“Sa bawat booking ng driver po, may gasolinang babayaran, may boundary pa, may 21% pang ikakaltas sa kaniya, wala na po talagang matitira sa mga drivers natin. ‘Yan po ang masalimuot na kuwento na hindi po napapansin ng ating pamahalaan,” ani Jun De Leon ng Laban TNVS. 

Nagsagawa ng press conference ang Defend Jobs Philippines (DJP) kasama ang LABAN TNVS, MANIBELA at National Public Transport Coalition para ipanawagan ang paglimita lamang sa 10-12% ang commission rates ng Lalamove, Grab, Joyride, Move it at iba pang ride hailing apps sa tuwing magkakaroon ng booking o customer ang mga driver or ride. Isinagawa ang nasabing press conference noong March 6 sa University Hotel, Diliman Quezon City. 

Ayon kay Ardie Galapos, isang lalamove driver at miyembro ng DJP, may pagkakataon na mabigat at hindi kasya ang mga pinapadeliver ng kaniyang mga customer sa kaniya at kapag kinansel niya ito, mababan siya nang mahabang panahon at hindi makakatanggap ng customers.

“Kung patuloy na gagawin ng mga courier company ang mataas na commission rates na ito, habang patuloy na pinapababa rin ang fare, kami ang magsusuffer, sila [transport network companies o TNC] lang ang sasagana kami ang naghihirap,” giit ni Galapos. 

Ride Hailing Service at platform workers noong panahon ng pandemya

Habang ang ibang mga negosyo at industriya ay lubhang naapektuhan noong panahon ng pandemya dahil sa limitadong paggalaw ng mga Pilpino, noong June 2020 naitala ayon sa sarbey ng Rakuten Insights na 57% ng kanilang respondents ang nagsabing mas gumamit sila ng delivery apps noong panahon na ito. Nakapagpalawak din ng operasyon ang mga ride hailing companies sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas sa panahong ito. 

“Kami yung tinawag na bayani noong panahon ng pandemya. Bigyang pansin niyo naman kami ngayon na talagang walang-wala ng kinikita sa panahon ngayon dahil sa taas ng [presyo ng] gasolina at taas ng commission rates niyo,” ani Galapos. 

Ayon sa ulat noong 2022 ng Fairwork Philippines, bagsak ang siyam na ride hailing apps kasama ang Grab Philippines (Car at Food Express), Lalamove at anim pang applications sa limang kategorya ng fair working conditions. Kabilang dito ang pantay na sahod, kondisyon, kontrata, pamamahala o management at representation. 

Ayon sa Fairwork Philippines, nasa 40,000 ang manggagawa sa ilalim ng Grab Philippines. 

“Sa kasalukuyang sistema, maraming mga partner drivers ang nagiging biktima ng hindi makatarungang sistema ng komisyon na nagdudulot ng hindi patas n akita at kondisyon sa trabaho. Ito ay hindi lamang isang usapin ng ekonomiya, kundi isang usapin ng kawalan ng hustisya at dignidad sa aming karapatan sa kabuhayan,” ayon sa pahayag ng DJP sa kanilang Facebook page. 

Mariin nilang panawagan na umaksyon agad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa isyung ito at i-regulate ang commission rates ng mga TNC para sa pagpapatupad ng 10-12% commission rate lamang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here