Mahal naming mga kababayan,
Isinusulat namin ito mula sa gitna ng matinding pananabik, paninindigan, at galit. Kalahating dekada na ang lumilipas nang iligal na damputin at sapilitang ipiit sina Mark Ryan Cruz, Romina “Shami” Astudillo, at Jaymie Gregorio—tatlong organisador at lingkod-bayan na walang ibang layunin kundi ang maglingkod sa mamamayan.
Disyembre 10, 2020.
Araw ng Karapatang Pantao. Ngunit sa halip na pagkilala, karahasan ang ipinataw. Sa halip na paggalang, sila ay ikinulong sa mismong araw na dapat ay para sa pagtatanggol sa karapatang pantao.
Anong uri ng gobyerno ang kayang magpakulong sa mga taong ang tanging layunin ay magturo, tumulong, at umalalay sa mga komunidad na patuloy na sinasantabi ng estado? Anong sistema ang kayang lunukin ang sarili nitong mga batas, habang pinapaboran ang mga may kapangyarihan at nagpapatahimik sa mga naglilingkod sa taumbayan?
Maglilimang taon silang ikinubli sa likod ng mga rehas. Kalahating dekada ng usad pagong na pagdinig, paghintay, at pangakong hustisya na nananatiling mailap. Limang taon ng paulit-ulit na tanong mula sa mga pamilya: Kailan sila makakauwi?
Ngunit higit sa lahat—limang taon ng hindi matitinag na tapang.
Dahil kahit ikinulong ang kanilang katawan, hindi kailanman naipatigil ang sigaw nila para sa karapatan. Hindi kailanman nabulag ang sambayanan sa katotohanan.
Sa bawat araw ng pagkaantala ng hustisya, lalo lamang lumilinaw kung paanong ang sistemang ito ay hindi para sa karaniwang tao. Dahil sa lipunang ito, ang tunay na pagmamalasakit ay ginagantihan ng pag-uusig. Ang paglilingkod sa bayan ay pinarurusahan. Ang katotohanan ay kinukubli.
Hiling namin na ipagkaloob na ang kalayaan para sa tatlong kasama namin na matagal nang pinagkaitan ng karapatan at pinagkaitan ng kalayaan.
Palayain sina Mark, Shami, at Jaymie!
Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!
#ServeThePeople#FreeOurUnionist#JunkAntiTerrorLaw






























