sa bayan, patay ang mga kuliglig, walang kapayapaan ang makapagpapatanag sa ating buhay.




























