Bumaba sa 3.73 milyon ang walang trabaho sa bansa sa buwan ng Mayo 2021, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong Hulyo 1. Ito na raw ang pangalawa sa pinakamababang tantos ng walang trabaho na naitala ngayong taon.

Sa isang pahayag, sinabi ng Kalihim ng Paggawa na si Silvestre Bello III na ikinatuwa niya ang pagbaba ng bilang ng walang trabaho sa pinakahuling Labor Force Survey ng PSA.

“With the continuous rollout of the vaccination program, we anticipate less humps and bumps on the road to recovery,” ani Bello.

[Sa patuloy na paglulunsad ng programa ng pagbabakuna, inaasahan namin ang mas kaunting mga sagka sa kalsada patungo sa pagbawi sa pandemya.]

Inaasahan din daw na sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Executive Order 140 o ang National Employment Recovery Strategy ay makakalikha ng hindi bababa sa 220,000 na trabaho at maaasistehan ang nasa higit 1.4 milyong Pilipinong nakaranas ng kawalan ng trabaho o kita dahil sa pandemya.

Noong Abril lamang, umabot sa 4.14 milyon ang walang trabaho sa bansa. Pinakamataas ngayong taon ang kawalan ng trabaho noong buwan ng Pebrero na umabot sa 4.2 milyon.

Ayon sa grupong Ibon Foundation, malayo pa rin ang mga naitatalang bilang ng kawalan ng trabaho sa kasalukuyang taon kaysa sa nakaraang taon bago sumambulat ang pandemya. Nasa 2.4 milyon ang naitalang walang trabaho noong Enero 2020.

Anila, habang lumalaki ang pangangailangan ng mamamayan sa trabaho at kita, kakaunti at mabagal ang nadadagdag na trabaho sa paglipas ng buwan habang patuloy na nireresolba ng gobyerno ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Marami rin anila ang nagkaroon ng trabaho sa pamamagitan ng ‘self-employment.’ Karaniwan nito ang pagtatayo ng sariling hanapbuhay o maaari ring mga ‘di sahurang manggagawang kapamilya. Mula Enero 2020 hanggang Abril 2021, bumagsak ng 1.4 milyon ang mga sahurang manggagawa o empleyado.

Tumaas din ang bilang ng mga nagtatrabaho na part-time lamang (mababa sa 40 oras kada linggo) at mga nasa kategoryang “with a job, not at work” [may trabaho pero wala sa trabaho]. Ang dalawang kategoryang ito ay kasingdami halos ng mga nagtatrabaho “full-time” (higit 40 oras kada linggo).

Ang sobrang paggamit ng gobyerno ng mga lockdown para pigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa halip na episyenteng mass testing at contract tracing ay nakapagwasak ng milyong mga trabaho at kabuhayan, ayon pa rin sa Ibon Foundation.

Tinukoy nila na nitong huling lockdown na isinagawa sa “NCR Plus” nitong Marso 2021, nabawasan ang bilang ng may trabaho ng 2.1 milyon.

Dahil diyan, kinakailangan anila ang agarang pagbibigay ng P10,000 ayuda sa mamamayan at P100 subsidyo sa sahod ng manggagawa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here