Sa Pilipinas, pagpasok ng dekada ’90 nagsimulang lumawak ang kontraktwalisasyon sa paggawa dahil sa Herrera Law o mga rebisyon sa Labor Code ng bansa sa panahon ng dating pangulong Corazon Aquino. Partikular dito ay ang mga probisyon sa Artikulo 106-109 ng batas na nagbigay pahintulot sa contracting at sub-contracting.

Sa kasalukuyan ay tinatayang aabot na sa mahigit 50% hanggang 70% ng mga may trabaho ang hindi regular o kontraktwal. Samantala, iba-iba naman ang itsura at katawagan ng mga kontraktwal na mga manggagawa sa iba’t ibang industriya, serbisyo, at maging sa gobyerno. Narito ang ilan sa kanila:

Harbour Centre

Hindi makatao ang pagturing sa mga manggagawa, ganito kung isalarawan ng mga manggagawa ng Harbour Centre sa Tondo, Maynila ang kanilang kalagayan. Lahat ng mga manggagawa rito katulad ng mga estibador, forklift at crane operator, winchman, leadman at iba pa ay mga kontraktwal na agency-hired.

Napakababa ng sahod dito, walang benepisyo, on-call ang trabaho, at kung madisgrasya ay walang matatanggap na tulong ang mga manggagawa sa pyer.

Nasa P1,038 ang nakatalang sahod ng mga manggagawa para sa 12 oras na trabaho. Pero P650 lang umano ang nakukuha nila galing sa agency. Kapag mahuli sa oras ng paggawa ay babawasan ang oras, bawas na rin ang sahod kung gayon. At dahil walang takdang petsa ng sahod na nahuhuli ng isa hanggang tatlong buwan, napipilitan ang mga manggagawa na ibenta sa bumbay ang sahod nila. Kakaltasan ng bumbay ang sahod nila kaya’t P411 hanggang P590 na lang ang natatanggap nila, isang pamilyar na kalagayan sa mga manggagawang umiikot ang sahod sa utang at bayad-utang.

Ang sahod din daw nila ay depende lang kung may barko na darating o “Per Vessel Basis Employee,” ayon sa pinipirmahan nilang kontrata. Pero kapag may dumating at kahit malalim na ang gabi, kailangan nilang magtrabaho.

Palagi ring may kaltas ang sahod nila para sa SSS, Pag-ibig at PhilHealth pero hindi naman pala ito regular na hinuhulugan ng ahensya. Wala rin silang payslip at nakalagay lang sa isang sobre ang sinasahod nila na may pangalan ng barkong kanilang pinagtrabahuhan.

Dagdag pa rito ay wala kagamitang pangkaligtasan o personal protective equipment para maprotektahan sila habang naghahango ng tone-toneladang bakal mula sa barko.

Pabrika ng damit

Sa isang pagawaan ng damit pambata sa Quezon City, pitong taon nagtrabaho si Esmeñia Bersalona, 55 taong gulang, pero aabot lang sa P100 sa walong oras ng paggawa bawat araw ang natatanggap niya at iba pang manggagawa. Kapag mag-OT naman ay wala silang natatanggap na kaakibat na kabayaran. Pakyawan ang kanilang trabaho at kailangang makaabot sa quota ang natahi para matanggap ang sahod. Hindi sila nakakatanggap ng kahit na anong benepisyo mula sa pagawaan katulad ng SSS, PhilHealth at Pag-Ibig.

Gobyerno

Iba’t iba ang katawagan ng mga kontraktwal na manggagawa sa gobyerno na matagal nang kalakaran.

Sa ilang mga ahensya sa ilalim ng sangay ng ehekutibo, may tinatawag na job order (JO) na tumatanggap ng minimum na arawang sahod at aabot lang sa tatlong buwan ang kontrata. Karaniwang ginagawa ng mga JO ay mga maiiksing trabaho lang katulad ng pagkakabit ng bakod, encoding at iba pa.

Meron namang mga empleyadong nakapailalim sa Contract/Cost of Service (COS) na ang dating tawag ay Memorandum of Agreement (MOA), ito ang pinakamarami sa DSWD na aabot sa 14,000 sa lahat ng opisina sa buong bansa. Pumipirma sila ng taunang kontrata pero ang ilan sa kanila ay aabot na ng 15 hanggang 20 na nagtatrabaho sa kagawaran.

Kabilang sa kanila ang mga frontliners ng pagbibigay ng serbisyo ng kagawaran katulad ng mga social worker at iba pang araw-ara na humaharap sa mga kliyente.  Ang sweldo nila ay halos katumbas na rin ng mga regular na empleyado, pero wala silang mga benepisyo katulad ng leave, overtime at 13th month pay, clothing allowance at iba pa. Kung hindi sila pumasok ay wala silang sweldo o no work, no pay. Ang kanilang SSS, PhilHealth at Pag-Ibig ay boluntaryong hinuhulugan.

Casual naman ang tawag sa mga empleyadong halos katulad ang kalagayan ng COS pero nakakatanggap sila ng benepisyo. Ang kaibahan lang sa COS ay hindi sila regular o walang security of tenure.

Supermarket

Sa mga supermarket, iba’t iba rin ang tawag ng mga kontraktwal na manggagawa.

Sa South Supermarket na may umaabot sa 2,200 ang empleyado sa 10 branch sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Batangas, 356 lang ang regular dito at ang iba ay mga kontraktwal na. May mga casual na direktang empleyado ng South Supermarket o direct hire na tumatanggap ng minimum na sahod, ang pinakamababa ay sa Malolos branch na P364/araw lang ang minimum na sahod kumpara sa P481/araw para sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Karamihan naman sa mga kontraktwal na manggagawa ay mga agency-hired at tumatanggap din ng minimum na sahod. Hanggang walong oras ang trabaho nila pero minsan ay sobra-sobra pa ang oras ng paggawa at kapag mag-overtime (OT) ay kailangang mabuo ang isang oras kung hindi ay hindi sila mababayaran ng overtime pay. Ang kanilang mga benepisyo katulad ng SSS, PhilHealth at Pag-Ibig ay hindi regular na nahuhulugan ng kanilang mga ahensya.

Blue boys, blue girls naman ang tawag sa iba pang mga kontraktwal na manggagawa sa mga supermarket at department store na direkta sa mga concessionaire nagtatrabaho. Sila ang mga nagbabantay ng mga produkto ng concessionaire na nilalagay sa mga estante ng supermarket o department store. Katulad ng iba pang kontraktwal ay hindi sila nakakatanggap ng iba pang benepisyo at ‘endo’ pagdating ng lima hanggang anim na buwan at minsan ay mas maliit ang  sahod kaysa sa nakapaloob sa direct hiring ng supermarket o department store.

Construction

Mas mababa pa sa minimum na sahod ang natatanggap ng mga manggagawa ng TRASS Construction Company, kontraktor ng iba’t ibang proyekto kabilang na ang mga konstruksyon ng Robinsons at iba pa. Umaabot lang sa P400 bawat araw ang natatanggap na sahod ni “Mark” na 23 taon nang nagtatrabaho bilang construction workers sa kumpanya. Samantala, ang mga mas bagong manggagawa ay aabot lang sa P280 bawat araw ang sahod sa 12 oras na paggawa. Wala silang payslip at iba pang benepisyong natatanggap mula sa kumpanya. Nakabatay lang sa proyekto ang kanilang trabaho, pero dahil maraming proyekto ang kumpanya, hindi siya nawawalan ng trabaho. Buong akala ni “Mark” ay regular na manggagawa na siya ng kumpanya.

Maintenance sa pamantasan

Colorum casual ang tawag sa mga maintenance personnel o tagatiyak ng kalinisan at kaayusan ng mga pasilidad katulad ng silid-aralan, palikuran at laboratoryo sa Adamson University. Colorum dahil wala silang kontrata at depenidong trabaho at panahon ng pagtatrabaho, kaiba sa mga kontraktwal na manggagawa sa nasabing pamantasan na may kontrata. Tumatanggap lang sila ng P500 bawat araw sa loob ng 20 araw na paggawa sa isang buwan at walang benepisyo.

Ngunit, kaiba sa mga agency-hired na mga manggagawa, sila ay nakapailalim sa isang “human resource service cooperative” ng Caritas Et Labora na kabahagi ng Caritas Manila. Sa esensya ay ito kahalintulad ng isang manpower agency na nagsusuplay ng mga kontraktwal na manggagawa sa iba’t ibang institusyon.

BPO

Para naman sa mga nagtatrabaho sa Business Process Outsourcing (BPO) o mga call center, mapagpanggap sinasabing mareregular sila sa kumpanya dahil kahit anong oras ay pwede silang matanggal sa trabaho. Katulad ni Harmonie na walong buwan na sa kumpanyang kanyang pinagtatrabahuan ay kinokonsidera na bilang ‘regular’ pero kapag mababa ang kanyang ‘metrics’ kung hindi naabot ang kailangang quota ay anumang oras ay maaari siyang matanggal sa trabaho.

Kadalasan ay gabi o graveyard shift ang trabaho sa BPO, madaling kapitan ng sakit ang mga empleyado rito dahil sa matinding pagod at puyat,

At dahil na rin sa katangian ng BPO na nakasandig sa mga kliyente nito na nakabase sa ibang bansa, anumang oras na matapos ang kontrata, i-pull out ang account o mawalan ng kliyente ang kumpanya, kasabay nito ang pagkawala ng trabaho ng mga empleyado nito.

Nasa P 10,000 ang pinakamababang starting salary sa mga BPO, may ilang aabot pa sa P18,000 kung matanggap sa BPO at kahit pa hindi pa naka-gradweyt ng kolehiyo. Ngunit umaabot naman sa 30% ang kaltas na income tax sa suweldo nila.

Fastfood

Aabot lang sa P60/oras ang sahod na natatanggap ng isang manggagawa sa fastfood chain na Jollibee dito sa NCR at pagdating ng ika-limang buwan ay ‘endo’ o end of contract na sila. Dagdag pa rito ay nagpapatupad ng pwersahang turn-over o charity work, ibig sabihin ay meron silang 30 minuto hanggang dalawang oras ng trabaho na binibigay sa kumpanya na walang kaakibat na sahod. Kadalasan nangyayari ito tuwing opening o closing kung saan maghahanda o maglilinis sa kung saan man nakatalaga ang service crew bago o pagkatapos magbukas ang kainan.

Ospital

Sa mga pribado at pampublikong ospital ay hindi na nagiging regular ang mga manggagawa sa kalusugan kabilang na ang mga nurse, nursing aide, technician, housekeeping at maintenance. Kalakhan ng mga kontraktwal na manggagawa sa mga ospital ay tumatanggap lang ng minimum na sahod, walang mga benepisyo at no work, no pay.

Bukod sa kontraktwalisasyon, umaabot sa 12 oras ang duty ng mga manggagawang pangkalusugan dahil sa kakulangan ng staff lalo na sa mga pampublikong ospital. Lagi ring naantala ang kanilang sweldo.

—-

Bukas ang artikulo na ito sa mga kontribusyon para mapayaman pa ang kaalaman hinggil sa usaping ito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here