Namahagi ng Tulong Kabataan Metro Manila, katuwang ang mga myembr ng Anakbayan mula sa National Teachers College (NTC) ang relief goods sa isang nangangailangang estudyante ng NTC noong ika-20 ng Mayo 2020, matapos makita ang post ng isang estudyante sa Facebook account ng kanyang propesor at humihingi ng paumanhin sa hindi pagpasa nito ng requirements para sa kanilang online classes, at siya raw ay lubos na nangangailangan ng ayuda.

Siya ay si Rhodeline Fernando, mag-isang itinataguyod ang kanyang limang anak. Dahil sa pandemyang kinakaharap ngayon, siya ay nawalan ng trabaho at nawalan ng panggastos para sa kaniyang pamilya.

Ayon kay Rhodeline, hindi kasama ang kanilang barangay sa mabibigyan ng ayuda galing sa Social Amelioration Program ng Department of Social Work and Development (DSWD). Kaya naman, pursigido siyang magpabalik-balik sa City Hall, at sa DSWD kahit na pagod at walang masakyan, sa pagbabakasakaling mabigyan ng ayuda at makapag-request na makasama sa SAP. Sa tagal ng oras na kaniyang ginugugol sa paghahanap ng pangtustos sa kaniyang pamilya, nawalan siya ng oras na gumawa ng mga itinakdang gawain sa kanilang online classes, at wala rin siyang maayos na gadyet na magamit para rito.

Kwento pa niya, nakikitira na lamang sila sa katabing bahay nila dahil napinsala nang todo ang kanilang bahay dahil sa bagyo. Dati rin siyang iskolar ng NTC, ngunit nawala ang scholarship grant dahil hindi siya nakapagpasa ng mga itinakdang requirements. Dagdag pa sa problem ni Rhodeline ang malaking balanse niya sa matrikula na umabot ng P 14,000. Agaran siyang humanap ng solusyon ngunit, ang sagot lamang sa kaniya ng NTC ay mag-loan sa bukas.ph upang mabayaran niya ang kaniyang balanse.

Marami pa ang katulad ni Rhodeline na kumakaharap ng napakalaking problema ngayong lockdown. Isa siya sa milyong mamamayang hindi umaabot ang ayudang ipinangako ng pamahalaan. Sa gitna ng banta ng pandemya, triple ang pagkukumahog niya upang kumita pa rin ng pera makakain lamang ang pamilya.

Kasama ang Anakbayan sa NTC sa nananawagan na tapusin na ang semestre sa unang linggo pa lamang ng lockdown sapagkat naging kumplikado ang paglipat sa online class gayundin ay lalong lumplikado sa sitwasyon ng mga walang sariling internet, gadget, at iba pa. Kasama ang mga mag-aaral sa tinablan ng krisis na ito, kung kaya’t makatao lang sanang tapusin na ang semestre at magpatupad ng mass promotion sa mga paaralan, para maging pangunahing alalahanin dapat ang pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan. Isang halimbawa rito ang kaso ni Rhodeline na sa gitna ng pag-aaral sa pag-aasam ng mas maayos na trabaho at kita ay kailangan pang magkumahog sa ayudang alok ng pamahalaan, ngunit ‘di pa rin nabigyan.

Panawagan din ng iba’t ibang grupo ng kabataan sa Kamaynilaan na pawiin na ang mga balanse ng mga estudyante sa matrikula, lalupa’t umabot lang ng 1/3 ng linggo pumasok ang mga mag-aaral at simula ng lockdown ay kinailangan nilang magpasulpot ng sariling gamit, pook-aralan at gumamit ng sariling kuryente at pasilidad, na siyang dapat bahagi ng matrikula na binabayaran kung may pasok. Sa kasalukuyang anunsyo ng paaralan hinggil sa mga natirang bayarin ng estudyante ay kailangan itong bayaran sa susunod na enrolment bago maka-enrol sa susunod na semestre. Hindi na nga nakapasok, pero may utang pa rin.

Mainam nga, para sa Anakbayan NTC at iba pang grupo ng mga estudyante, kung ibalik ang tuition ng mga estudyante at itira na lamang ang downpayment, na halos katumbas na rin ng 1/3 ng pinakamababang tuition sa paaralan. Makikiisa rin ang mga estudyante na hikayatin ang gobyerno na bigyan ng subsidyo ang paaralan para maswelduhan nito ang mga guro, kawani at lahat ng manggagawa nito, at para na rin mas lumaki ang kakayahan nitong magbigay ng refund sa mga mag-aaral.

Tuloy-tuloy pa rin naman ang pangangalap at pagtanggap ng donasyon ng Tulong Kabataan Metro Manila upang magbahagi sa mga nangangailangan. Para raw sa mga donasyon, maaaring kontakin ang kanilang Facebook page.

 

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here