Si Tony Diamante ay nag-aani ng mais nang nakarinig siya ng magkakasunod na putok ng baril. Kumaripas siya ng takbo pabalik sa bahay niya upang sabihan ang kanyang mga anak na huwag lumabas.

Lalong lumakas ang putukan. Hinahawakan ni Mang Tony nang mahigpit ang kanyang mga anak nang naalala niyang nasa labas pala ng bahay si Toto, 22, pangalawa sa pito niyang anak.

Noong Disyembre 3, 2017 nang tanghali, walong myembro ng tribung T’boli at Dulangan-Manobo ang pinatay ng militar sa Sitio Datal Bonlangon, Brgy. Ned, Lake Sebu sa South Cotabato. Kinilala ang mga biktima na sina Victor Danyan, Jr., Artemio Dangyan, Pato Celarbo, Samuel Angkoy, Boot Lagase, Mateng Bangalore, at Datu Victor Danyan. Pangwalo si Toto sa pinatay.

Pangunahing target ng mga pumatay sa kanila si Datu Victor Danyan, ang matapang na lider ng kanilang komunidad na simula pa dati ay nangunguna sa pagdepensa ng kanilang lupang ninuno laban sa panghihimasok ng plantasyon ng kumpanyang David M. Consunji Corp. (DMCI).

Hindi umalis ang 27th at 33rd Infantry Battalion ng AFP pagkatapos nilang patayin ang walong katutubo. Pumalibot sila sa komunidad at naghasik ng takot sa mga naninirahan sa Sitio Datal Bonlangon hanggang sa napilitan silang magbakwit.

Umalis sila mula sa komunidad ng alas-4 nang hapon at nakarating sa Sitio Panamin ng alas-12 na nang madaling araw. Nasasapawan ang yapak ng kanilang mga paa ng malalakas na putok ng baril. Wala silang dalang gamit sa bahay. Wala silang nabitbit na mga damit o pagkain.

Sa mahabang byahe nila, namatay ang isang bata. Hindi na nabigyan ng pagkakataon ang kanilang mga magulang na makasama siya sa kanyang unang kaarawan.

Habang nakabakwit sa Sitio Panamin, may dumating na mga pulis at inaresto si Mang Tony at isa pang kasamahan nang walang warrant of arrest. Sabi lang ng pulis, may pag-uusapan raw sila, importante. Dahil sa takot, sumama sina Mang Tony kahit hindi nila alam kung saan sila dadalhin. Iyon pala ay sa istasyon ng pulis sila dinala, kung saan naghihintay ang kanilang warrant of arrest. Isang linggo at sampung libong piso ang kapalit ng paglaya nina Mang Tony sa kulungan.

“Dahil sa martial law, namatay ang anak ko na wala namang kasalanan at dinakip din ako na walang kasalanan. Kaya ayaw ko ng martial law,” sabi ni Mang Tony.

Hinanakit niya ang pagpapalawig ng martial law ng buong taon sa bisa ng kahilingan ni Pangulong Duterte sa Kongreso. “Binoto ko si Duterte kasi akala ko makakatulong siya aming mga mahihirap. Pero kung alam ko lang na ganito, hindi na lang sana.”

Panawagan niya na magkaroon ng hustisya para sa kanyang anak at sa pito pang pinatay sa Lake Sebu Massacre. Panawagan niya na ibalik na sa kanila ang kanilang lupang ninuno.

Sa kasalukuyan, mayroong 14 na pamilyang bakwit na nasa Sitio Tulali at 19 pamilyang nakabakwit sa Marbel.

tatay-tony

Si Mang Tony Diamante

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here