Naglakbay mula sa mga probinsya ng Ilocos, La Union at Cagayan ang mga magsasaka ng tabako patungong Maynila para ipanawagan sa gobyerno ang pagtaas ng presyo ng tabako sa P 128 kada kilo.

Nagmartsa ang magsasaka mula Boy Scout Circle papuntang harap ng National Tobacco Administration (NTA) sa Lungsod ng Quezon upang magsagawa ng kilos-protesta kasabay ng isinasagawang Tobacco Tripartite Consultative Conference (TTCC).

Hinaing ng mga magsasaka, sa kabila ng mabigat na gawain at malaking gastos sa produksyon, bumaba pa ang average buying price kada kilo ng tabako sa mga nakaraang taon. Mula P94.00 noong 2015, naging P89.00 noong 2016, bumaba sa P83.00 noong 2017 at nasa P80.00 na lang mula 2018 hanggang 2019.

Idinaraos kada dalawang taon ang TTCC para pag-usapan at itakda ang presyo ng tabako ayon sa leaf grades.

Ang pagkilos ay pinangunahan ng Solidarity of Peasants against Exploitation (STOP Exploitation), tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa rehiyon ng Ilocos, at National Federation of Tobacco Farmers Associations and Cooperatives.

“Masyadong naghihirap na ang mga magsasaka ng tabako, hindi makatarungan ang kada kilong bili sa kanila ng mga traders,” pagpapaliwanag ni Zaldy Alfiler, Secretary General ng Solidarity of Peasants Against Exploitation.

Nitong nakaraang Hunyo ay ipinatupad ang RA 7171 at RA 8240, kaya’t sinisingil nila ang NTA dahil may pondo na mapagkukuhanan ang ahensya upang ipamahagi at itulong sa mga magsasaka ng tabako.

Ayon sa RA 7171 na pinirmahan pa ng dating pangulong Corazon Aquino noong 1992, 15% ng excise tax mula sa lokal na manupaktura ng Virginia tobacco ay mapupunta sa pondong pansuporta sa mga magsasaka ng tabako mula sa Abra, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at La Union.

Isinaad naman ng RA 8240 na pinirmahan ng dating pangulong Fidel V. Ramos na mahahati ang pondo sa 16 probinsya na lumilikha ng tabako, kasama ang Abra, Kalinga, Mountain Province, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Tarlac, Occidental Mindoro, Misamis Oriental, Maguindanao, at North Cotabato.

Ayon sa Department of Budget and Management, may P15.81 bilyon na koleksyon ng excise tax sa sigarilyo noong 2016. Sa nakolekta, P12.88 bilyon ang galing sa sigarilyo habang P2.93 bilyon sa tabako.

Subalit ayon sa mga magsasaka, hindi pa ito narararamdaman at hindi pa nakakaabot ang benepisyo sa mga magtatabako ng Ilocos Sur, Ilocos Norte, Abra at La Union kung saan nanggagaling ang 90% ng produksyon ng Virginia tobacco.

Ayon sa STOP Exploitation, ang Virginia tobacco ang karaniwang ginagamit sa paggawa ng sigarilyo ng malalaking kumpanya gaya ng Philip Morris Manufacturing Inc.  at Fortune Tobacco Corp. Noong 2015, ang joint-venture ng Philip Morris at Fortune Tobacco na PMFTC ay nagtala ng netong kita na P1.4 bilyon. Lumaki pa ito ng anim na beses noong 2017 at naging P8.4 bilyon.

“Gusto lang namin ang makatarungang presyo ng aming produkto para sa amin ring mga pamilya lalo sa mga anak,” ani Alfiler.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here