Higit 100 estudyante ng National Teachers College (NTC) ang lumagda sa petisyon na pinangunahan ng Ayokong Magmahal NTC upang tutulan ang nakaambang pagtaas ng matrikula sa kanilang paaralan. Isinagawa ang aktibidad kaalinsabay ng konsultasyon noong Enero 16 hinggil sa panukalang pagtaas ng matrikula

Ayon sa ulat ng Fiat Lux, opisyal na pahayagan ng NTC, wala umanong magiging pagtaas sa matrikula maliban sa miscellaneous fees.

Paglilinaw ng Ayokong Magmahal NTC, bahagi pa rin ng tuition increase ang pagtaas ng miscellaneous fees dahil nakapaloob ito sa kabuuang usapin ng bayarin sa matrikula. Ayon pa sa grupo, ang anumang paggalaw sa miscellaneous fees ay direktang nakaapekto sa kakayahan ng mga estudyante na makapag-enroll at makapasok, lalo na’t kailangan itong bayaran bilang bahagi ng proseso ng pag-enroll.

Sa naging paglilinaw ni NTC Vice President for Finance Buen, hindi umano itinuturing na tuition hike ang mga bayarin ng incoming freshmen kundi isang “entry fee.”

“For the tuition fee of first year it is not [considered] as an increase. It is an entry fee. Kalayaan mo na pumili ng school. ‘Pag nag-enroll ka ibig sabihin tinatanggap mo. Hindi na kita i-increasan hanggang sa grumaduate ka. You can check that on the CMO (referring to Ched Memorandum Order No. 3 series of 2012). So, it’s up to you whether you go to NTC or not, or mag tra-transfer ka,” paliwanag ni Buen.

Samantala, binatikos naman ng Ayokong Magmahal NTC ang naturang pahayag. Ayon sa grupo, manipulatibo at lantad ang pagpapakita ng mga loophole sa sinasabing CMO No. 3.

“Ang ganitong mga pahayag at polisiya ay malinaw na ginagamit ng mga private higher education institutions (PHEIs) tulad ng NTC para palabasin na pormal na hinarap ng pamunuan ng institusyon ang mga kabataang estudyante sa itsura ng huwad na konsultasyon. Ang ganitong mga pakana laluna ng mga Ayala ay manipestasyon ng pagiging komersyalisado ng edukasyon,” ayon sa panayam sa grupo.

“Sa ilalim ng CMO No. 3, hindi saklaw ng konsultasyon ang mga incoming freshmen, kaya’t malaya ang mga paaralan sa pagtulak ng pagtaas ng matrikula,” paglalahad pa ng grupo.

Sa kalagayan sa NTC, sinasabing hindi umano magtataas ng matrikula sa “upperclass men” maliban sa implementasyon nito sa freshmen students sa terminong “entry fee.”


Ayon pa sa kanila, ang konsultasyon ay nagiging simpleng ‘stamp pad’ para itulak ang mga pagtaas ng bayarin.

“Inilalagay nila sa sitwasyon ang mga estudyante na tanggapin na lamang ang mataas na bayarin kung nais nilang mag-aral sa NTC. Hindi ito makatarungan kung ibinibida ng paaralan ang sinasabing ‘access to affordable, quality, and flexible education,’” dagdag ng grupo.

Patuloy namang nananawagan ang Ayokong Magmahal NTC sa mga estudyante na magkaisa at tutulan ang anumang pagtaas ng bayarin sa kanilang paaralan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here