Update: Nakalaya na bandang 5:20 ng hapon si Prop. Flores matapos magpiyansa ng P72,000 ukol sa umano’y paglabag sa mga probisyon ng remittance of employees’ contributions sa ilalim ng Social Security Acts 1997 at 2018.

Kaninang 11:00 ng umaga nang arestuhin si Prop. Melania Flores, guro sa Departamento sa Filipino at Panitikan ng Pilipinas at dating tagapangulo ng All UP Academic Employees Union, sa kanyang tahanan sa loob mismo ng UP Diliman.

Nagpanggap na empleyado umano ng Department of Social Welfare and Development ang mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD) na umaresto sa propesor.

Ayon sa ulat ng AUPAEU, ang mga mapagpanggap na kapulisan ay nakasibilyan at umano’y magbibigay ng ayuda. Saka lamang inihapag ang warrant of arrest nang patuluyin sila sa tahanan at inakusahan si Prop. Flores ng paglabag sa Social Security Law partikular sa remitans ng mga kontribusyon sa Social Security System (SSS). Higit P72,000 ang piyansang nakapataw sa kasong ipinataw kay Prop. Flores.

Ang inihaing warrant of arrest sa propesor ay noon pang ika-6 ng Setyembre inilabas mula kay Judge Maria Gilda Loja-Pangilinan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 230. Ito ay isang buwan bago makatanggap din ng arrest warrant at arestuhin ang mga aktibista at unyonistang sina Kara Taggaoa, Larry Valbuena, at Banjo Cordero noon lamang ding nakaraang taon.

Nagpiyansa at pansamantalang nakalaya sina Taggaoa, Valbuena, at Cordero. Ngunit sa mga ‘ligal’ na prosesong kanilang dinanas ay iligal na maituturing ito ng mga progresibong grupo  dahil sa mga kasong pawang gawa-gawa kasabay ng pagharap nila sa mga interogasyong malayo sa akusasyon laban sa mga aktibista at unyonista.

Banggit pa ng mga paralegal ni Prop. Flores, kaduda-duda na ngayon lamang isinagawa ang aresto nang walang natatanggap na complaint, subpoena, o notice ang propesor hinggil sa akusasyon sa kanya na higit limang buwan nang nakalipas inihain.

“[H]indi ipinaalam kay Prop.[esor] Flores ang anumang reklamo o kaso laban sa kanya dahil wala siyang natanggap na anumang notice o subpoena ngunit may inisyu na kaagad na warrant of arrest,” saad ng AUPAEU.

Paglabag din sa 1992 UP-DILG Accord kung saan ipinagbabawal sa loob ng UP campus ang presensya o elemento ng kapulisan ngunit ipinagsawalang-bahala ng mga kapulisan nang hindi man lang din nagpaabot ng koordinasyon sa administrasyon ng UP Diliman.

“Isa itong malinaw na pag-atake sa hanay ng kaguruan at unyonista na walang ibang hangad kundi ang karapatan at kagalingan ng kanilang sektor at ng mas malawak na mamamayang Pilipino,” saad ng Karapatan NCR.

Kilalang aktibo si Prop. Flores sa pagsulong ng karapatan at kalayaang pang-akademiko ng mga estudyante at guro, disente at maayos na kabuhayan sa mga manggagawa, drayber, manininda, at iba pang mga sektor sa loob ng kampus.

Siya ay dinala at kasalukuyang nakapiit sa Camp Karingal sa Quezon City District Jail kung saan din inilunsad ang pagkilos ng iba’t ibang progresibong grupo upang kundenahin ang kanyang pagkakaaresto at ipanawagan ang kagyat na pagpapalaya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here