Naglunsad ng kilos-protesta ang hanay ng mga kababaihan, sa pangunguna ng Gabriela Metro Manila kasama ang iba’t ibang progresibong manggagawa sa Pedro Gil, Taft Avenue upang kundenahin ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sampung linggo na ang naitalang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo. Mula Enero hanggang Nobyembre, pumalo na sa higit P20.80 kada litro and nadagdag sa presyo ng gasolina habang P18.45 sa presyo ng diesel at P16.04 sa presyo ng kerosene.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, aabot na sa halos P70.44 ang presyo kada litro ng gasolina at P50.17 naman sa presyo ng diesel. 

Saad ng mga grupo ang hirap na dulot ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa mga drayber at operator kung saan ay lalo lamang nitong pinaliit ang kita na sana’y kanilang maiuuwi para sa kani-kanilang pamilya.

Dagdag pa ng grupo, ang mga manggagawa at mamamayan ang direktang nahihirapan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo lalo na at marami ang nawalan ng trabaho at hanapbuhay ngayong pandemya. 

“Hindi ang mga kartel ang nahihirapan, kundi tayong mga mamamayan. Pasan-pasan ng mga jeep drivers ang hirap na samantalang ngayon palang, napakaliit na ng kinikita nila dahil sa pandemya.” ani Ka Letty Castillo, third nominee ng Gabriela Women’s Partylist at Regional Chairperson ng Gabriela Valenzuela.

Dagdag ni Ka Letty, hindi hiwalay ang pagtaas ng petrolyo sa paggalaw ng mga presyo ng bilihin. Maski presyo ng LPG ay umaaray na ang mga maralitang konsumer bunsod ng mga pagtaas na aabot P3.50 kada litro.

Pahirap din kung sa usapin ng pagbabudget sa pang araw-araw na gastusin ng bawat pamilya, ani Ka Letty, dahilan upang ipanawagan din na pataasin ang sahod ng mga manggagawa.

Mariin ding tinututulan ng grupo ang Oil Deregulation Law na anila’y magbibigay layaw sa mga malalaking korporasyon ng langis kasabwat ang pamahalaan upang lalo lamang palakihin ang tubo sa presyo ng produktong langis.

Ayon sa Republic Act No. 8479 o “Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998” ang batas na ito ay naglalayon na mailiberalisa ang sektor ng langis sa Pilipinas kung saan mas magiging kontrolado na ng mga pribadong sektor ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo. 

Dahil sa pagsasabatas ng Oil Deregulation Law, unti-unting tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo habang nagpatuloy naman ang pagliit ng kita ng mga tsuper. 

Lalo lamang binuhay ng batas na ito ang mga dambuhalang kumpanya dahil naging mas maluwag na ang restriksyon sa pagtatakda sa presyo ng produktong petrolyo.

“Pahirap ang Oil Deregulation Law kaya patuloy namin ipananawagan ang pagbabasura sa batas na maka anti-mamamayan.” Ani Ka Letty Castillo. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here