“Tama na ang pagbabago sa kasaysayan!”

Ito ang malakas na pagtutol ng iba’t ibang progresibong grupo at mga survivor ng Batas Militar ni Ferdinand Marcos, Sr. hinggil sa panukalang batas na ideklara ang Setyembre 11 bilang holiday o ‘Marcos Day’ sa Ilocos Norte.

Bitbit ang mga panawagan tulad #MarcosNoHero, #NeverAgainToMartialLaw, at #JunkTerrorLaw, nagtungo ang mga grupo sa Bantayog ng mga Bayani upang kundenahin ang pagratsada ng nasabing batas sa Kongreso na inuuna umano ng Kongreso at gobyerno sa halip na tugunan ang serbisyong medikal, kabuhayan, at karapatan ng mamamayan sa krisis dulot ng pandemya.

Sigaw ng kabataan

“Sobra na ang abuso. Tama na ang pagbabago sa kasaysayan,” saad ng kinatawan sa Kongreso ng Kabataan Partylist na si Sarah Elago.

Binigyang-diin ni Elago ang iba’t ibang uri ng abuso at pagsasamantala na nangyari sa ilalim ng diktaduyang Marcos na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyang administrasyong Duterte.

“Mula sa pagpasa ng administrasyon ng mga batas na nagtataas ng buwis sa TRAIN law, na sumisirit ang presyo ng bilihin habang lubos-lubos ang kawalan ng trabaho dito sa ating bayan. Iyan po ang nagpapaigitng ng kagutuman at kahirapan sa ating bansa,” dagdag ni Elago.

Nanawagan din si Elago na suportahan ang kampanya ng koalisyong Makabayan na iredirehe ang mga pondo upang primaryang tugunan ang pangangailangan ng mamamayan hinggil sa kalusugan at kabuhayan.

Aniya, “Mariin nating tututulan ang pondo para lamang sa pork, mga pabor sa mga kakampi ng isang diktador, tututulan natin ang pondo para sa pasismo.”

Sa kabilang banda, kasabay ng isinusulong na Marcos day” ang ika-43 anibersaryo ng League of Filipino Students (LFS), ang makabayang organisasyong pangmasa ng mga kabataan na naninindigan laban sa patuloy na pananakop at pangongontrol ng US sa Pilipinas at nananawagan ng tunay na kalayaan sa bansa.

Ayon kay LFS National Spokesperson Carwyn Candila, ang paggunita kay Marcos bilang isang “bayani” ay pagbura sa malagim na bahadi ng kasaysayan kung saan naghahari ang pasismo, pagpapatahimik sa mamamayan, at pagpaslang sa libo-libong mga lumalaban.

“Saksi ang mga kabataan, maging ang biktima ng Martial law, na ang masa ay ang tunay na bayani. Ang masa ang tagapaglikha ng kasaysayan. At sa bawat yapak ng masa, sa pananakot man ng estado, hindi tayo aatras,” ani Candila.

Marcos Day sa Ilocos Norte sa pamamagitan ng HB 7137

Sa botong 197-9-1, inaprubahan ng Kongreso ang House Bill No. 7137 sa pangatlo at huling pagbasa noong Setyembre 2. Ang panukalang batas ay naglalayong gawing special non-working holiday ang Setyembre 11 sa Ilocos Norte, alinsunod sa kaarawan ng dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. na tubong Ilocos Norte.

Sabad nina Ilocos Norte Rep. Ria Fariñas at Probinsyano Ako Rep. Rudy Caesar Fariñas na kapwa pangunahing may-akda ng batas, ang HB 7137 ay upang upang kilalanin ang mga naging ambag at kontribusyon ni Marcos sa bansa.

“The young and promising Marcos has brought pride to the province and served as inspiration for young leaders to exemplify his leadership and governance administration” ani magkapatid na Fariñas.

Kasama rin si Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba sa nagsulong ng nasabing batas.

Aniya, “His extraordinary display of leadership and incomparable brilliance serves as an inspiration to his fellow Ilocanos. He is a man of vision, action, and wisdom. Thus, it is only necessary that his life, works, remarkable achievements, an inherent love for his fellow Ilocanos be remembered.”

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here