Mula sa direksyon ni Jade Castro (na may kinalaman din sa istory at screenplay) at produksyon ng Globe Studios and Dokimos Media Inc., ay nakapagpalabas sila ng isang pelikulang magpapagaan sa pakiramdam at magbibigay inspirasyon sa pamilya at indibidwal na mga pangarap.

Mahusay na nagampanan ni Gabby Garcia ang karakter ni Sarah, isang nagsakripisyong ate para sa pag-aaral ng kanyang kapatid na si Cedie. Habang nakikita niya ang pagsikat at pagtatagumpay ng mga kasabayan niya lang noon sa pagsali sa mga music camps ay natali naman siya sa paghahanapbuhay para sa kaniyang kapatid.

Ang hilig din ni Sarah sa musika ang durugtong sa kaniya sa isang wholesome at boy-next-door na si Zack (Khalil Ramos) sa kanilang pagtatagpo sa isang P2P bus. Nakapalagayan nila ang loob ng isa’t isa at umasa na musika rin ang gagawa ng paraan sa kanilang muling pagtatagpo.

Sa kabilang banda, dahil sa mga binitawang pangako nila Sarah at Zack sa bus, nagkaroon ng inspirasyong muling subukan ni Sarah ang pagsulat ng kanta at pagsubok muling abutin ang kaniyang pangarap. Habang sinusubukan din ni Zack na ayusin ang gulo ng kaniyang mga magulang.

Dagdag aliw rin ang karakter ni Ruby (Tuesday Vargas) bilang ina ni Zack na may malapit na relasyon sa anak, bukas ang komunikasyon at nakagawiang murahin ito. Si Ruby ay may malalim na galit sa kanyang asawa kaya hindi nito hinayaang magkaroon ng komunikasyon si Zack sa kanyang ama.

Habang nasa isang gig ng paborito nilang bandang Ben & Ben, na umarte bilang mga sarili nila sa pelikula, ay sabay ni Zack at Sarah naranasan ang pagguho o pagkaantala ng kanilang pangarap.

Ang ganda ng paggamit ng mga liriko ng kanta bilang mga alternatibong dialogue ng mga karakter sa eksena. Mas mauunawaan ang mga kanta ng Ben & Ben dahil nailugar ito sa mga tagpong pinakaswak ang mensahe at damdamin. Kung hindi pa fan ng Ben & Ben ang manonood, baka doon niya simulang tuklasin ang mga kanta at maging fan ng sikat ng grupo. Co-producers ang grupo ng pelikula.

Matapang na sumubok ang buong produksyon sa paggawa ng isang pelikula na hindi madalas maipakain sa mga manonood. Feel-good, wholesome, family drama na sinaliwan ng mga awit ng isang grupo—na maaaring maging matagumpay na pormula sa mga susunod na panahon.

Isa itong feel-good na pelikulang nagpapakita na kahit maraming maging pagkabigo sa daan patungo sa iyong pangarap ay kailangan mo pa ring panghawakan at huwag tumigil na kumilos para makamit ito.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here