Nagsagawa ng isang Black Friday Protest ang mga grupo ng kabataan sa University of the Philippines Manila upang kundenahin ang patuloy na mga atake ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga alagad ng midya, ang patuloy na paglala ng pasismo sa bansa habang nagpapabaya ang gobyerno sa mga usaping nakakaapekto sa mamamayan.

“Hindi lang ABS-CBN, pati na rin mga ibang media outlets at community journalists tulad ni Frenchie May Cumpio ang sinasampahan ng gawa-gawang kaso. Hindi dapat pumayag ang mga kabataan sa mga [ganitong nangyayari],” sabi ni  Mikay Gonzales, Kabataan Partylist UP Manila spokesperson.

Inaresto si Frenchie Mae Cumpio kasama sina Mira Legion, Marielle Domequil, Marissa Cabaljao at Alexander Abinguna sa Tacloban noong Pebrero 7 at sinampahan ng gawa-gawang kaso gaya ng illegal possession of firearms and explosives. Si Cumpio ang tumatayong executive director ng Eastern Vista, isang alternatibong pahayagan sa Silangang Bisayas.

Ilang beses nang nagbanta ng administrasyon na ipasara ang ABS-CBN na siyang pinakamalaking korporasyong midya sa bansa. Noong Pebrero 12 ay naghain si Solicitor General Jose Calida ng isang quo warranto petition sa Korte Suprema upang madaliin ang pagsusupinde sa prangkisa nito.

“Isa sa mga pinakamalala na maaaring mangyari kung ito ay matutuloy ay ang pagkawala ng hanapbuhay ng 11, 000 manggagawa ng ABS-CBN,” ani Noelle Mejia ng Manila Collegian opisyal na publikasyon ng UP Manila.

Kapalit ng mga trabaho, aniya, ang katotohanang pinag-iinitan ni Duterte ang mga media network dahil kritikal sa kanyang mga polisiya, gaya ng ginagawa niyang ligal na panghaharass sa Rappler na masugid na nag-ulat hinggil sa madugong gera kontra droga ng pangulo.

“Ilang taon na tayong sinusubukang busalan ngunit hindi tayo nagmamaliw sa ating mandato na ipahayag ang pawang katotohanan.” dagdag ni Mejia.

Ginagarantiya aniya ng Konstitusyon, ang pinamakataas ng batas sa bansa, ang kalayaan sa pamamahayag at walang mandato ang pangulo na piliin lang kung sinong magpapahayag at ano ang ipapahayag gaya ng sinabi nito sa ABS-CBN noong 2017 na kapag i-promote ng network ang pederalismo ay makikipag-areglo siya hinggil sa nakaambang pagtatapos ng prangkisa ng network.

“‘Yung renewal ng prangkisa ng ABS-CBN matagal nang nakahain sa Kongreso, pero wala pa ring aksyon habang kasabay at regular na nagbabanta si Duterte sa network na titiyakin niyang maipasara ito. Marso 30 ang expiration ng prangkisa, Marso 11 ang nasabi sa skedyul na mag-adjourn ang Kongreso, anu na? Pero yung pag-amyenda sa Human Security Act para magkaroon ng pinagsama-samang pangmalagiang ‘di deklaradong martial law, death penalty at anti-subversion na pawang mga wala sa batas ngayon ay niraratsada na,” ayon kay Faye Cruz of Anakbayan UP Manila.

Kinundena rin ng mga kabataan ang napakabagal ng naging reaksyon at kulang pa rin ang tugon ng administrasyong Duterte sa sitwasyon ng libu-libong mga biktima ng nangyaring pagsabog ng Bulkang Taal. Matatandaang inudyok pa ni DILG Secretary Eduardo Año ang publiko na magbigay ng relief goods sa mga apektado ng pagsabog na ito.

“Nakakatawang isipin na sa panahon kung saan higit na kailangan ang presensya ng isang presidente doon sya nawawala. Sumabog ang Bulkang Taal? Absent. Nagkaroon ng confirmed cases at casualty ng COVID-19 sa bansa? Absent. Pero isang ngawa lang ni Bato? May statement agad? At heto na nga at ibinasura pa ang VFA,” dagdag ni Cruz.

Naging mabagal din ang gobyerno sa pagtugon sa banta ng COVID-19 kung saan nagkaroon ng dalawang kasong kumpirmado (Enero 30), unang kaso ng pagkamatay sa virus sa Pilipinas at una saanman sa mundo labas ng China (Pebrero 2), at halos 12 araw matapos ang lockdown sa Wuhan (Enero 23) na sinasabing pinagmulan ng virus kung saan may eroplano pa galing Wuhan na nakalapag sa Pilipinas (Enero 22) ang lumipas bago nagpulong ang gabinete ni Duterte noong Pebrero 3.

“Hindi dapat tayo magpakulong sa ating mga problema sa acads bagkus ay dapat makialam din tayo sa laban ng sambayanang Pilipino,” ani Ron Erasmo ng Konseho ng Mag-aaral ng Unibersidad ng Maynila.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here