Tatlo ang malubhang sugatan at tinamaan sa tiyan matapos magpaputok ng 12 beses ang Philippine National Police (PNP) sa mga residente sa Brgy. Patungan, Maragondon, Cavite dahil sa ginawa nitong demolisyon sa lugar.

Ang isang sugatang lokal ay dinala sa bangka ng mga armado at bumalik para dalhin sa kanilang detachment ang biktima habang binubugbog naman ng demolition team ang ilan pang mga lokal sa lugar.

Ayon kay Tagapagsalita ng Bayan Cavite na si Jerry Caristia“Yung isa kasi [nabaril] kinuha ng mga pulis [demolition team] yung dalawa  dadalhin namin sa ospital. So, sinakay namin sa bangka at dadalhin sa ospital pero sa gitna ng dagat hinarang pa rin ng mga pulis at dinala yung sugatan sa kanilang barracks dun sa entrance ng Brgy. Patungan imbes na dalhin sa ospital.”

Bukod pa rito, mayroon ding 12 residenteng nasugatan dahil sa gitgitan sa pagitan ng mga PNP, Special Weapons and Tactics (SWAT), mga private guards mula sa Seraph Security Agency at ng mga residenteng tumindig na itigil ang demolisyon.

Ayon kay Caristia,“Taong 2014, 2016, 2019 yung panahon na ginigitgit nila yung may banta talaga ng demolisyon. Napag-alaman namin na, di umano pinagbili na ng Virata sa Sy ang 602 ektaryang pangisdaan na yan para gawing exclusive resort.”

Itinanggi naman ng SM Investments Corporation (SMIC) na may pag-aari sila sa lugar kung saan nangyari ang marahas na demolisyon.

Anang kumpanya, wala itong pag-aari o pag-uusap para bilhin ang sinasabing ari-arian Barangay Patungan, Maragondon, Cavite.

“The area of the demolition incident that happened last January 13, 2022 is not a property of SM,” paglilinaw ng kumpanya.

Dagdag naman ni Susie Adlao, Lokal na Lider ng Brgy. Patungan, taong 2016 noong naghain ang mga residente ng position paper sa konseho tungkol sa pagpapatigil ng demolisyon ngunit hanggang ngayon nanatiling walang imik ang Lokal na Gobyerno ng Cavite.

Mawawalan ng tahanan ang mga mangingisda at magsasaka sa ginagawang demolisyon ng puwersa ng mga armado mula sa PNP, SWAT, demolition team kasabwat ang Philippine Coast Guard na nanghaharang sa mga sumusuporta sa mga residente at midya.

Samantala, nananawagan ng suporta ang mga mamamayan ng Brgy. Patungan na kasalukuyang nakabarikada para depensahan ang kanilang 602 ektaryang komunidad.

“Kaya nagrerequest rin talaga kami ng on ground media para masaksihan niyo talaga yung para kang nasa gitna ng giyera,” ayon kay Caristia.

Ito ang kasalukuyang nangyayaring karahasan laban sa mga mamamayan ng Brgy. Patungan sa gitna ng patuloy na paglobo at pagsirit ng COVID-19 Omicron variant sa bansa.

Video source: https://m.facebook.com/watch/?v=3067879733541408&_rdr

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here