Maliliit na bagay—sa isa sa mga paborito kong eksena sa pelikulang Open, sa direksyon ni Andoy Ranay, makikita sa pagpili at pagbili ng cake nina Rome (Arci Munoz) at Ethan (JC Santos) ang estado ng kanilang 14 years na relasyon at kung paano nila binibigyang tuon ang isa’t isa.

Mula sa pamagat nito, iikot ang kwento sa kanilang pagtatangka na buksan ang kanilang relasyon sa iba, ayon kay Ethan, para isalba ang kanilang relasyon. Sa kanilang kasunduan pwede silang magkipag-sex sa iba, liban sa mga kakilala. Relatibong bago ang ganitong gawi, pero labas sa mga pangyayari sa isang open relationship, isa sa mga napagtagumpayang talakayin ng pelikula ang papel ng pakikinig at pagtitiwala sa anumang klase ng relasyon.

Tagos sa puso ang pagkakasulat ng pelikula mula sa karakterisasyon, mga eksena at pag-uusap, pati na rin ang pag-unlad ng mga karakter. Liban sa pagiging kapani-paniwala kaya madaling makaugnay sa sinumang karakter, naging matalino at matapang ang paghahain ng resolusyon sa kwentong ito ng pag-ibig.

Naging mahusay din ang paggampan ng mga artista sa kanilang mga papel—ramdam ang mga pagsasagutan ng emosyon labas pa sa kanilang mga sinasabi, binigyang-buhay nila ang sakit, at naramdamang pagkakulong at paglaya, at pagmamahalan nina Rome at Ethan. Epektibo rin ang naging mapang-akit na pagganap kay Erika (Ina Raymundo) sa karakter niyang may iba pang assertion tungkol sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtalik.

Sa panahon ngayon na minsan ang akala nating pinakamainam gawin at maghintay at umasa sa pagbabago, malaking hakbang sa naratibo ng pakikipagrelasyon ang pelikulang Open kung saan kanilang ibinukas ang posibilidad na maaaring nasa labas na ng relasyon ang kinakailangang pagbabago—na okay lang yun, okay lang na piliin ang sariling kalayaan.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here