Walang effigy na bitbit ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte. Taun-taon, mga dambuhalang effigy ang centerpiece ng protesta.

Ang mga effigy na bitbit ng BAYAN sa kanilang protesta ay interpretasyon ng mga anti-mamamayang pulisya ng nakaupong pangulo, na simbolo na rin ng mga usaping nagpapahirap sa malawak sa sambayanan. Palaging tampok ang pagsusunog nito sa bandang dulo ng mga protesta bilang simbolo ng kagustuhan ng mga nagprotesta na wakasan ang sistemang umiiral.

Huling effigy ng dating Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang SONA. | Kuha ni Chantal Eco
Huling effigy ng dating Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang SONA. | Kuha ni Chantal Eco

Tampok ngayong taon ang anim na painting na nagsasalarawan ng mga hangarin ng mamamayan. Ang mga painting ay may siyam na talampakan ang haba at lima’t kalahating talampakan ang lapad. Isinalarawan nila ang hangarin para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, isang gobyernong naglilingkod sa sambayanan, pambansang soberanya, progresibong panlipunang patakaran, at pagrespeto sa karapatan ng mamamayan, katarungan at kapayapaan.

Ayon kay Aldrein Silanga ng Ugatlahi Artist Collective na siyang namuno sa produksyon ng mga likhang sining, “sinikap naming isalarawan sa mga painting ang adyenda ng mamamayan upang makatulong sa pagpapaliwanag kung ano ang tunay na pagbabago na ninanais ng mga tao at magsilbing inspirasyon sa mga dumalo ng martsa upang tuluy-tuloy na isulong ang adyenda ng mamamayan.”

Sa loob ng 15 taon, ang Ugatlahi Artist Collective, isang grupo ng mga estudyante at propesyunal na mga visual artist, ang nanguna sa pagbubuo ng mga effigy na dinadala sa pagkilos sa SONA. Ang unang effigy na nalikha ay ginawa sa unang SONA ng dating pangulong si Gloria Arroyo.

Produksyon ng effigy sa huling SONA ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2009. Mga larawan mula sa Facebook account ng Ugatlahi Artist Collective.

Kabilang sa mga grupong gumawa ng mga likhang sining ay mga pintor mula sa Karatula-Panday Sining, isang grupong pangkultura ng mga kabataan; Tambisan sa Sining, isang grupo ng mga manggagawang pangkultura sa hanay ng mga manggagawa; at, Sining Bugkos, isang alyansa ng mga grupo sa sining at kultura ng mga manggagawa, maralita at batayang sektor sa Kamaynilaan.

Planong ieksibit ang mga higanteng painting sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City. May ilan na ring nagkainteres na bilhin ang ilang painting.

Malikhaing pagpoprotesta

Bukod sa mga higanteng paintings, nagpakita naman ng iba’t ibang malikhaing props ang mga sektor na dumalo sa martsa.

Placards na korteng siling labuyo na may mga panawagan para sa pagbabago ang dala ng mga Bikolano. Kilala ang Bikol sa mga maaanghang na pagkain na ginagamitan ng siling labuyo.

DSCF7468-2

Hugis granahe naman na may mga letrang nakasulat para mabuo ang panawagan na “KONTRAKTWALISASYON WAKASAN!” ang gawa ng mga manggagawa mula sa Kilusang Mayo Uno (KMU).

Workers call to end contractualization. | Photo by Efren Ricalde
Mga manggagawang nananawagan ng pagwawakas ng kontraktwalisasyon. | Litrato ni Efren Ricalde

Ang mga galing sa organisasyon ng karapatang pantao naman ay may bitbit na higanteng kulay kahel na tela na may panawagang palayain ang mga bilanggong pulitikal. Nagsilbing panlaban sa init at ulan ang mga bitbit nilang kulay kahel na payong na may mga letrang bumubuo sa panawagang “Free All Political Prisoners.”

free all PPs 2
Litrato ni Angge Santos/Karapatan

free all PPs 1
Litrato ni Angge Santos/Karapatan

Malalaking papel na papet na nakabihis nars at doktor naman ang bitbit ng mga galing sa sektor ng kalusugan para ipakita ang panawagan nilang itaas ang badyet sa kalusugan at laban sa pribatisasyon ng mga pampublikong ospital.

DSCF7494

Nabalot din ng musika ng mga gong ang martsa ng mga katutubo mula sa tribong T’duray mula sa Cotabato City.

DSCF7571

Pagdating naman sa programa ng mga nagmartsa sa IBP Road na 650 metro na lang ang layo mula sa Batasang Pambansa, itinampok ang mga pagtatanghal ng iba’t ibang pangkulutrang organisasyon mula sa Kamaynilaan at iba’t ibang rehiyon.

Tampok ang pagtatanghal ng mga kabataan mula sa grupong Tambisan sa Sining sa pagsasadula ng kalagayan ng mamamayan at ang kanilang paglaban.

DSCF7764

Ang grupong Southern Tagalog Cultural Network naman ay isinayaw ang kantang Makibaka, Huwag Matakot ng grupong Kumasa na tungkol sa paglaban ng mga manggagawa.

DSCF7866

Nagtanghal din ng kanta, sayaw at dula ang Sining Banwa, isang grupo ng mga kabataan mula sa Bikol ng pagsasaralarawan ng sitwasyon ng mga Bikolano, lalo na ang mga biktima ng militarisasyon.

DSCF7908

Sumayaw naman ang grupong Kopras Sorsogon, isang pangkulturang grupo ng mga kabataang magsasaka mula sa Sorsogon, sa salin ng kantang Tano. Ang kantang ito ay tungkol sa kalagayan ng isang magsasakang nawalan ng lupa.

koprasan sorsogon-2

InterServer Web Hosting and VPS