Nagsagawa ng kilos-protesta ang iba’t ibang grupo ng mga kabataang estudyante mula sa UP Manila patungong US Embassy upang gunitain ang makasaysayang desisyon ng Senado ng Pilipinas na tanggihan ang renewal ng US Military Bases Agreement (MBA) at ratipikasyon ng RP-U.S. Treaty of Friendship, Cooperation, and Security noong 1991.

Bitbit nila ang samu’t saring panawagan kabilang ang pagbasura sa Pax Silica, pagbuwag sa Luzon Economic Corridor, at pagpapalayas sa mga tropang Amerikano at kanilang mga base-militar sa bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Bagamat hindi nakalapit sa mismong tarangkahan ng embahada ang mga nagpoprotesta, ipinagpatuloy ng grupo ang kanilang maikling programa sa Kalaw Avenue sa Maynila. 

Ayon sa mga nagprotesta, hindi hiwalay sa pang-araw-araw na kalagayan ng mamamayan at kabataan sa Metro Manila ang krisis dulot ng patuloy na pagyuko at pagsuko ng administrasyong Marcos Jr. ng soberanya sa malalaking dayuhan tulad ng US. Anila, sa halip na tunay na pambansang industriyalisasyon, nagpapatuloy ang banta sa likas-yaman at batayang serbisyo gaya ng kuryente at tubig na lalong magpapabigat sa gastusin ng ordinaryong pamilya.

“Ngayon pa lang, sobrang taas na ng singil sa kuryente. What more kung magkakaroon ng Pax Silica? Tayo ang magbabayad ng kuryente na ginagamit ng US,” diin ni Carla Espera mula sa Liga ng mga Kabataang Propagandista (LKP). 

Kinakailangang mag-supply ng 3 Gigawatt (GW) na kuryente para gumana ang itatayong industrial at manufacturing hub sa ilalim ng Pax Silica Initiative. Katumbas ito ng 16% kabuuang current grid capacity ng Luzon. Ani Espera, hindi na nga natutugunan ng gobyerno ang pangangailangan at mas murang kuryente para sa mamamayan, may pangamba pang balikatin ng mamamayan ang posibleng kasalatan sa kuryente o mataas na singil sa kuryente kaugnay sa pagpapatayo at pagpapagana sa Pax Silica. 

Bahagi rin sa isinusulong ng administrasyong Marcos Jr. ang nuclear energy at liquefied natural gas (LNG) upang tugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente. Gayunman, ang pagpapalawak ng mga energy at industrial infrastructure ay may usapin din sa paggamit ng lupa. Sa ilalim ng Special Economic Zone Act o Republic Act No. 7916, maaaring ma-convert ang agricultural lands para sa ilang industrial at economic-zone developments, habang may mga probisyon para sa compensation sa mga residenteng maaaring ma-displace.

Pinalawig naman ni Zamann Milagrosa ng Kabataan Partylist (KPL) ang epekto ng Pax Silica sa New Clark City sa Tarlac, na siyang sentro ng proyektong digital sa ilalim ng Luzon Economic Corridor na nagdurugtong mula Subic, Clark, Maynila, hanggang Batangas.

“Hindi dahil malayo ang (Metro Manila) sa Tarlac, ay hindi na tayo maaapektuhan, kasi connected siya sa Luzon Economic Corridor. Papunta siya sa Pax Silica, marami tayong proyekto na patungo sa Pax Silica, may ginagawang highway na maapektuhan yung pagputol ng puno at malakihang pagputol ng puno, at yung mga tubigan natin na mawawalan tayo ng malinis na tubigan,” ani Milagrosa.

Noong 2024, naglatag ang National Economic and Development Authority ng 21 proyektong isinasaalang-alang sa pagtataguyod ng LEC. Aabot sa trilyong piso ang halaga ng mga proyektong ito. Lima sa mga ito ang may direktang koneksyon sa Metro Manila. Kabilang dito ang North-South Commuter Railway, Laguna Lakeshore Road Network, North Luzon East Expressway, Manila Bay–Pasig River–Laguna Lake Ferry System, at ang Subic-Clark-Manila-Batangas Railway.

“’Yong mga magsasaka natin mawawalan ng tirahan at papalayasin sila sa lupang ninuno nila. Imbes na ‘yung tubig na napupunta sa irigasyon—dahil magkakaroon pa tayo ng super El Niño, mawawalan sila ng malinis na tubig. ‘Yong kuryente na dapat napupunta sa mga taong bayan sa Gitnang Luzon, sobrang laki ang mapupunta sa Pax Silica. Tatlong gigawatts ang kukunin nila,” dagdag pa ni Milagrosa.

Bukod sa banta sa kabuhayan ng mga katutubo at magsasaka, iginiit ng mga nagpoprotesta na ang panghihimasok ng US sa bansa sa pamamagitan LEC, Pax Silica at iba pang mga hindi pantay na kasunduan ay tahasang naglalagay sa Pilipinas sa umiigting na girian ng mga makapangyarihang bansa, partikular ang US at Tsina sa rehiyon.

“Gagamitin ang Pax Silica bilang pagawaan ng materyales pandigmaan. Ibig sabihin, gagamitin tayo bilang base ng US para madali na silang makapag-atake ng karatig-bansa na umaatake sa kanila. Kumbaga, gagawin tayong base for war dahil nandito sa atin ang siyam na EDCA sites,” ani Cathleene Ramos ng Musicians for Peace NCR.

Hindi na bago ang paggamit ng lakas-militar ng US sa ibang bansa, mula sa suporta nito sa Israeli sa henosidyo sa Palestine hanggang sa direktang pag-atake nito sa Iran at mga operasyong militar sa Venezuela.

“Naniniwala tayo na nagpapatuloy pa rin ang ganitong panghihimasok ng US sa pagtatayo nila ng kanilang base militar. Kaya pinagpapatuloy pa rin ng mga kabataang Pilipino ang ganitong paglaban hanggang sa pagkilos sa mismong harapan o malapit sa US Embassy. Naniniwala tayo na kailangan maging malaya tayo mula sa US, at isang requisite noon ang pagbasura ng mga hindi pantay na kasunduan at pagpapalayas ng mga base militar ng US at tropa nila dito sa ating bansa,” ani Kyla Benedicto mula League of Filipino Students NCR.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here