Hahanap kami ng ikakaso namin sa inyo.

Iyan ang mensahe ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations Lt. Gen Guillermo Eleazar sa mga nagpapakalat ng fake news sa isinagawang public briefing ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na umere sa PTV ngayong araw.

Ito raw ay kundi pa sapat o bukod pa ang mga nakasaad sa mga kaso at parusa sa Revised Penal Code at sa inaprubahang batas sa dagdag kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagharap ng gobyerno sa paglaganap ng COVID-19 na “Bayanihan to Heal As One Act.”

Si Eleazar ang Commander ng Task Force COVID-19 Shield, ang tagapagpatupad ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na nangangasiwa sa pagharap ng gobyerno sa paglaganap ng COVID-19 sa bansa.

Nilagdaan ng pangulo ang batas noong Marso 25, matapos ang 20-oras o higit pang special session ng Mababang Kapulungan at Senado.

Ayon sa probisyon hinggil sa “fake news” sa batas, sinumang lumikha o magkalat ng malimg impormasyon hinggil sa krisis sa COVID-19 ay mahaharap sa parusang dalawang buwang pagkakakulong o multang P10,000 hanggang P1 milyon.

Nagpahayag ng pagkaalarma ang mga grupo ng media sa isang pahayag sa probisyon sa “fake news” sa batas. Anila, maaaring maging banta ito sa kalayaan sa pamamahayag.

Bumuo na rin ang PNP ng Task Force Kontra Peke na susugsog sa mga nagpapakalat ng “fake news.”

Sa ngayon, may apat nang kinasuhan ang PNP sa pagpapakalat ng fake news.

Kaugnay nito, sinabi rin ng Hepe ng PNP na si Gen. Archie Gamboa noong Marso 20 na seryos silang hahabulin ang mga nagpapakalat ng fake news.

“Huwag niyo kaming subukan at hahabulin namin kayo,” ani Gamboa.

Kasong paglabag sa Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances under Article 154 of the Revised Penal Code as Amended in relation to Sec 4c4 (Online Libel) and Section 6 of Republic Act No. 10175 o Anti-Cybercrime Law ang ihinarap ng pulisya sa kanila.

Maaaring maparusahan ng isa hanggang anim na buwang pagkakakulong at multang P40,000 hanggang P200,000 kung mapatunayang lumabag sa nasabing probisyon ng batas.

Samantala, inakusahan din ng publiko na nagpapakalat ng “fake news” ang mismong news wire ng gobyerno na Philippine News Agency.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here