Hinamon ng mga grupo ng magsasaka at mangingisda ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na resolbahin ang 33-taong kawalan ng hustisya sa Mendiola Massacre.

“Humihingi kami ng hustisya para sa mga biktima ng Mendiola massacre, gayundin ay humihingi ng hustisya para sa mga biktima ng kasalukuyang rehimen,” ani dating Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao.

Banggit ni Casilao, sa minimum ay bigyan man lang ng kumpensasyon ang mga pamilya ng mga biktima.

Ang 13 magsasaka na napaslang nang biglang magpaulan ng putok sa rali na nananawagan sa nabibinbing pangako sa reporma sa lupa sa tarangkahan ng Malacañang noong Enero 22, 1987:

  1. Danilo Arjona
  2. Leopoldo Alonzo
  3. Adelfa Aribe
  4. Dionisio Bautista
  5. Roberto Caylao
  6. Vicente Campomanes
  7. Ronilo Dumanico
  8. Dante Evangelio
  9. Angelito Gutierrez
  10. Rodrigo Grampan
  11. Bernabe Laquindanum
  12. Sonny Boy Perez
  13. Roberto Yumul.

“Sumama kami sa kilos protesta noon para ipanawagan kay Presidente Cory Aquino noon na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa,” ani Teresita, isang magsasaka na bahagi ng rali 33 taon na ang nakalipas.

“Nagmartsa kami, nang dumating kami dito sa Mendiola nagkaroon nga ng dialogue. Noong nagka-dialogue, maya-maya na lang may mga boteng dumating galing sa taas tapos tear gas. Maya-maya sumunod na yung pamamari. Nagtakbuhan kami, hinabol kami ng pamamaril. Doon, nagpunta kami sa Lawton. Doon na-verify na kasama sa nabaril ang asawa ko,” pag-aalala ni Teresita sa pangyayari.

Mayroon silang limang anak na noo’y 12 taong gulang ang panganay, 10 taon ang pangalawa, walong taon ang pangatlo, anim na taon ang ikaapat at tatlong taon lamang ang bunso.

“Ang mensahe ko sa kasalukuyang administrasyong Duterte ,dahil nangako naman siya na tutugunan niya ang pangangailangan ng mga magsasaka, kaya hinihiling ko sa kanya na buksan muli ang kaso at panagutin ang mga may pagkakasala sa pagbaril sa 13 napaslang dito sa paaanan ng Mendiola,” dulog ni Teresita.

 

Duterte legacy: mas malalang rekord sa pagpaslang sa magsasaka

Ani Casilao, nalampasan na ng kasalukuyang administrasyon ang iba pang naupo sa extrajudicial killings at masaker sa mga pesanteng aktibista sa bansa.

Sa datos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), 243 magsasaka na ang biktima ng extrajudicial killing sa panunungkulan ni Duterte. Napatay sa masaker o sunod-sunod na pagpatay ang 13 sa 243.

Binanggit niya ang mga masaker sa Sagay sa Negros at ang maramihang pagpatay sa Negros noong Disyembre 2018 at Marso 2019.

“Ang kalagayan noon ng mga magsasaka at mangingisda ay pareho pa rin sa kasalukuyan, walang lupa at nakalubog sa kahirapan.  Lehitimo ang panawagan para sa Tunay na Reporma sa Lupa at Pangisdaan, pero ang palagiang tugon ng gubyerno mula noon hanggang sa ilalim ni Duterte, ay karahasan, human rights violations at massacres,” ani Fernando Hicap, Pambansang Tagapangulo ng Pamalakaya at dating kinatawan ng Anakpawis Party-list.

Ipinaalala naman ni KMP Chairman Emeritus at dati ring kinatawan ng Anakpawis Party-list Rafael “Ka Paeng” Mariano ang isang compensation bill sa mga biktima ng Mendiola Masaker na nais niyang isulong noon pang 2014. Katulad aniya nito ang Republic Act 10368 Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 na nagbigay ng kumpensasyon sa mga biktima ng Martial Law.

Hinamon din ni Mariano na seryosong isulong at ituloy ang negosasyong pangkapayapaan.

“Kung gusto ni Duterte ng totoong legacy, dapat selyuhan niya at ipinal ang kasunduan sa socio-economic reforms o ang CASER na seryosong tutugon sa ugat ng armadong tunggalian sa bansa,” ani Mariano.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here