Muling naglunsad ng kilos-protesta ang mga kabataang lumad, kasama ang kanilang mga guro, magulang at mga tagasuporta sa pangunguna ng Save our Schools (SOS) Network sa central office ng Department of Education (DepEd) nitong Oktubre 10.

Ito ay upang panagutin ang sekretarya ng nasabing kagawaran na si Leonor Briones sa tuluyang pagpapasara ng 54 na paaralang lumad sa ilalim ng Salugpongan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Center Inc. (Salugpongan).

Ayon kay Rius Valle, tagapagsalita ng SOS Network, “Noong March 2019, nalaman na lang natin na hindi pala finorward ang mga permits ng mga division offices sa regional office. Pinatawag ang Salugpongan dahil wala raw kaukulang mga permit, pero dahil nagpasa naman tayo August last year, kinausap natin sila. Nagulat na lang tayo na naglabas sila ng suspension order nitong July.”

Matapos ang suspension order, sunod-sunod na ang panghaharas at pananakot sa mga Lumad na paaralan at mga tagasuporta nito. Isa na rito ang pahayag ni Davao City Mayor Sara Duterte na hindi na muling pahihintulutan ang pagpapatakbo ng mga Lumad na paaralan sa Davao City.

Oktubre 7 inilabas na ng DepEd – Region 11 (DepEd-11) ang order na nagpapasara sa 54 na paaralan sa ilalim ng Salugpongan, kung saan maaapektuhan ang 1,500 na kabataang Lumad.

Sa kabuuang tala ng SOS Network, aabot na sa 144 Lumad na paaralan na ang ipinasara, nasa 4,000 estudyateng Lumad ang apektado rito.

“Ang aming paaralan ay nagtuturo kung paano depensahan ang aming lupang ninuno, kung paano paunlarin ang aming komunidad at kung paano ipreserba ang aming kultura. Nakakagalit ang Department of Education, dahil sila ang may responsibilidad na bigyan kami ng edukasyon pero ipinapasara nila ang mga paaralan namin. Wala naman silang ibinigay para matayo ang mga paaralan namin,” ani Rorelyn Bay-ao, mag-aaral sa Salugpongan.

Upang ipakita ang kanilang pagkadismaya, sabay-sabay nilang pinunit ang mga kopya ng closure order sa harap ng DepEd.

Maghahain ng injuction ang Salugpongan sa korte upang mapigilan ang pwersahan pagpapasara ng mga paaralang Lumad at magpapatuloy pa rin sa kanilang bakwit school upang igiit ang kanilang karapatan sa edukasyon at karapatan sa sariling pagpapasya.

“Guilty ang DepEd dahil baseless, impartial yung kanyang mga alegasyon gaya ng walang LRN, na walang lisensya ang mga teacher – mapapatunayan namin ‘yan. Unfair, unjust dahil ang mga batang ito, gusto lang matuto, gusto lang mangarap na makapagtapos. Pero ang ginagawa ng DepEd ngayon ay ang pagkitil sa mga pangarap na iyon. Mamamatay-pangarap si Briones,” dadgag ni Valle.

Panawagan ng mga Lumad na magbitiw na sa kanyang pwesto si DepEd Secretary Briones dahil hindi ito tunay na nagseserbisyo sa mga kabataan. Panawagan din nilang palayasin na ang mga militar sa kanilang mga lugar.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here