Halos isang libong pamilya ang biktima ng nangyaring sunog sa Barangay 105, Happyland sa Tondo, Maynila na tumagal ng halos tatlong oras.
Nangyari ang sunog bandang alas 8 ng umaga noong Abril 18 na tumupok sa halos kalahati ng buong barangay. Itinaas sa Task Force Alpha ang alarm status ng sunog.
“Nagulat na lang kami e, may mga sumisigaw na tas ang lakas na ng apoy kaya nagtakbuhan na rin kami,” ani ni Eldefonso Bello, isa sa mga nasunugan.
Si Bello ay pangulo ng unyon ng manggagawa sa Harbour Centre. Nitong taon lang ay tinanggal sila sa trabaho nang tinanggal ng kumpanya ang kanilang agency sa kabila ng desisyon ng Department of Labor and Employment na kilalanin silang regular na manggagawa. Dagdag pasakit din sa mga manggagawang natanggal ang lockdown, na ngayon ay nasunugan pa.
Mas naging bulnerable ang mga residente ng Happyland sa COVID-19 dahil sa wala na silang matitirahan at nagsisiksikan pa sa mga evacuation center.
Apat ang naging evacuation center ng mga residente: ang San Pablo Apostol Church, Barangau 105 Covered Court, Amado Elementary School, at Vicente Lim Elementary School.
Samantala, nangangamba naman ang mga residenteng magdulot lamang ng malawakang dislokasyon ang nangyaring sunog dahil sa matagal na panahon ng may planong proyekto ang lokal na pamahalaan sa lugar na pinangyarihan ng sunog.
“May plano diyan sa lugar namin e, matagal na, nakakatakot baka gawing dahilan para ‘di na kami pabalikin,” dagdag ni Bello.
Tinatayang milyun-milyong halaga ng ari-arian ang natupok sa nangyaring sunog. Ayon sa imbestigasyon, nagmula ang sunog sa ikalawang palapag ng isang bahay sa komunidad.































