Matapos ipaliwanag ni Task Force COVID-19 Shield Commander Guillermo Eleazar ang curfew o 24 oras na curfew na walang pinag-iba aniya ng ‘lockdown’ sa Luzon at pagsasabi na iniimbestigahan na nila ang mga napapaulat na dagdag na pagpaparusa sa mga lumalabag sa curfew, hindi na ikukulong sa ngayon ang mga nahuling lumabag as curfew.

“Sa recommendation po ng secretary ng DOJ na sinang-ayunan ng SILG na si Gen. Año, nagbigay ng utos ang ating Chief PNP na lahat ng curfew violations ngayon, hindi na ikukulong. Kukunin ang mga circumstances, at ipa-file na lang namin, at large ang mga iyan para pagkatapos ng krisis na ito, saka nila pananagutan iyon at depende rin sa mga multa at penalties na nakasaad sa mga ordinansa ng bawat lungsod o munisipyo na naglabas ng ordinansang ito,” sabi ni Eleazar sa isinawagang public briefing ng Presidential Communication Operations Office ngayong araw.

Si Eleazar din ang kasalukuyang Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations.

 

Parusa at abuso sa curfew, harassment sa checkpoint?

Naglabasan sa social media ang ulat ng mga nakaranas ng iba’t ibang parusa sa paglabag sa curfew, 24 oras na curfew o sa ‘window hours’ (takdang oras kada araw na pwedeng lumabas ang isang tao kada pamilya para bumili ng mga pangangailangan nila). Napaulat ang pagbibilad sa araw, pagkulong sa mga kabataan sa hawla ng aso, panghahampas ng kapitan ng barangay sa naglalaba sa labas na bahay dahil walang pwesto maglaba sa loob, panghahampas ng mataas na opisyal ng PNP, at pagdetine sa mga lumabag sa ‘window hours’ kahit na wala palang ganitong kautusan sa lugar na iyon.

Lumabas din ang ilang reklamo ng mga kababaihang na na-harass sa checkpoint ng mga pulis na nanghingi ng number at pangalan, namilit manghingi ng number kundi ay ‘di palalampasin sa checkpoint, nag-text o tumawag sa number na nahingi sa babae sa checkpoint o nagbigay ng number na sinilid sa ID ng dumaan sa checkpoint.

“Basically, namo-monitor po natin iyan pero patuloy na pinagsasabihan natin ang ating commanders on the ground na wala na dapat na physical na punishment na ibibigay sa kanila. Hindi dapat tinatakot, hindi dapat binibilad o anuman. Iyan ay aming iimbestigahan,” paliwanag ni Eleazar.

 

24 oras na curfew

Tila tinugunan ni Eleazar ang mga partikular na kasong pamamarusa sa curfew o harassment sa checkpoint na kapulisan na napapaulat ng mga pangkalahatang sagot.

“Unang-una po ang curfew natin ay depende po sa lokal na pamahalaan through their council para magpasa ng ordinansa. Dito po sa NCR, nag-usap usap ang mga mayor, at least, sila po ay 8 in the evening until 5 in the morning. Pero kung gusto nilang gawing 24 hours, pwede po iyon,” sinabi ni Eleazar.

Sinabi ni Eleazar na pareho lamang ang 24 na curfew sa ipinapatupad nang lockdown sa Luzon.

“Gusto ko pong sabihin ang pagkakaiba ng curfew, in essence, para po doon sa mga authorized persons outside residence, tayo po ‘yon, mga frontliners. Exempted po sila in general. Pero iyon pong mga tinatawag nating unauthorized, ito pong mga dapat nasa loob ng bahay, wala pong epekto talaga iyan kasi 24 hours nasa bahay lang kayo,” dagdag pang paliwanag ni Eleazar sa 24 oras na curfew.

Terminong ginagamit ng kapulisan at IATF ang APOR o ang pagpapaikli sa ‘authorized persons outside residence.’

Sinabi rin ni Eleazar na maaaring hulihin ang mga nasa labas sa oras ng curfew. Para sa mga lungsod o munisipyong nagpasa ng ordinansa na 24 oras na curfew ay maaari itong mangahulugang bawal mang lang lumabas ng pinto ng bahay.

“Ang kaibahan nga lamang, ‘pag lumabas kayo kung hindi curfew, you will be cautioned para pauwiin o hindi palampasin sa checkpoint. At ‘pag nagmatigas, huhulihin for resistance and disobedience. Pero ‘pag lumabas kayo, itong mga unauthorized, during curfew hours, automatic hindi na kailangan i-caution, pwede na kayong arestuhin o i-accost base dito sa ordinansa na ito. Pero iyong nga sinasabi natin, bakit kailangan mag-arestuhan pa. Gawin niyo na lang trabaho niyo. You stay at home and become heroes,” giit ni Eleazar.

Matapos nito saka niya ihinayag na hindi na muna ikukulong ang mga lumalabag sa checkpoint.

Sinabi ni Atty. Chel Diokno, isang human rights lawyer na ang 24 oras na curfew ay tuwirang pagtanggi sa karapatang maglakbay at kalayaan sa paggalaw.

Tinutulan ng tagapangulo ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na si Edre Olalia ang 24 oras na  curfew.

Sinabi niya na ito ay “unconstitutional” dahil sa pagiging arbitraryo at hindi makatwiran. Ito rin daw ay lampas o pagpapasaklaw ng kapangyarihan ng kapulisan na hindi hinihingi ng kasalukuyan at nakikinitang mga sirkumstansya.

 

Quarantine passes at checkpoint ng PNP

Hinggil sa mga quarantine pass sa mga barangay o syudad, epektibo daw ito sa mga komunidad na iyon pero sa mga ‘controlled checkpoints’ ng PNP ay ID at supporting documents ang kanilang hahanapin.

Maaari rin daw na hindi palampasin kahit ang mga may quarantine pass sa mga controlled checkpoints dahil inaasahan ng kapulisan na sa mga komunidad mismo kung saan galing ang pass mamimili ng pagkain at iba pang pangangailangan ang may hawak ng pass.

“Ang ibig sabihin, sa mga controlled checkpoints natin, na usually ay mga borders ng iba’t ibang lungsod o probinsya, more likely than not, hindi namin ia-allow kahit pa may mga pass na ganyan dahil ang kagustuhan natin, you avail, para po sa mga APOR, you avail the essential services and needs sa mga exempted doon sa area niyo at ‘wag na kayo magkalayo-layo pa. Dahil ang purpose nga natin ay doon lang kayo mag-stay sa inyong lugar to restrict or limit the movement,” giit ni Eleazar.

Batayang dokumento raw na hinihingi sa controlled checkpoints ang mga ID.

“Doon po sa controlled points natin, kahit po kayo ay APOR, kung kayo ay healthworkers o kasama po kayo sa exemptions, hindi po kayo exempted para i-check doon. Tandaan niyo palagi, basic pa rin na kayo ay tatanungin, hahanapin ang dokumento, expected na basic document na ID and then concerning social distancing as well as yun pong ating health protocol na i-check yung temperature niyo,” sabi ni Eleazar.

Inabisuhan ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya ang mga pamunuan ng barangay na hindi pwedeng maglagay ng checkpoint ang barangay nang walang pahintulot ang kapulisan. Iniuutos din nila sa kapulisan na tanggalin ang mga hindi awtorisadong checkpoint sa mga barangay.

Sinabi naman niya sa publiko na hindi na maaaring umuwi ng probinsya ngayon ang mga nag-iisip pang umuwi.

Nananatiling bawal ang mag-angkas sa motor dahil labag ito sa physical distancing at dapat na ang naka-motor ay APOR. Sa kotse naman ay pwedeng apat ang andun, umupo sa mga sulok, pero dapat mga APOR din o kasama sa mga exemption ang nakasakay sa kotse.

“Virus doesn’t move. We move it. When we stop, virus stop. It stops. It’s as simple as that,” abiso ni Eleazar.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here