Semana Santa: Pagninilay sa gitna ng COVID-19

0
992
Kuha ni Roberto Reyes Ang

Ngayong Semana Santa, sama-samang ginugunita ng mga Katoliko ang kalbaryong pinagdaanan ng Panginoong Hesukristo. Sa kasalukuyan, dumaraan din ang bansa sa isang kalbaryo—ang krisis pangkalusugang bunsod ng COVID- 19.

Hindi matatawaran ang lalim ng pananampalataya ng mga Pilipino, kung kaya’t ipinagpatuloy pa rin ng mga Katoliko ang paggunita sa Semana Santa kahit pa kanselado ang lahat ng mga tradisyunal na aktibidad na nakasanayan ng mga deboto.

Naging kakaiba o “unusual” ang paggunita sa paghihirap at pagkamatay ng Panginoong Hesukristo dahil na rin sa pandemya ng nakamamatay na COVID-19. Isang hamon para sa lahat ang pagbabago sa pamamaraan ng pamamanata sa iba’t ibang aktibidad at nakasanayan ng isang Katoliko. Tila hiniwalay ang pisikal na katawan ng mga deboto sa nakagisnang pagbabasbas ng palaspas, panonood ng senakulo, pakikilahok sa pabasa ng pasyon, Visita Iglesia, daan ng krus at ang inaabangang Linggo ng Pagkabuhay. Lahat ng mga ito ay dinala sa mga live stream gamit ang internet at telebisyon upang hindi maialis ang pakikiisa sa pagdiriwang

Sa panahong ito, mahalagang balikan ang mga aral na itinuro ng ating pananampalataya. Nakasentro ang mensahe ng Semana Santa na muling patatagin at alalahanin ang pagmamahal, sakripisyo at kaligtasang inialay ni Hesukristo.

 

Pagmamahal.

 Sa simula pa lamang ng pandemya at banta ng virus, ibang pagmamahal na rin ang ipinagkaloob ng pamahalaan sa liderato ng Tsina.

Una, hindi agarang ipinatigil ang pagpasok ng mga dayuhang Tsino sa bansa maging mula man sila sa epicenter ng sakit. Pangalawa, hindi natigil ang Tsina sa pamimili sa pandaigdigang merkado habang bagsak ang lahat ng ekonomiya, dahil abala ang mundo sa paghahanap ng lunas at paggamot sa may sakit. Pangatlo, naging sapilitan pa ang pagpapasara sa mga POGO dahil dito raw kukuha ng pondo ang pamahalaan sa panahong kukulangin sa pagbibigay-ayuda. Pang-apat, dahil sa lumalalang epekto ng virus sa iba’t ibang sektor lalo na sa ekonomiya, nagkaloob ang Tsina at iba pang pandaigdigang institusyon na pautangin ang bansa kapalit ng nagmamahalang interes.

Napakataas din ng pag-ibig ng gobyernong ito para sa mamamayan, patuloy sa pagmamahal ang mga esensyal na pangangailangan ng tao, nawalan agad ng kontrol ang pamahalaan sa presyo at produksyon ng mask at alkohol. Pinatagal ang sistema ng pag-apruba sa testing kit mula sa UP na ‘di hamak na mas mura kumpara sa inaangkat na kit mula sa ibang bansa.

Kung mahal lamang ng pamahalaan ang mga frontliners, kung may natatanging pag-ibig sa alokasyon ng budget para sa kalusugan, at kung may malaking pagmamahal para sa maliliit na kababayan, mapipigilan nito ang pagtaas ng kaso.

Mahirap mawalan ng kapamilya sa panahon ng pandemya, lalo na sa ipinatutupad na social distancing. Namatay silang mag-isa lamang, walang presensya ng kapamilya o kaibigan. Isang panaginip ang malapitan ang namayapang minamahal. Mahirap maipaabot ang pagmamahal at pakikiisa sa pagdadalamhati sa mga naulila. Higit tayong nilayo ng krisis na ito sa ating minamahal. Kanya-kanya ang naging pagluluksa ng mga pamilyang may nasawi.

Maihahalintulad sa buhay ni Hesus noong siya ay hinagupit at tuluyang iniwanan ng kaniyang mga alagad, ang karanasan ng mga nadapuan ng virus na bukod sa pisikal na karamdaman na kanilang idinadaing, may pangangailangan silang bumukod sa lahat ng tao at iwang mapag-isa upang maiwasan ang pagkakahawa. Dahil sa matinding social distancing at isolation, mahalaga pa ring ipadama ang pagmamahal sa bawat isa gamit ang telepono, social media at iba pang linya ng komunikasyon. Panahon ito upang magpaabot ng tulong sa mga nangangailangan. Sabi nga ni Pope Francis, “thought and spirit can go far with the creativity of love”.

 

Sakripisyo.

Sa unang yugto pa lamang ng taong ito, nag-umpisang kumalat ang panibanong sakit sa iba’t ibang bansa na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutuklasan ang lunas. Ito ay nagdulot ng takot sa damdamin at panic ng bawat isa.  At isa sa mga humaharap sa kalabang ito ay ang hindi matatawarang serbisyo ng ating mga front liners na mula sa hanay ng maintenance, security, volunteers, health workers at iba pa sa panahon ng krisis na ito. Magkakatuwang ang lahat para sa pagsugpo sa kalabang hindi natin nakikita.

Tulad ni Hesus na sinakripisyo ang sarili upang tubusin ang ating mga kasalanan at iligtas tayo sa kapahamakan, naging sakripisyo rin para sa ating mga front liners ang itaya ang sariling buhay upang magamot at madugtungan ang buhay ng mga nangangailangan. Isang sakripisyo rin ang malayo sa pamilya, karamihan sa mga front liners ay hindi agad nakakapiling ang pamilya dahil kailangang lumayo at ihiwalay ang sarili upang maiwasan ang posibleng sakit. Dahil sa pagiging lantad nila sa mga kaso ng COVID-19, hindi maiiwasang kaharapin nila ang diskriminasyon, sa kabila ng kanilang tapat na serbisyo. Sa panahon ng total lockdown at pagbabawal sa anumang uri ng transportasyon, isa sila sa mga higit na naapektuhan. Tila nakalimutan sila ng pamahalaan sa buong mukha ng polisiya. Hirap na nga sila sa magdamagang serbisyo, dagdag pahirap pa ang isipin kung paano sila makararating sa trabaho at makauuwi sa tahanan.

Nakalulungkot na sa panahon ng pandemya, mayroon pa ring mga Pilipino mula sa hanay ng mga opisyales sa gobyerno hanggang sa ordinaryong mamamayan na naging makasarili at nakalimutang mayroong tayong “kapwa” na nangangailangan din. Nakalimot tayo sa ating mga sarili, na ang ating kapwa ay ekstensyon ng ating pagkatao. Nakalimutan nating lumabas sa ating mga loob upang gawin ang ating tungkulin tulad ni Hesus na tumulong sa ating kapwa sa abot ng ating makakaya.

Sa kabila ng pagiging bayani, hindi matutumbasan ng anumang salapi ang kanilang sakripisyo. Nakalulungkot na tinatapat ng pamahalaang ito ng salapi o halaga ang sinumang miyembro ng front liners na mamatay sa sakit. Tunay na isang sakripisyo ang mapabilang sa mga front liners lalo na sa larangang medikal na may maliit na sahod at benepisyo. Tulad ni Hesus, isang krus ang pagpasan sa pandemyang ito na patuloy nilang tinitiis upang maligtas ang bansa sa kumunoy ng mahinang sistemang pangkalusugan.

 

Kaligtasan.

Sa panahon ng krisis medikal ng bansa, hindi rin maiaalis ang pangamba ng bawat isa sa tunay na layunin o pokus ng pamahalaan sa mga panahong ito. Tila nawawaglit ang pagbibigay ayuda o pagsesentro sa kaligtasan ng mga front liners, dahil na rin sa lumalalang kakulangan ng mga gamit at pasilidad. Isang sakripisyo rin ang pananatili sa tahanan sa loob ng mahigit isang buwan, sakripisyong iwan ang nakagisnang pang-araw-araw na sistema, ngunit mas maraming Pilipino ang higit na nagsasakripisyo dahil sa napipilitang lumabas kahit na nasa bingit ng kaligtasan ang kani-kanilang buhay dahil sa patuloy na pagkalam ng kanilang sikmura, marami pa rin ang sinusuong ang paghahanap-buhay tulad ng mga food delivery, driver, tindera, mangaggawa sa supermarket at botika at iba pa upang may maihatid lamang sa hapag at maibsan ang gutom ng kani-kanilang pamilya.

Hindi maiaalis ang kamatayan sa isipan ng mga taong nagpositibo sa sakit na ito. Si Hesus din ay nakaramdam ng takot sa kamatayan, ngunit ipinaubaya niya sa Diyos Ama ang kanyang takot at nanatiling nanalig dahil alam niyang nariyan ang Diyos. Dinala tayo ng karamdamang ito sa matinding takot sa kamatayan dahil sa lantarang kakulangan ng pasilidad, sistema at medical person na susugpo sa sakit.

Sa pagpapalawig ng enhanced community lockdown upang mapigilan ang paglaganap ng sakit, sumasabay rin ang pagpapalawig sa mga dapat maikulong sa panahon ng lockdown. Naging sandata ng administrasyon ang mga sundalo at pulis upang ikulong at dalhin sa mga himpilan ang mga diumano’y sumusuway sa patakaran ng pamahalaan na sa halip na serbisyong medikal ay bala ang pinangtatapat. Nagpapaligsahan ang mga numero ng mga nahuhuli at nakukulong laban sa nabibigyan ng testing para sa virus.

Pagmamahal, sakripisyo at kaligtasan, ilan lamang sa turo ng simbahan sa panahong ito. Mas madaling tandaan ang mga katagang ito kung isasakonteksto sa kasalukuyang kinakaharap na pandemya. Lahat tayo lumalaban para sa ating sambayanan, maging maliit o malaki man ang kontribusyong ito.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here