Noong Pebrero 22, nagsagawa ng solidarity activity ang Panday Creekside Urban Poor Inc. (PCUPI) upang muling konsolidahin ang kanilang pagkakaisa at paninindigan laban sa nakaambang banta ng demolisyon sa kanilang komunidad sa Brgy. Palingon-Tipas, Taguig City.

Aabot sa 200 kabahayan, na kinabibilangan ng mga sharer, tenant, at iba pang naninirahan sa komunidad, ang apektado ng naturang demolisyon.

Matatagpuan ang komunidad ng Panday Creekside sa kahabaan ng Levi Mariano, partikular sa hangganan ng Taguig, Pateros, at Pasig.

Karapatan sa paninirahan ng Taguigeño

Sa higit apat na dekada, hinubog at pinanday na ng karanasan sa pakikipaglaban para sa katiyakan sa paninirahan ang mga residente ng Panday Creekside.

Ngunit noong 2011, sumambulat sa mga residente ang umano’y may-ari ng lupang kinatitirikan ng Panday Creekside na si Jaime Lontoc. Dalawang taon makalipas ay lumutang naman ang Monocrete Construction Company (MCC) na nagpakilalang may-ari ng lupa.

“Hindi makatao yung nangyaring predemolition conference. Aalukin tayo ng P30,000 tapos lumayas na tayo rito? Sa tingin ninyo makatriwan ito?” ani Almer Lumba, kasalukuyang tagapangulo ng PCUPI.

Noong Pebrero 19, nagkaroon ng predemolition conference sa komunidad ng Panday Creekside. Anila, mistulang “stamp pad” sa halip na “consultative” ang naturang kumperensya dahil binigyan na lamang sila ng tatlumpung (30) araw para lisanin ang komunidad kasabay ng pag-aalok ng kumpensasyon na P30,000 hanggang P41,000.

Ayon sa mga residente, hindi na bago sa kanila ang ginagawang mga pangungumbinsing magpabayad na lamang.

Ani Lumba, sa kasalukuyan ay panapanahong nag-iikot ang demolition team kasama ang sheriff para alukin ang mga residente na magself-demolish kapalit ng alok na kumpensasyon.

Ang usapin sa katiyakan sa paninirahan ang naging hudyat sa kapasyahan ng mga residente ng Panday Creekside na buoin ang samahan na PCUPI, aniya.

“Noong 2015, lumaban na kami sa illegal demolition dito sa aming lugar,” dagdag ni Lumba.

Ayon naman kay Girlie Delos Santos, organisador mula KADAMAY National Capital Region, pocket demolitions ang isinasagawa sa mga komunidad para unti-unting isakatuparan ang kabuoang pangangamkam ng lupa.

Bilang Taguigeño, nagbahagi rin si Delos Santos ng naging karanasan nilang mga residente sa Maysapang, Brgy. Ususan na nakipaglaban para sa katiyakan sa paninirahan. Si Delos Santos ang tumatayong pangulo ng Nagkakaisang Residente ng Maysapang Homeowners Association Inc. (NRMHOAI).

“Hindi iba ang dinanas namin sa Maysapang na kumaharap ng laban sa R-II Builders. Dito naman sa Panday Creek, nariyan ang Monocrete. Sadyang sa ngalan ng pribatisasyon at development kuno, itong mga dambuhala at pribadong korporasyon ang tagapamandila ng pagpapalayas sa maralitang lungsod sa NCR,” ani Delos Santos.

Sa pagtatapos ng naturang aktibidad, hiling ni Lumba gayundin ng ilang mga residente ang pakikipagdayalogo kay Taguig City Mayor Lani Cayetano upang kilalanin ang kanilang karapatan sa paninirahan sa Panday Creekside.

“Sa naging laban dito, hindi bahagi ang Panday Creekside sa sinasabing lupang saklaw na kinakamkam ng Monocrete. Ito ang nais kong bigyang linaw kay Mayora,” aniya.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here