Marahas na binuwag ng demolition team kasama ang kapulisan mula Valenzuela City ang mga itinayong harang at nagbarikadang residente ng Block 6, Brgy. Veinte Reales sa nasabing lunsod noong ika-12 ng Hulyo taong kasalukuyan.

Bago pa man ito, nagkaroon ng pagkilos ang mga residente noong ika-11 ng Hulyo sa People’s Park tungong munisipyo ng Valenzuela para itulak na magkaroon ng dayalogo kay Mayor Wes Gatchalian sa pagitan ng mga residente ng Block 6. Ngunit hindi pa man nakalalapit ang mga residente ay hinarang na sila ng mga kapulisan.

Ang Block 6 sa Brgy. Veinte Reales ay bahagi sa higit anim na ektarya at pinakahuling block na sapilitang pinaaalis at ginigiba bunsod ng itinatayong medium-rise building (MRB) ng Valenzuela City sa pakikipagugnayan sa Social Housing Finance Corporation (SHFC) na sinimulan kasagsagan mismo ng pandemya noong 2020.

Libong mga residente ng Blk 6, Brgy. Veinte Reales ang apektado ng demolisyon at posibleng madadagdag sa bilang ng walang tahanan o homeless family, ayon sa Urban Poor Coordinating Council (UPCC).

Paglaban sa tatlong dekadang paninirahan

Hulyo 11 ng gabi hanggang Hulyo 12 ng madaling araw itinayo ng mga residente ang barikada sa kahabaan ng Block 6 sa Claudio Molina St., Brgy. Veinte Reales. Gamit dito ang mga tagpi-tagping plywood, kahoy, yero, at iba pang mga donasyong materyal tulad ng pako, sako, at pintura.

Anila, kailangang depensahan ang huling pasilyo kung saan kalakhan ay nakatakdang gibain sa araw na iyon. Kabilang dito ang tahanan ni Nemia Dela Cruz.

Pito ang nakatira sa kanilang tahanan, mula sa kanyang dalawang kapatid, kanyang asawa at tatlong anak.  Ayon kay Nemia, higit tatlong dekada na silang naninirahan sa kanilang tahanan.

Aniya, bahay pa ito ng kanilang ina at dito na sila ng kanyang mga kapatid lumaki. Katabi lang din mismo nito ang itinayong bahay ng kanyang kapatid na si Lanie Armada.

“Ni hindi ako makakain o makatulog sa kakaisip kung saan kami nito pupunta, graduation din pa ng anak ko,” paghagulgol ni Nemia sa tuwing inaalala ang kanilang mga ipinundar at kalagayan ng bahay na madali na lamang bibigay ang pundasyon kung ito ay sapilitang gigibain.

Kasama si Nemia sa humarang mula pa sa bungad ng hanay ng mga nagbarikadang residente. Nanguna sa hanay ang mga kananayan sa inaasahang hindi sila sapilitang bubuwagin, iipitin, o dadahasin ng pinagsamang pwersa ng demolition team at kapulisan ng Valenzuela kasama ang may hawak ng megaphone na si Virginia Leonor na nagtutulak sa kabuoang pwersa para ituloy ang demolisyon.

Si Engr. Leonor ang itinuturo ng mga residente na nangunguna sa mga pagbabanta kasama ang demolition team at Valenzuela sa pagpapatuloy ng demolisyon sa kanilang komunidad.

Ngunit sa loob ng dalawang oras ay kabaligtaran ang kanilang sinapit. Sa inilabas na live footage ng Manila Today, makikitang hindi na usapin ng sekswalidad, midya, o paralegal ang ginawang pagtulak, pandarahas, at sapilitang pagbuwag sa hanay ng mga residenteng dumedepensa sa kanilang tirahan.

Pinabubulaanan pa ng mga residente ang sinasabing “clearing operation” lamang ang ginagawa ng Valenzuela City sa kabila ng sapilitan ang ginagawang paggiba sa kanilang tahanan.

Wala ring maipakitang dokumento partikular ang court order mula sa Valenzuela LGU para patunayang lehitimo ang isinasagawang demolisyon. Inireredirehe pa sila ng mga hindi nagpapakilalang opisyales habang nakatago ang mga identidad nito sa sinasabing “office” para gumawa ng salaysay sa isang blangkong papel at pumaloob na lamang sa “extension” ng kanilang pananatili hanggang Biyernes o ika-14 ng Hulyo sa kanilang bahay na tatlong dekada nang tinitirhan.

Bago pa man ito, ayon sa mga residente, magbibigay umano ng nagkakahalagang P9,000 financial assistance ang Valenzuela City kapalit ang sapilitang paggiba ng mga residente sa kanilang tahanan. Ngunit wala pa sa mga residente ang nakatatanggap ng halagang nabanggit. Dagdag pa nilang hindi ito sasapat kung sila man ay lumipat at sa pantustos sa batayang pangangailangan,

Natunton ng demolition team at kapulisan ang tahanan ng magkapatid na sina Nemia at Lanie. Sa mga oras ng demolisyon, kinumbinsi ang dalawa na pumaloob sa ipinagagawang salaysay para imungkahi ang nasabing “extension” kahit pa ito ay labag sa kanilang kalooban.

Sa kanilang ginawang salaysay, walang pagbanggit ng pag-aalok ng sinasabing P9,000 na financial assistance bago kapag sumapit ang Biyernes ay hahakutin na lamang ang kanilang mga gamit kung saan sila ang magtatakda sa pagdadalhan ng mga ito.

Ibig sabihin, walang relokasyong kaloob sa mga residente at sila ang nagtitiyak para sa kanilang lilipatan.

Taxi driver si Sonny Dela Cruz, asawa ni Nemia. Halos P500 na lamang ang abereyds nitong kita sa pasada kaltas na rito ang boundary sa halagang P900, hiwalay pa ang gastos sa gasolina. Samantala, si Christian na anak ng mag-asawa ay nagtatrabaho bilang repacker sa Shopee. Kumikita lamang siya ng P480 kada araw.

Pinagkakasya lamang ng pamilya ni Nanay Nemia ang kinikita ng kanyang asawa’t anak para sa kanilang gastos sa pagkain, kuryente at iba pang pangangailangan.

Sa kabilang banda, bago pa man pumaloob si Lanie sa kondisyong “extension”, dali-daling pinagtatanggal at sinira ng demolition team ang kanyang maliit na tindahan. Kasama pa ni Lanie ang kanyang tatlong taong gulang na apong si Bella habang nagpapatuloy ang pagsisira.

Hinakot na pati ang ilang mga gamit tulad ng washing machine, gamit paninda bago tuluyang gumawa si Lanie ng kanyang kasulatang nagsasaad na bigyan sila hanggang Biyernes para lisanin ang kanilang tirahan.

“Hindi makatao, hindi makatarungan ang ginagawa nila sa amin. Si Bella, magbibirthday iyan sa July 18 at gusto pa rin namin, niya na dito ito icelebrate,” ani Lanie.

Nang ibalik ang mga gamit sa bahay nina Lanie, napansin niyang nawawala ang pinaglalagyan ng mga salapi at barya. Tinatayang higit P500 ang nawala sa kanya bunsod nito.

Ang dalawang tahanan nina Nanay Nemia at Lanie ay kabilang sa walong bahay na sapilitang giniba, kung saan tatlong tahanan dito ay okupado.

Nagpatuloy ang paggiba sa kabila ng mayroong mga tao sa loob ng mga tahanan kabilang ang isang menor-de-edad at senior.

Nang pumaloob ang ilang mga residente tulad ng magkapatid na sina Nanay Nemia at Lanie na gumawa ng salaysay ay pansamantalang inihinto ang pagtitibag sa kanilang mga tahanan. Habang nagsabing babalik ang mga demolition team kasama ang kapulisan pagsapit ng hapon.

Malaking pangangamba at takot ang dulot ng pwersahang paggiba ng mga demolition team kasama ang kapulisan ng Valenzuela City.

Bukas ay susunod namang gibain ang natitirang mga bahay sa dulong bahagi, kabilang ang tahanan ng mag-asawang sina Lucy at Marcelo Abante.

Umaasa lamang sa pananahi si Lucy habang tinutustusan niya ang mga pangangailangan ng maysakit niyang asawa sa prostate. Halos nagkakahalagang P250 ang gamutan ni Marcelo sa bawat araw.

Nang magsimula ang demolisyon ay natigil na rin sa pananahi si Lucy na kanilang pangunahing pinagkukunan para sa kabuhayan.

“Hindi ko na alam saan pa kukuha ng pera, wala naman kaming pang-down. Hindi ko alam saan na pupunta,” ani Lucy.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here