Natapos na ang isang buwan ng lockdown pero nasa 20% pa lang ang nakatanggap ng ayudang P5,000 hanggang P8,000 emergency subsidy sa social amelioration program (SAP) ng pamahalaan. Sa katapusan pa ng buwan makukumpleto ang pamimigay ng ayuda.

Ayon kay Department of Social Work and Development (DSWD) Undersecretary Camilo Gudmalin, 3.8 M pamilya sa 18 milyong pamilyang bahagi ng SAP ang nabigyan ng ayuda hanggang Abril 12.

Target ng ahensya na mabigyan ang 9 milyon pang pamilya mula Abril 13 to 18. Ang natitirang nasa 6 milyong pamilya ang target naman sa huling linggo ng Abril.

Paliwanag ni Gudmalin, natatagalan ang pamimigay ng ayuda dahil sa mga documentary requirements.

Abril 12 dapat nagtapos ang isang buwang enhanced community quarantine o total lockdown sa Luzon. Inanunsyo ang pagpapahaba nito hanggang Abril 30 noong nakaraang linggo.

Ayon naman sa ulat ng gobyerno na pahayag ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao noong Abril 12, sa P47 B na naipasa na ng ahensya sa mga local government unit (LGU), mahigit P335 M na ang naipamahagi sa mga benepisyaryo. Sa ganitong mga bilang, walang 1% o nasa 0.7% pa lang ang napamahagi sa benepisyaryo mula sa P47 B.

Noon ding Abril 11, naihulog na rin ang higit P16 B para sa 3.7 M na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng gobyerno. Nagsimula ang ahensya sa pagbigay ng ayuda sa benepisyaryo ng 4Ps sa kanilang cash card noong Abril 3.

Ang natanggap na alokasyon para sa mga driver ng transport network vehicle services (TNVS) at public utility vehicles sa National Capital Region (NCR) ay nasa P 323 M.

Inanunsyo ng kalihim ng DSWD na si Rolando Bautista na nakuha na nito ang P100 B mula sa P 200 B pondo para sa social amelioration program mula sa Department of Budget and Management noong Abril 2.

Unang target nito na mapamahagi ang ayuda sa loob ng tatlong araw. Ang naunang balangkas din ng ahensya ay sila mismo ang mamamahagi pero ibinalik ang tungkuling ito sa mga LGU ayon daw sa Local Government Code at ang LGU ang mas nakakaalam ng mga benepisyaryo sa kanilang saklaw.

 

Delayed, di sapat, quota, top up na SAP

Iniinda ng maraming mamamayan ang matagal na pagdating ng ayuda mula sa pambansang pamahalaan.

Bukod sa matagal, katumbas lang ang ayuda ng nasa 9 hanggang 15 araw na minimum na sahod. Tumagal na ang lockdown ng isang buwan. Ang unang ilalabas na ayuda ay para raw sa dalawang buwan, kasama ang Abril na patapos na.

Ang mga benepisyaryo naman ng 4Ps ay makakatanggap ng P 3,650 hanggang P6,650 – mas mababa sa P5,000 hanggang P8,000 – dahil “top up” ito sa mga regular na natatanggap na ayuda ng 4Ps mula sa DSWD.

Nadismaya rin ang mga LGU sa sistemang ‘quota’ ng SAP, kung saan 40% hanggang 60% lang na kanilang mga isinumiteng bilang ng pamilya ang inaprubahan ng DSWD na makatanggap ng emergency subsidy.

 

Talaan ng ‘quota’ ng SAP sa NCR

 Walang datos sa ibang syudad na wala sa talaan

 

Marami ring dumaraing kung bakit hindi isama maging ang middle class sapagkat apektado naman lahat sa ipinatutupad na lockdown—kung saan natigil ang trabaho, hanapbuhay, at transportasyon sa buong Luzon—at maging mga propesyunal ay nahihirapan. Hindi rin iuurong ang bayad sa upa, kuryente at tubig, kundi pahahabain lang ang deadline ng bayaran, kahit na marami ay walang income sa panahon ng lockdown.

Ayon naman kay Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III, duda siyang mabibigyan ng ayuda ang lahat ng middle class.

At kung muling pahabain ang lockdown, ang naka-budget ng gobyerno para sa subsidyo ay hanggang sa katapusan ng Mayo, ani Dominguez. Ang kasunod na subsidyo ay target ilabas sa Mayo.

Inanunsyo ang social amelioration program sa pagpasa ng mga dagdag na kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng RA 11469 o Bayanihan to Heal As One Act.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here