Top 15 Pangungunsensya Memes

ni Jade Dela Cuadra

0
15659

Hindi pinalampas ng pagiging likas na witty at malikhain ng mga netizens ang marahil kahit anong nangyayari sa lipunan at sa mundo sa ngayon. Patunay rito ang mga meme na makikita sa iba’t ibang plataporma ng social media na umani rin ng iba’t ibang mga reaksyon at opinyon.

Ngunit hindi na lang ginagawa ang mga memes para magpatawa. Laganap na rin ang political memes, na naging isyu rin noong ipinasa sa bansa ang Cybercrime Law kung saan maaaring ituring na online libel ang mga ito. Isang kategorya ng mga political memes ay iyong mga tila nangungunsensya, o iyon bang mga nagpapahaging sa ilang mga double standards na naoobserbahan sa social media at sa lipunan natin.

 

Hindi pinalampas ng mga netizens ang maraming panlipunang isyu sa bansa at sa daigdig at nag-post sila ng status, nagpalit ng Facebook profile photo, nag-upload o share ng meme at iba pa bilang pakikiisa o pakikisangkot sa mga isyu. Sa isang banda, napansin naman ng iba na habang nakikisangkot ang marami sa isyu sa labas ng bansa (gaya ng paglaganap ng #PrayforParis at pagpapalit ng Facebook profile photo), tila tameme naman sa mga isyu sa loob ng bansa o sa mga isyung nakaumang na nga sa mukha araw-araw, gaya ng pagpatay sa mga Lumad, paghingi ng pananagutan sa criminal na kapabayaan ng gobyerno sa sistema ng tren o paglaganap ng kontraktuwalisasyon sa bansa.

Marami ring pelikula ngayong taon na tila nag-mainstream sa pag-ayon sa rebolusyon, gaya ng Heneral Luna, Hunger Games Mockingjay Part 2 at Star Wars VII: The Force Awakens. Sa pamamagitan din ng mga meme lumaganap ang obserbasyong hanggang sa Internet lang ang pagkahumaling sa mga mithiin ng rebolusyon at panlipunang pagbabago ang mga netizens, ngunit hindi sa isip, salita at/o lalong hindi sa gawa. Ang katauhan nga ba ng mga dating tinaguriang ‘armchair revolutionaries’ ay ang mga kasalukuyang tinaguriang ‘social media activists’?

Narito ang 15 sa mga naging patok na pangungunsensya memes ngayong 2015:

1. “Anibersaryo ng EDSA people Power pero bawal magtipon ang people sa EDSA”

image001

Pebrero 25 ang ika-29 na anibersaryo ng Edsa People Power, ngunit hindi man lang nakaabot sa EDSA Shrine ang mga nagprotesta na binubuo ng iba’t ibang mga progresibong organisasyon. Hindi pa nakalalampas sa Camp Crame ay hinarang na ang mga nagpoprotesta ng mga kapulisan.

Sa termino ng Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III, ipinagpatuloy at makailang ulit dineklarang ‘no rally zone’ ang EDSA Shrine. Si Noynoy ay anak ni Corazon Aquino na nailuklok sa pagkapangulo matapos ang EDSA People Power na nagwakas sa diktadurya ni Ferdinand Marcos. Isang malaking kabalintunaan, hindi ba?

 2) “Kapag aktibista magrally sa EDSA, Cubao pa lang may harang na. Kapag Iglesia, kahit hanggang Linggo walang problema”

image003

Anim na buwan matapos ito ay nagprotesta rin ang daan-daang miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA. Nanawagan ang INC na itigil ng Department of Justice ang pag-iimbestiga sa diumano’y illegal detention at kidnapping na iginawa ng mga pinuno ng INC laban sa ilang ministro nito.

Agad namang ipinakita ng mga pulitiko at kumakandidato sa 2016 elections ang kanilang pabor sa poder ng INC sa mabilis na pananawagang ‘huwag pakialaman ang panloob na usapin ng INC.’ Sinasabing may higit dalawang milyong miyembro ang INC na umaayon sa ‘bloc voting’ kung kaya’t iniiwasan diumano ng mga pulitiko at upisyal gobyerno na salingin ang INC.

At ang INC rally sa EDSA, isang mayor na kalsada na bumabagtas sa malaking bahagi ng Metro Manila, ay pinahintulutan ng lokal at pambansang pamahalaan ng limang araw.

 

3) “So what are we free from exactly and why do we celebrate it?”

image005

Iba’t iba ang reaksyon ng mga netizens sa tweet na ito ni Lea Salonga noong Hunyo 12 matapos niyang tanungin kung bakit ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan gayong hindi naman ganap na malaya ang bansa sa mga utang, kahirapan, krimen at katiwalian. Maraming naging basher ang batikang singer at theatre actress dahil daw sa pagiging negatibo ng tweet niya. May nagsasabi namang ang mismong pag-tweet pa lamang niya na ito ay isa ng kalayaan. Mayroon din namang mga nakisimpatiya at marahil ay naniniwala na ang tunay na kalayaan ay hindi lamang hanggang sa pagiging malaya ng pag-popost ng mga “what’s on your mind?” sa social media.

4. “Si Rizal pa talaga ang mag-aadjust. Dadalhin ko to sa London mga hinayupak kayo”

image007

Katulad ng maraming photobomber, hindi nagpahuli sa pag-agaw ng eksena ang Torre de Manila sa bantayog ng pambansang bayaning si Jose Rizal sa Luneta. Tinaguriang “pambansang photobomber” ang istruktura. Matatandaan na naging kontrobersyal ang pagkakatayo nito na nakakuha ng permit sa kabila ng mga batas at resolusyon na nangangalaga sa mga makasaysayang dambana gaya nito. Iginigiit din ng mga bumabatikos dito na sinisira daw nito ang tanawin ng monumento ni Rizal kapalit ang komersyo sa lungsod.

5. “Negosyo o kalayaan? Bayan o sarili? Pumili ka!”

image009

Marahil ito ang pinakapopular, pinakamadalas ma-post sa social media at pinakamaraming beses nasambit na linya sa pelikulang Heneral Luna. Ipinakita sa pelikulang ito ang bahagi ng kasaysayan na hindi naituro sa loob ng klasrum. Sa dami ng mga mahuhusay na linya sa pelikula, nauso ang #HugotHeneral, gaya ng lahat ng nauuso at palasak sa Internet at social media. Ngunit sa rubdob ng pagmamahal sa bayan na ipinamalas ng bayaning si Antonio Luna sa pelikula ng kanyang buhay, imposibleng hindi mapaisip ang mga nakapanood. Maraming mga linya sa pelikula na hindi lamang dapat manatili kasama ng kasaysayan kundi baunin hanggang sa kasalukuyan.

Bukod sa mga meme na may mga linya mula sa pelikula, nauso rin ang mga meme na ginagamit ang karakter ng heneral na pagiging makabayan, matapang, maprinsipyo, prangka, at pati ang pagiging palamura. Kumalat din ang meme na ito para usigin ang mga patuloy na nagsasawalang-bahala:

6. “Puro ka Aldub at Pastillas, tapos magtatanong ka kung bakit nakaupo si Mabini sa pelikulang Heneral Luna”

image013

Sa kabila ng maraming papuri na natanggap ng pelikula ay hindi naiwasang madismaya ng aktor na si Epy Quizon na gumamap bilang Apolinario Mabini sa mga komento ng ilang mga nanuod na nagtataka kung bakit nakaupo lamang buong pelikula ang karakter niyang si Apolinario Mabini. Naging viral sa social media ang tweet ng isang kabataan kaugnay dito na nabaling ang sisi sa Department of Education at sa mga popular na palabas sa telebisyon gaya ng Aldub at kay Pastillas girl.

Kung rebelasyon na maituturing ang mga pangyayari sa buhay ng bayaning si Antonio Luna, na hindi kasingsikat ni Rizal at Bonifacio, nakakahindik namang malamang hindi rin pala alam ng kabataan at manonood na Pilipino ang pagiging lumpo ni Apolinario Mabini, ang utak ng republika at tinaguriang ‘sublime paralytic’ o ‘dakilang lumpo.’ Mas nakakahindik, kaugnay nito, ang patuloy na pagsusulong ng gobyerno ng programang K to 12 sa batayan at sekundaryong edukasyon sa bansa kung saan lalong pinaliliit ang puwesto ng pambansang kasaysayan at wika.

Sa isa pang pagtukoy sa matinding ratings at Twitter trending rivalry ng mga noontime shows ngayong taon, lumaganap rin ang meme na ito:

image015 copy

7. “Ang linaw nung “negosyo o kalayaan: tapos puro “foreign investments” laman ng bibig nyo…”

image015
Ilang buwan lang mula ng ipinalabas ang pelikulang Heneral Luna, mabilis na naupos ang nasyunalismo ng ibang netizens sa pagdating ng APEC. Nakakalungkot na hindi lubos na naunawaan ng ilan yung mga paboritong linyang “Bayan o Sarili” at “Negosyo o Kalayaan”. Sila ang mga nagbubunyi sa mga foreign investments na dala ng APEC, ngunit walang tunay na pag-aanalisa sa usapin at masasabing wala rin namang nararamdamang direktang benepisyo sa mga ipinagbubunyi nila. Sa isang banda, wala rin silang nasabi at naanalisa sa pagyurak sa soberanya, pagkontrol ng ekonomiya at pagpiga sa likas na yaman ng bansa na epekto rin mga multilateral agreements gaya ng APEC.

Marami ring sumakay sa pagpuri sa pagiging hospitable ng mga Pilipino kung kaya’t akma sa ating ang pag-host ng summit. Matapos ang summit, marami ring sumakay sa pagpapalaganap ng “good vibes” sa pagbati sa gobyerno sa mahusay ng hosting kung saan gumasta ng pondo ng bayan na higit P 10 bilyong piso. Lahat ng iyan kahit na literal na #APECtado ang lahat ng buong linggong trapik, flight cancellations, work suspension, road blockage na ipinatupad sa buong Kamaynilaan.

8. Laglag panty sa APEC hotties

Maraming banyaga ang hindi natuwa sa pagtingkilik ng mga Pilipino sa Mexican President na si Enrique Peña Nieto at Canadian Prime Minister Justin Trudeau na binansagang mga APEC hotties. Mula sa #APECtado, naging trending ang #APEChotties. Mula sa ‘laglag bala’ ay naging trending ang ‘laglag panty’. Pinaypayan din ito ng media sa bansa kung saan ginawang survey ang kagwapuhan ng dalawa na may survey at tara (tally) pa sa nakalalamang. Naiulat din sa international media ang APEC hotties, kung saan tila naging katatawanan ang Pilipinas na piniling maging pampublikong usapan ang kagwapuhan ng mga delegado ng APEC sa halip na ekonomiya na paksa ng APEC summit.

Ang presidente ng Mexico na kinahumalingan ay dinidiin sa mga kaso ng korapsyon at malalang paglabag sa karapatang pantao. Hindi rin muna inugnay ng mga netizens ang isyu ng nakalalasong basurang itinapon ng Canada sa Pilipinas na hanggang ngayon ay hindi pa nila kinukuha.

9. “NPA kasi ‘yung mga Lumad…”

image019

Ipinagtanggol ang mga militar ni Winnie Monsod sa pagsasabing:


“If the military has killed lumad, it is not because they are lumad, but because they are NPA. How does the military know the lumad are NPA? Simple. If they have guns, they must be NPA.”

‘Tila nagbubulag-bulagan si Mareng Winnie sa pagsasabi nito, lalo na’t ang huling tatlong pinatay sa Lianga, Surigao del Sur ay mga datu ng Lumad at isang guro. Matatandaang nauna nang umani ng suporta ang mga Lumad at kinundena ng publiko ang pagpatay sa mga Lumad.

Kung kaya’t ang magsunud-sunuran sa bulag ay…?

image021

10. #PrayforParis pero hindi #StopLumadKillings

Maraming nakisimpatiya sa mga pag-atake na naganap sa Paris, France nitong Nobyembre kaya’t agad at matagal na nag-trending ang #PrayforParis. Inulukan din ng Facebook ang pagpapahayag ng suporta sa mamamayan ng Paris sa pag-aalok na maglagay ng filter na kulay ng bandila ng France sa profile picture at marami ring sumakay dito. May mga nag¬-marked safe pa nga na nandito lang naman sa bansa habang ang iba ay ginamit itong pagkakataon para i-throwback ang mga larawan nila sa Paris (basa: nakapunta na sila sa Paris).

Samantala, marami pa rin ang halos walang ideya o tahimik sa pag-atake sa paaralan, buhay, lupa at kultura ng mga Lumad sa Mindanao. Ang mamamayan ng ibang bansa na dumaranas ng gera o sigalot ay nagpahayag din sa hindi pagpansin ng mundo sa kanilang dinaranas.

Siyempre, hindi rin nagpahuli ang mga fans ni Heneral Luna:

image025

 

11. “Anong pinagsasabi mong mag-move on na tayo kay Yolanda?”

image027

Dalawang taon na ang nakalipas mula ng hagupitin ng bagyong Yolanda ang Eastern at Central Visayas at Southern Tagalog region. Dumagsa ang mga donasyon mula sa iba’t ibang panig ng mundo at nagbuo ang gobyerno ng isang master plan para sa mga naapektuhan, ang Yolanda Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan. Ngunit hanggang Agosto 2015 ay hindi pa rin naire-release ng Department of Budget and Management (DBM) ang nasabing pondo. Wala pa ring sapat na pabahay at rehabilitasyon at relief sa mga biktima. Kaya ang mga biktima ng kalamidad ay biktima naman ngayon ng disaster ng kriminal na kapabayaan ng gobyerno.

Ang meme na ito ay tila kritisismo sa pagkahumaling ng netizens sa pagpo-post ng good vibes at paghahanap ng positibo at ang madalas na pagseselfie, samantalang kulang ang kahandaang usisain at harapin ang katotohanan ang ipaglaban ang wasto.

12. “May ‘Happy Birthday Supremo’ pa kayong nalalaman”

image029

Anim hanggang 12 taong pagkakakulong ang sentensya kay sundalong Amerikano na si Joseph Scott Pemberton sa pagpatay nito sa transgender na si Jennifer Laude. Sa kabila ng utos na ilipat si Pemberton sa New Bilibid Prison ay nanatili pa rin ito sa Camp Aguinaldo kung saan siya naka-detain ng mahigit isang taon nung mga panahong nililitis pa lamang ang kaso. Naipahayag na rin ng US Embassy ang mga rekwes nila para sa pagtatayo ng bagong detention facility ni Pemberton kasama na ang paglalagay ng aircon, kung saan mukhang nakakiling ang gobyerno ng Pilipinas na paunlakan ang mga ito kundiman nagawa na.

13. “Daig niyo pa ang puta”

image031

Kung kontrobersyal ang pag-eendorso ng mga sikat na artista sa mga pulitiko para sa malaking halaga, kasing kontrobersyal naman nito ang post ni Mocha Uson. Hindi pa si Heneral Luna ang nagsalita niyan, ha.

Dahil malapit na ang eleksyon, iba’t ibang taktika ang ginagamit ng mga kandidato para mas makilala ng mga tao. Kung sino-sinong mga sikat na personalidad ang sinasama nila sa kanilang mga posters at TV ads. Isa sa mga naging kontrobersyal bago matapos ang taon ay ang music video na Fast Forward ng kandidato sa pagkapangulo na si Mar Roxas. May 16 celebrity endorsers sa nasabing video. Unang napabalitang aabot ng P 50 milyon ang alok sa pag-endorso ng pinakasikat sa mga artista kay Mar Roxas. Nang nakakuha ng maraming negatibong reaksyon ang video gaya ng kay Mocha Uson (at gaya sa Youtube kung saan may ilang daang likes ito kumpara sa sampu-sampung libong dislikes), sumunod na lumabas na balita ang paggigiit ng kampo ni Roxas na walang bayad ang mga artistang bahagi ng video at pawang naniniwala lang sa mga programa ni Roxas. Hindi pa natapos dito ang isyu sapagkat lumabas naman sa Internet ang blog na nagsisiwalat na hindi botante 10 sa 14 na artista sa video (habang hindi alam ang voter registration status ng dalawa sa mga ito), sa kabila rin ng paglabas ng mga video na “Bakit si Mar?” ang iboboto nila. Kailangan pang ilinaw mismo ng mga celebrity endorser ni Roxas ang kanilang voter registration status.

14. “So you want a revolution…”

Dahil sa pagsikat ng Hunger Games Mockingjay Part 2 at Star Wars VII: The Force Awakens, maraming nagpalaganap ng mga memes sa mga linya sa pelikula na nagdadakila sa rebolusyon at rebolusyunaryong tapang, maging ang mga pigura ng rebolusyon at matagumpay na paglaban ng mamamayan gaya ni Katniss, Peeta, Rey, at iba pa. Sumbat naman sa mga ito ang mga memes na nag-uusisa: kung gusto mo pala ng rebolusyon, bakit galit ka sa Cuba? Bakit galit ka sa North Korea? Bakit galit ka sa nagra-rally? Bakit hindi ka naninindigan? At marami pang ibang pangungunsensya.

15. “Forgive and forget na lang ba?”

image033

Sa dinami-rami ng mga pulitikong sangkot sa korapsyon, paglabag sa karapatang pantao, paglabag sa Konstitusyon at iba pang katiwalian, ilan ba ang nasa kulungan ngayon? Ilan ba ang napatunayan sa pagkakasala at nasentensyahan, lalo na sa mga ‘big fish’? Pagkatapos mahatulan ay biglang nagkakasakit ang mga ito o ‘di kaya’y nakakabalik pa sa gobyerno. Ang iba’y nakapagretiro na o nakapangibang-bansa bago pa maimbestigahan. Tila ang kasalukuyan at mga nagdaaang administrasyon ay walang kaseryosohang litisin at pagbayarin ang mga tiwali sa pamahalaan.

Ang dating pangulong Gloria Arroyo ay nanatili sa hospital arrest buong panahon ng termino ni PNoy at nakakatamasa ngayon ng Christmas at New Year furlough. Tila wala na ring nakaalala sa mga kasalanan ni Arroyo sa mamamayan habang wala ring nagdidiin ng pananagutan ni PNoy sa mga kasalanan ng kanyang administrasyon.

Bilang pamamaalam sa 2015 at panghuling pangungunsensya, ibinabalik namin ang nanguna sa pangungunsensya at makabuluhang hugot ngayong taon, isang linya mula sa pelikulang Heneral Luna:

 

image035 copy

“Wala na tayong panahon para sa mga bagay na hindi natin kayang panindigan.”

 

Dahil kailangan na nating magpundar ng oras para sa mga bagay na dapat panindigan: karapatang pantao, demokrasya, kalayaan, tunay na pag-unlad, panlipunang pagbabago.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here