Halos dalawang buwan na ang nakalipas ng ipataw ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa bansa lalo na sa National Capital Region (NCR) ay nagkukumahog pa rin ang mga estudyante ng Far Eastern University (FEU) na magpasa ng mga requirements sa online class.

Si Ery na nasa pangalawang taon ng Nursing ay nahihirapan sa kanyang pag-aaral dulot ng kakulangan at kahirapan sa kanyang kalagayan. Bunga ng walang kasiguraduhan na mga pangyayari, nagkaroon siya ng anxiety na mas malala pa sa kanyang depression (MDD). Hindi maikakaila na mahirap mag-aral sa ganitong kalagayan, ani rin ni Ery. Nawalan siya ng gana mag-aral dahil sa inepektibong online classes na walang naidudulot na sapat na kaalaman. Ang natanggap nilang manok galing sa kanilang LGU ay nangitlog ng 2 beses. Kinain na nila ang manok at dinagdag ang mga buto ng gulay. Sa ngayon, mangga na lang ang kanilang kinakain na pinupulot nila mula sa kapitbahay. At sa mga nagdaan na linggo simula ng lockdown, naubos na ang pera nila. Dahil ditto, naging mahirap kay Ery na magpasa ng requirements dahil umaasa lang siya sa wifi ng kanilang kapitbahay.

Si Vangie na 2nd year na nag-aaral ng Communication ay nakararanas ng kahirapan sa estado ng kanyang mental health dahil sa mga pinapagawa at demand sa kanyang kurso, kahit pahinga niya ay hindi siya napapalagay dahil sa mga kailangan niyang ipasa. Ito ay nagdudulot ng malaking epekto sa kanyang kalagayan. Sinabi niyang mayroong mga araw na hindi niya pipiliing makipag-usap kahit kanino at dagdag pa rito ang financial constraint na kinakaharap ng kanyang pamilya.

“Sobrang nakaka-drain talaga lahat,” ani Vangie.

Ang isa pang inaalala ni Vangie ay ang sapat na natutunan ngayong semestre. Nabanggit niya na nakakapag-comply nga sila, ngunit hindi sapat ang kanilang natututunan. Hindi niya maiwasan ang mag-alala sapagkat ang majors na kinukuha nila ngayon ay magsisilbing pundasyon sa kanilang pangatlo at panghuling taon sa pag-aaral.

Isa pang Communication student ang nakararanas ng kahirapan ay si Gab. Siya ay 3rd year at mayroong ama na frontliner sa Jose Rodriguez Memorial Hospital. Labis niyang inaalala ang kalagayan ng kanyang ama. Naghahangad siya ng mas mabuting pamamaraan sa pagharap ng pandemya na hindi malalagay ang kapakanan sa panganib ng mas marami pa, kasama ang kanyang ama.

Hindi mapapasubaliang nahihirapan ang mga estudyante na magpatuloy sa online class sa gitna ng mga alalahanin at kahirapang dulot ng lockdown. Nahihirapan silang makagawa ng mga gawaing pang-akademiko dahil wala silang sapat na kagamitan sa gadyet at walang sapat na internet connection. May ibang estudyante na sumuko na sa online class dahil hindi kinaya ang sistema na ito. May mga estudyante tinanggap na lang na hindi sila makaka-graduate dahil sa walang sapat na kagamitan para sa online class.

Gipit ang mga estudyante sa ipinapatupad na online class at sa pagbabagsak ng mga estudyante sa Physical Education (PE) o Wellness Recreation Program (WRP). Karamihan sa mga estudyante ay nahihirapan sa pagsunod sa rekisito ng kurso gaya ng paggawa at pagpapasa ng mga online exercise video nila. Kamakailan lang, maraming mag-aaral ang bumagsak sa kanilang PE/WRP at kalakhan din sa mga estudyante ay nawalan ng scholarship. Kalakhan sa mga estudyanteng may scholarship ay hindi na alam kung saan pa kukuha ng pangtustos sa kanilang pag-aaral, may magulang na rin na nagrereklamo at nagtatanong kung bakit natanggal ang anak nila ng walang dahilan sa pagiging scholar.

Inilapit ng mga organisasyon sa paaralan kasama na ang FEU Central Student Organization (FEU CSO) ang mga hinaing ng estudyante sa administrasyon ng paaralan. Ibinalita nila noong Mayo 21 na inaksyunan na ang ilang hinaing. Isang halimbawa nito ang paggrado sa PE/WRP, kung saan ang marking IPQ (In Process due to Quarantine) ang ibibigay sa mga estudyanteng magkukumpleto pa ng rekisitos sa loob ng 180 araw mula sa pagtanggal ng ECQ sa Metro Manila. Hindi na rin isasama sa pagkuwenta ng grado para sa aplikasyon ng scholarship ang grado sa PE/WRP. Ang mga online final exam at iba pang pagtatasa ay ginawa na ring opsyonal.

Nananawagan naman ng refund ang mga estudyante at ng mas mataas sa 20% refund na inalok ng paaralan. Ang isang Higher Education Institution katulad ng FEU ay umaabot sa P 70,000 kada semestre ang matrikula ng mga estudyante sa kolehiyo, lalo na ang mga kabilang sa kursong kailangang gumamit ng laboratoryo.

Para sa Anakbayan FEU, malinaw na hindi sapat ang rebate na wala pa sa 20% ang binigay ng FEU sa mga estudyante. Hindi rin umano klaro ang nakasaad sa mga nilalabas na pahayag ng FEU dahil hindi nito magawang magbigay ng breakdown kung bakit kakarampot lang at hindi makatarungang rebate ang binigay nito sa mga estudyante.

“Inuugaga parin ang mga estudyante na magbayad ng kanilang matrilkula sa panahon ng lockdown samantalang hindi naman gumagamit ang mga estudyante ng pasilidad, kasapakat ang Commission on Higher Education (CHED) sa paniningil at pagkukunsinti sa mga pagmamalabis ng mga institusyong hawak ng mga naglalakihang kapitalista-edukador,” anang grupo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here