Umaalma ang mga jeepney driver at operator matapos mag-anunsyo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kamakailan lamang na sisimulan na ang pamamahagi ng P1 bilyong halaga ng fuel subsidy sa naturang sektor.

Ayon sa pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na si Mody Floranda, hindi sapat ang P1 bilyon o P7,200 kada tsuper at operator na halaga ng fuel subsidy para sa sinasabi ng LTFRB na 136,000 na kwalipikado.

Dagdag pa niya, hindi tugma ang datos na inilabas ng LTFRB sa totoo at kabuuuang bilang ng mga nangangailangang jeepney operator at driver.

“Batay sa datos ng LTFRB, meron tayong 74,000 na traditional jeep, merong 50,000 operator, at 150,000 na driver. Kaya ‘pag pinagbasehan dito pa lang sa NCR, ay maliit na ‘yong 70,000 na sinasabi ng LTFRB, dahil more or less merong 400,000 na mga driver at operator,” sabi ni Floranda.

Bagamat malaking tulong ang P7,200 na halaga, aniya’y hindi ito sapat dahil isang bigay at magagamit lamang sa pagkarga ng krudo.

“Walang saysay ‘yon, dahil 1 wave lang, hindi pwede ipangbili ng pagkain dahil [subsidyo sa krudo], gagamitin lang sa pagkarga ng krudo, hindi pwede ibili ng pagkain ng pamilya, hindi pwede ipangbayad ng tubig, kuryente, bahay, o pangbili ng load ng anak mong nag-aaral sa bahay,” ani Floranda.

Ayon pa kay Floranda, kaunti lang din ang maibibigay na tulong ng P7,200 halaga ng fuel subsidy lalo pa’t simula Agosto 31 ay patuloy pa rin ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Sa kasalukuyan, nagbawas ang mga oil company ng PHP 2.40 kada litro sa presyo ng gasolina, PHP 2.65 kada litro sa presyo ng diesel at PHP 2.70 kada litro sa presyo ng kerosene.

Reporma sa mga batas

Binigyang-diin din ni Floranda na band-aid solution lamang ang P7,200 fuel subsidy at ang mas pagtuunan ng pansin ay ang mga batas na may kinalaman dito.

Aniya, “Dapat ang tingin ng gobyerno hindi lang sa isang side, kaya itutulak namin para lahat makinabang, ito ang galawin mo, ‘yong Oil Deregulation Law, ibasura, i-abolish ang TRAIN Law, tanggalin ang Excise Tax sa produktong petrolyo.”

“Kapag ginalaw ‘yon, lahat magbe-benefit at hindi kailangan mamigay ng ayuda, kasi mababa ang presyo ng bilihin, pati presyo ng petrolyo, hindi lang isang sektor ang natulungan,” dagdag pa ni Floranda.

Hindi lang mga jeepney driver at operator

Nanawagan din ang bahagi ng PISTON upang magkaroon ng mas inklussibong solusyon. Sa kasalukuyan tanging mga jeepney drivers at operator lamang ang makakakuha ng fuel subsidy.

Ayon kay Floranda, “‘Yong 1 bilyon alloted sa traditional jeepeney, paano ang mga tricycle, TNVS, driver at konduktor ng bus, na mga nagbabayad din naman ng buwis, karapatan nila makatanggap ng subsidy.”

Iminumungkahi rin ng sektor ng mga driver at operator na mas pag-aralan pa ng administrasyon ang mga isyu at posibleng solusyon ng nasabing sektor.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here