Kinondena ng Anakbayan National Capital Region ang paniniktik sa mga residente ang mga miyembro nito kabilang ang ilang midya habang nagpapatuloy ang demolisyon sa Block 6, Brgy. Veinte Reales, Valenzuela City.

“Patuloy ang paniniktik ng mga intel agents sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga residente kung saan tumutuloy ang mga kabataan na nakikiisa lamang sa laban ng komunidad,” ayon sa grupo ng kabataan.

Ang mga nasabing nag-iintel ay nagpapanggap pa umanong mga Shopee delivery riders habang nagmamasid-masid sa tahanan ng mga residente.

Nangyari ang paniniktik isang araw matapos ang pulong ng mga residente kay Mayor Weslie Ting Gatchalian kung saan hindi pinakinggan ang mga residente sa kanilang panawagan para itigil ang demolisyon at ipatupad ang onsite development program through People’s Plan.

“Ipinagsawalang-bahala niya ang mga kahilingan ng mga residente at itinuloy pa rin demolisyon sa Veinte Reales nang walang relokasyon. Bagamat may medium-rise na itinatayo, mahal ang upa rito at may ibang residente ay nagbabayad na kahit hindi pa ito nagagawa. Bukod pa, ang 9,000 pesos na financial assistance na inaalok ng LGU kapalit ng demolisyon ay hindi makatarungan, hindi makatao, at labag ito sa batas,” paliwanag ng Anakbayan NCR.

Ayon sa grupo, ang hakbang na ito ni Mayor Wes ay patunay lamang ng kanyang takot sa lakas ng pagkakaisa ng mga kabataan at ng mamamayan ng Block 6, Brgy. Viente Reales na ipinaglalaban ang katiyakan sa paninirahan.

Inihalintulad din ng grupo ang marahas na dispersal ng mga kapulisan sa komunidad ng Block 6 sa karanasan din ng Sibuyan Island dahil sa minahang sumisira ng kalikasan na pagmamay-ari rin ng mga Gatchalian.

“Ang paniniktik na ito kasabay ng patuloy na demolisyon ay siyang nagpapatunay na si Mayor Wes at ang buong LGU ay walang pakialam sa mga hinaing ng mga residente na ilang dekada nang nakatira sa Block 6. Imbes na ilaan ang buwis sa pagtugon ng kahilingan ng mamamayan, patuloy ang pagpopondo sa mga kapulisan at demolition goons upang hadlangan ipagpatuloy ang demolisyon,” dagdag pa ng Anakbayan NCR.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here