Sa tuwing nangingibang-bansa tayo, hindi maiaalis ang paghahambing ng mga bagong lugar sa ating lupang tinubuan. Nagiging sukatan palagi ng ating sarili ang mga tanawin, imprastraktura, transportasyon at iba pang pisikal na katangian ng lugar.

Isa sa natatanging espasyong madalas pinapasyalan ng mga turista ay ang mga parke o liwasan. Higit pa sa espasyong libreng nagbibigay-aliw, pahingahan, tagpuan at tambayan ang halaga ng mga lugar na ito. Mababakas sa mga liwasang bayan ang kasaysayan at kahalagahan ng lugar, tao at pangyayari. Itinuturo ng mga parke ang pinagdaang kasaysayan ng isang bayan, inilalarawan din nito kung paano pinahahalagahan ng mamamayan at pamahalaan ang mga pamana ng kasaysayan.

Tunay ngang malayo na ang narating ng mga parke, sa halip na titik ng mga naratibo ng kasaysayan ang mababasa, nagkalat ang bandalismo. Sa halip na naghihitikang bulaklak ang nagsisitubo, mga basurang nag-uunahan sa pag-usbong. Sa halip na maupuan ang mga pahingahan, ginawang tahanan at tindahan. Sa halip na tao ang abala sa paglalakad sa mga liwasan, ginawang daanan ng mga sasakyan.

Napakalayo na talaga ang narating ng mga liwasan ng bansa, malayong-malayo sa pagpapahalaga ng ibang bansa sa kani-kanilang liwasan.

Tila napag-iiwanan na talaga ang mga parke sa ating bansa. Ilang batas na rin ang ipinapatupad hinggil sa pangangalaga ng mga parke ngunit ang pangil nito ay para lamang sa iilan.

Larawan mula sa The Manila Times

Isa ang kontrobersya sa pagpapatayo ng condominium ng Torre De Manila na humaharang sa tanawin ng Rizal Park, tinawag ang gusaling ito bilang ‘Pambansang Photobomber.’

Malinaw lamang kung paano pinahahalagahan at isinasaalang-alang ng mga lokal na pamahalaan ang interes ng mga dambuhalang negosyante kumpara sa yamang-kulturang ibinibigay ng mga liwasan.

 

Sa kasalukuyan, binago at binabago ng mga parke ang pagkakakilanlan ng isang bayan upang bigyang daan ang pag-unlad, sinisira ang aliwalas, sinisikipan ang espasyo, tinatabunan ang mga bantayog.

Sa panahong kilos-robot at pagal sa maghapong trabaho, napakahalaga ng mga liwasan na maging lunan sa paghinto at pamamahinga. Totoong wala nang libre sa pagkamit ng kumportableng pamumuhay, ngunit ang simpleng espasyo ng mga liwasan ay hindi masusuklian ng anumang halaga.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here