Nagtungo ang mga progresibong grupo sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City upang gunitain ang Araw ng mga Pambansang Bayani ngayong Agosto 31.

Kasama sa mga dumalo ang kaanak ng mga medical frontliner na nagbuwis ng buhay gaya ni Dr. Raul Jara na pumanaw sa COVID-19 noong pang Marso at naitalang ika-4 na doktor na pumanaw sa pagseserbisyo laban sa nakahahawang sakit. Kasama rin sa mga dumalo ang mga kaanak at kasamahan ng mga pinaslang na aktibista gaya nina Randall Echanis at Zara Alvarez na pinaslang nito lamang Agosto.

Ang dambana sa Bantayog ng mga Bayani ay nagpupugay sa mga lumaban sa diktadurya, mga martir ng kalayaan na noon pa lang Batas Militar ay pumanaw at maging ang mga pumanaw matapos ang madilim na bahaging iyon ng kasaysayan ng bansa.

Nag-alay din ng bulaklak ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) NCR sa Liwasang Bonifacio, bilang pagkilala sa tagapagtaguyod ng rebolusyunaryong grupo na Katipunan at naging mapagpasyang aksyon sa pagpapalayas sa Kastilang mananakop sa loob ng higit 300-taon.

“Ipanawagan din natin ang ating mga panawagan laban sa naghahasik ng kontra mamamayan na polisiya sa kasalukuyan — ang gobyerno ng Pilipinas sa katauhan ni Rodrigo Duterte,” anang BAYAN Metro Manila sa kanilang pahayag.

Bahagyang pinigilan ng mga pulis ang pag-aalay nila ng bulaklak sa dambana ni Bonifacio sa kabila ng pahintulot na ibinigay ng alkalde ng lungsod Maynila na si Francisco “Isko Moreno” Domagoso na limitado lamang sa 10 tao ang aktibidad at kailangang sumusunod sa minimum na pamatanyan ng kalusugan. Giniit din ng grupo na ang Liwasang Bonifacio ay tinuturing na “freedom park.”

“Nagiging walang silbi ang pinaglaban na mga bayani dahil sa kanyang mga polisiya katulad ng di matapos tapos na giyera kontra droga, pagpapatupad ng anti terror na batas, pagpatay sa mga aktibista, pagbobomba sa kabundukan at ang di makatao, paggamit ng kamay na bakal sa pagresponde ng pandemya,” anang grupo.

ALERT: Kasalukuyang hinaharang ang grupo ng BAYAN Metro Manila ng mga kapulisan dahil pinagbabawal daw mag alay ng…

Geplaatst door BAYAN – Metro Manila op Zondag 30 augustus 2020

 

Mula pa 1931 ginugunita ang Araw ng mga Pambansang Bayani, na dati’y itinakda sa huling Linggo ng Agosto. Inilipat naman ito sa huling Lunes ng Agosto noong 2007 sa bisa ng Republic Act 9492, sa batayang “Holiday economics” ni dating Pangulong Gloria Arroyo o pagkukumpol ng mga holiday sa simula o dulo ng linggo para humaba ang araw na walang pasok (long weekend) at maitulak ang panloob na turismo. Itinakda sa Agosto ang araw na ito kasunod ng  “Sigaw ng Pugadlawin” na sinasabing nangyari sa huling bahagi ng Agosto at alay para sa mga bayani ng Rebolusyong Pilipino laban sa mga Kastila.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here