Apat na araw bago ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, naglunsad ng kilos-protesta ang mga pamilya, grupo ng kabataan, manggagawa, at tagasuporta kasabay ng pagdinig sa kaso nina Romina Astudillo, Mark Ryan Cruz, Jaymie Gregorio Jr., at Joel Demate sa Quezon City Hall of Justice at Manila City Regiomal Trial Court. Ang apat ay kasalukuyang nakakulong at bahagi ng tinaguriang Human Rights Day 7.

Halos dalawang taon na rin sa darating na ika-10 ng Disyembre ng natitirang apat na unyonista na nakapiit sa bilangguan. 

Kasalukuyang nakadetine sina Cruz, Gregorio, at Demate sa Metro Manila District Jail Annex 4 sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, samantalang si Astudillo naman ay sa Quezon City Jail Female Dormitory sa Camp Karingal, Quezon City.

Ayon sa pamilya ng mga unyonista, marapat na palayain na sila sa alegasyong sadyang hindi makatotohanan at pawang gawa-gawa lamang. 

Giit nila, maaaring gawing tuntungan ang naging desisyon ng korte sa pagpapalaya sa mamamahayag na si Lady Ann Salem at ang dalawa ring unyonistang si Rodrigo Esparago at Dennise Velasco na bahagi rin ng HRD7.

“Sa pagbasura ng kaso sa tatlo, ito dapat ang tinitingnang batayan ng iba pang mga korte para palayain na sina Astudillo, Cruz, Gregorio at Demate,” banggit ni Rigo Cunanan ng Karapatan National Capital Region.

Tinuligsa rin ni Cunanan ang mga warrant na inilabas ni Quezon City executive judge Cecilyn Burgos-Villavert. 

“Higit 76 aktibista ang tinaniman ng ebidensya at ikinulong sa gawa-gawang kaso sa pangunguna ng tinaguriang search warrant factory queen na si judge Cecilyn Burgos-Villavert. Pero, tulad sa kaso nina Salem, Esparago, at Velasco ay unti-unti na ring nabubunyag ang kasinungalingan sa kanilang mga ginagawang paratang,” dagdag ni Cunanan.

Naging biktima rin ng disimpormasyon at panreredtag ang HRD7, maging si Mandaluyong judge Monique Ignacio Quisumbing na nagpawalang-bisa sa warrant at nagbasura sa kaso laban kina Salem at Esparago. 

Matatandaang ang dating spokesperson ng National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict na si Lorraine Badoy ay nagpost sa kanyang Facebook hinggil sa alegasyong bahagi ang HRD7 sa umano’y namumunong kadre ng Communist Party of the Philippines (CPP), habang ang ibang awtoridad naman ay pinaratangan silang mga miyembro ng New People’s Army. Bago nito, ang paratang naman ng mga operatibang humuli sa kanila ay bahagi sila ng “gun running syndicate” kaya umano nahulihan ng baril—na ganito rin ang kwento sa aplikasyon ng warrant laban sa iba pang mga aktibista gaya nina Reina Nasino at mga kasama nito. 

Banggit pa ng Karapatan NCR na ang pagsangkot ng gobyerno sa mga kritiko sa CPP ay lubos na mapanganib lalupa sa pagkakaroon ng Anti-Terrorism Act of 2020.

“Alalahanin natin ang desisyon mula kay Judge Marlo Malagar ng Manila RTC kung saan bigo ang estado sa pagturing na terorista ang CPP. Ang kanilang akusasyon sa hanay ng mga progresibong grupo at mamamayang lumalaban tulad ng HRD7 bilang terorista ay walang katuturan,” dagdag ni Cunanan.

Mariin ding kinundena ni Cunanan ang pagpapanumbalik sa pondong higit P10B para sa NTF-ELCAC mula sa P5.268 trilyong panukalang badyet sa susunod na taon. Nanawagan ang grupo ni Cunanan sa pagbubuwag ng nasabing task force at paglaan ng pondo nito sa kagyat na kinakailangang serbisyong panlipunan. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here