Nagsumite ng Letter of Inquiry sa Office of the Ombudsman noong Marso 13 ang grupong MANIBELA para itulak ang update sa isinampang kaso ng graft and corruption laban kina Department of Transportation (DOTr) asecretary Jaime J. Bautista, Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) chair Teofilo Guadiz III, at Office of Transport Cooperatives (OTC) president Andy Ortega. Isinampa nila ang kaso noong Pebrero 7.
Dismayado ang mga jeepney driver at operator dahil sa mabagal na usad sa mga inihaing demanda sa mga korte: ang kanilang petisyon noong nakaraang taon sa Korte Suprema at ang kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno ngayong taon sa Ombudsman.
Matatandaan noong Disyembre 20, kapwa nagsumite ang MANIBELA at PISTON ng temporary restraining order (TRO) sa pagpapatupad ng franchise consolidation alinsunod sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Nagpatuloy pa ang pakikipaglaban ng mga jeepney drivers at operator hanggang sa natulak ang LTFRB na maglabas ng mga Memorandum Circular (MC) 2023-052 noong nakaraang Disyemebre 2023 para sa January 31 extension deadline, habang inilabas naman ang MC 2024-001 ngayong Enero para sa pag-extend muli ng provisional authority (PA) ng mga jeepney driver at operator hanggang April 30 ngayong taon.
Ayon kay MANIBELA president Mar Valbuena, ito ay munting mga tagumpay na kanilang nakamit sa mga pagkilos bunsod ng nakaambang kawalan ng hanapbuhay ng mga hindi nagpapakonsolida sa ilalim ng itinuturing nilang huwad at bogus na PUVMP.
“Kailangan din natin malaman sa Kongreso kung kailan ulit babalik ang hearing hinggil sa PUVMP. Natigil na mahigit isang buwan para malaman natin ang katotohanan kung maglalabas na ng committee report o resolusyon pa,” ani Valbuena.
Checkpoint sa Batangas
Nagsumite rin ng inquiry ang MANIBELA hinggil sa nangyaring pag-checkpoint at surveillance ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police (PNP) kasagsagan ng kanilang asembliya na isinagawa sa Lemery, Batangas noong Pebrero 24 at 25.
“Ubos talaga diesel namin. Gutom, pagod. Yung mga bata iyakan nang iyakan. Kami lang po yong mismong hinaharang ng mga pulis,” pagbabahagi ni Michael Cabral, pangulo ng MANIBELA Novaliches-Blumentritt chapter.
Halos labindalawang (12) oras ang naging biyahe sa siyam (9) na checkpoint ang naranasan ni Cabral, kasama ang kanyang pamilya at anak sa kanilang biyahe mula Batangas hanggang Maynila. Pitong jeep ng grupong MANIBELA ang hinarang kasagsagan ng nasabing mga checkpoint.
“Ako yung inagawan ng cellphone, maraming intel sa loob. Hindi nga namin alam kung bakit ganoon e, nagsasaya lang kami. Hindi naman siguro bawal iyon?” dagdag pa niya.
Ayon kay Valbuena, walang ibinibigay na kahit anong dahilan nang sila ay harangin.
“Hinold kami sa mga checkpoint. Piniktyuran ang aming sasakyan, ang aming mga drayber, lisensya, mga Official Receipt (OR) and Certificate of Registration (CR) at ipinapadala through messenger sa kung sinu-sinong mga tao. Sobrang abusive and pure harassment ang ginawa sa amin,” ani Valbuena.
Ibinahagi rin ni Cabral na mula pa noong makarating na sa tinuluyang resort ang pagmamanman ng LTO at PNP sa kanila.
“Pinipiktyuran ang tarpaulin namin, ang cottage, pagdating pa ng tanghali ay lalong dumarami. Nung gabi rin ay pinuntahan pa kami ng HPG, ng LTO para ang piktyuran ang mga sasakyan namin,” pagdedetalye pa ni Cabral.
Nagpapatuloy na franchise consolidation withdrawal
“Marami nang nagwiwithdraw, paanong tumataas pa rin sila?” pasaring ni Cabral hinggil sa pahayag ni Guadiz na mayroong 96% nang nagpakonsolida sa NCR.
Noong Marso 9 ay naglunsad naman ng operators consultation ang PISTON para sa mga operator na napilitang magpakonsolida bunsod ng takot at pangamba sa pagkawala ng kanilang kabuhayan.
“Binabandera pa rin ng LTFRB na nagtatagumpay daw ang PUVMP pero ang di nila inaamin, maraming operator ang napilitan lang at pinilit lang mag-consolidate. Ang hindi sinasabi ng LTFRB, ang consolidation ay pang-aagaw sa indibidwal na prangkisa ng mga operator para ipasa sa mga malalaking kooperatiba at mga malalaking korporasyon,” pahayag ng PISTON.
Ayon naman sa Defend Job Philippines, mainam na tugunan ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. nang kagyat na atensyon ang usapin ng PUVMP lalo sa papapalapit na deadline muli sa Abril 30.
Dagdag pa ng grupo, krisis sa transportasyon ang dulot PUVMP lalo na sa iniraratsadang charter change ni Marcos Jr. na magbibigay-daan sa pagpasok ng mga dayuhang korporasyon.
“Ang hinaing lang namin ay huwag mawalan ng hanapbuhay. May tatlo pa akong anak na maliliit na gusto kong mapagtapos. Kapag nawalan kami ng trabaho. Hindi rin sapat yong minimum wage kaya sinisikap at sinisipagan pa namin bumyahe. Dapat nga inuuna nila ang pagbaba ng presyo ng bilihin, hindi itong pagtanggal ng trabaho sa amin,” ani Cabral.
Panawagan ng MANIBELA at PISTON ang suporta mula sa kapwa jeepney driver at operator ang paggiit sa pagbabalik ng limang taong indibidwal na prangkisa, maging ang sama-samang pagtindig at pagwithdraw para sa mga napilitang mag-consolidate.