Mabagal na aksyon, pagsugpo sa mga kritiko ng gobyerno, kinundena ng mga grupo ng estudyante sa Intramuros at Taft sa Maynila

0
443

“Nakakagalit isipin na ang “shoot to kill” order na nakadirekta sa “Left” na sinabing kalaban ng estado ang mas pinagtutuunan ng pansin ng administrasyong ito. Ngunit ito rin ay pag-atake sa mga kritikal sa gobyerno na maaaring maparatangang kalaban nito,” saad sa pahayag ng mga grupo ng estudyante sa Intramuros at Taft.

Ang mga lumagda sa pahayag ay ang De La Salle College of Saint Benilde-Central Student Government, University of the Philipines Manila University Student Council, Lyceum University of the Philippines Central Student Government, Adamson University Student Government, Alyansang Tapat sa Lasallista, Leaders in Diplomacy, Benilde HIVE and Benilde Debate Varsity.

Anang mga pumirma sa pahayag, mula nang maipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso 17 ay kaliwa’t kanan na ang napabalitang iregularidad.

Ilan sa mga iregularidad na binabanggit ang kakulangan ng patnubay sa pagpapatupad, ang ginawang paglabag ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa ECQ, pag-aresto sa mga maralitang humihingi ng ayuda mula sa Sitio San Roque, pagpapaimbestiga kay sa alkalde ng Pasig na si Vico Sotto at iba pa.

Sa kabila ng mga ganitong kahinaan, anang mga grupo “Walang pagbibigay solusyon sa mga hinaing at pangangailangan ng sambayanan, ngunit mas binigyang pansin ang pagsugpo sa mga kalaban ng estado,” kung kaya’t kinukundena nila ang aksyon ng gobyerno.

Daing din ng mga grupo na sa kabila ng emergency powers at P275 bilyong pondo o higit pa ng gobyerno ay natatagalan pa rin ang mga personal protective equipment para sa mga manggagawang pangkalusugan at ayuda sa mahihirap.

“Patuloy tayong nananawagan para sa isang solusyong medikal na nakatuon sa mga komunidad,” anang mga grupo.

Nanawagan din sila sa kabataan na bumoto sa 2022 at patuloy na kumilos at ipaglaban ang makatarungang paniningil ng mamamayan.

Ginamit din nila ang ilan sa mga panawagang kumalat sa social media, gaya ng #OustDuterte, ‘Ang Tao, Ang Bayan, Ngayon ay Lumalaban’ matapos ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na inutusan ang pulis na ‘shoot them dead’ sa mga lalabag sa mga panuntunan ng lockdown at lalaban sa kapulisan matapos. Ang hindi inanunsyong pahayag ni Duterte ay lumabas kinagabihan matapos naglabasan ang nasa 150 mamamayan sa Sitio San Roque, Barangay Bagong Pag-asa sa EDSA para humingi ng ayuda noong Abril 1.

Kinabukasan, pinaliwag ng iba’t ibang kawani ng gobyerno na ang ‘shoot them dead’ na kautusan ng gobyerno ay nakadirehe lamang sa mga grupong kaliwa o mga ahitador at ipinilit na Kadamay ang nagpasimula ng protesta sa Sitio San Roque, bagaman nasabi na ng mga nagprotesta na kusa silang tumungo sa EDSA dahil napabalitang may ayudang paparating mula sa isang pribadong grupo at hindi sila mga myembro ng Kadamay. Nananatiling nakakulong ang 21 hinuli at marahas na dinisper sa protesta sa kabila ng apela ng alkalde ng lungsod na si Joy Belmonte na palayain ang mga ito.

Magsisimula pa lang magbigay ng ayuda sa mahihirap na pamilya ang pambansang gobyerno sa pamamagitan ng social amelioration fund matapos ang 20 araw na lockdown sa Luzon o 18 araw na total lockdown sa Luzon. Aabot sa P200 bilyong pondo ang inilaan ng gobyerno rito.

 

Nagkakaisang Panawagan ng Intra-Taft Network Matapos ang Address to the Nation ni Duterte noong Abril 1,…

Geplaatst door Adamson University Student Government op Donderdag 2 april 2020

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here