Mananatiling ‘unsustainable’ ang state university education kung magpapatuloy ang misallocation of funds, tugon ng Kabataan Partylist National Capital Region (KPL NCR) at League of Filipino Students (LFS) NCR sa pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno noong ika-19 ng Agosto.

Mula nang maisabatas ang Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) of 2017, mahigit 1.6 milyong estudyante na ang nakapagtapos noong 2022 at nakatamasa ng libreng edukasyon sa kolehiyo.

Ayon sa mga grupo, napakahalaga ng batas upang mas marami pang kabataan ang makatamasa ng libreng edukasyon sa gitna ng nagtataasan na matrikula o tuition fees sa mga private higher institutions (PHEI)

Matatandaang nagkilos-protesta noong ika-25 ng Abril ang mga kabataang estudyante sa pangunguna ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) sa harap ng Commission on Higher Education (CHED) para igiit ang pagpapatupad ng moratorium sa pagtaas ng matrikula sa mga PHEIs.

Ipinakita rin sa position paper na isinumite ng NUSP na patuloy ang pagtaas ng matrikula sa kabila nng pandemya na umabot sa 12.06% para sa academic year 2020-2021 mula sa 10.49% noong 2019-2020. Higit doble naman ang average rate ng iba pang mga bayarin sa paaralan mula 12.55% noong 2019-2020 hanggang 30.39% noong 2020-2021.

“Talagang ‘unsustainable’ siya dahil una, mas prayoridad ng gobyerno ang travel funds, confidential at intelligence funds (CIF) kesa sa sektor ng edukasyon. Liban pa rito, yung katangian ng Pilipinas na lubog sa utang, pagbayarin natin yung mga ninakaw ng mga Marcos na kaya nang ipambayad sa utang ng ating bansa,” pahayag ng KPL NCR.

Kamakailan rin lamang sa proposed National Expenditure Program FY 2024, humihiling si Marcos Jr. ng P1.408 bilyong alokasyon para sa travel funds at P4.56 bilyon para sa CIF. 

Samantala si Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte naman ay humihingi ng P500 milyong CIF para sa OVP at P150 milyon para sa DepEd. 

Ayon pa sa KPL NCR, dahil hindi maaaring i-flag ng Commission on Audit ang confidential funds, mananatiling walang transparency ang CIF na maaaring gamitin pa ni VP Duterte upang “palalain ang militarisasyon sa mga paaralan” gaya na rin ng tangkang panunumbalik ng Mandatory ROTC at hindi malinaw na peace competencies ng Matatag Curriculum.

Samantala, tiinawag pa ni Diokno na ‘anti-poor’ ang batas UAQTEA dahil marami umanong mahihirap ang hindi nakakapasok sa State Universities and Colleges (SUCs) na naaagawan ng slots ng mga mayayamang kayang makapag-review center. 

“If you improve elementary and secondary education, then you increase the chances of (gaining entry into) SUCs. So, I think we should focus more on (the basic education system) rather than the SUCs,” ani Diokno.

Subalit anang LFS NCR, pahiwatig lamang ni Diokno na patapusin nalang hanggang highschool ang mga kabataan at magtrabaho na lamang dahil sa hirap ng buhay upang gawing kalakal ang lakas-paggawa.

Nitong Agosto lang din nang ilunsad ng DepEd ang sinasabing ‘decongested’ na Matatag Curriculum kung saan magbabawas ng mga core subjects mula sampu hanggang limang general subjects.

Ayon sa KPL NCR, ang layon ni Duterte sa Matatag Curriculum na maging globally competitive ang mga kabataan ay magpapalala ng OFW phenomenon at pagiging cheap labor bunsod ng outsource job sa bansa.

“Kailangan pa natin mas pagtibayin ang UAQTEA kasi mas kailangan ng nakararaming estudyante at kabataan ang makatamasa ng libre at abot-kayang edukasyon. Hamon sa administrasyong Marcos II-Duterte na harapin at pondohan ang pangangailangan ng Pilipino para sa edukasyon at serbisyong sosyal, higit sa [CIF],” hamon ng mga grupo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here